Pinakiusapan ni City Environment and Natural Resources Officer/City Agriculturist Nerissa Mateo ang lahat ng mga tindera at mamimili sa loob at labas ng pamilihan na huwag nang gumamit ng plastik, at sa halip ay gumamit ng basket o bayong.
Ang apilang ito ay bilang suporta sa kampanya ng pamahalaaang panlungsod sa pamumuno ni Mayor Francis Garcia na “BALIK BASKET at BAYONG PROGRAM”.
Ipinaliwanag ni Bb. Mateo na kung susunod lang ang mamamayan sa naturang programa ay maiiwasan umano ang pagbaha dahil ang plastik na ating itinatapon ay napupunta sa mga estero at kailugan na bumabara sa mga daluyan ng tubig na dahilan para bumaha.
Nauna rito nakapasa na sa unang pagbasa sa Sangguniang Panlungsod ang isang resolusyon na naglalayong mag-endorso at hikayatin ang mga tao na gumamit ng basket at bayong sa Lungsod ng Balanga.
Hindi pa man ganap na naisasabatas ay pinangungunahan na ni Bb. Mateo ang pamamahagi ng mga basket at bayong sa pamilihan ng Lungsod ng Balanga na gagamitin naman ng mga mamimili sa tuwing sila ay mamamalengke.
Umabot sa 1,200 basket ang naipamahagi sa mga mamamalengke sa unang bugso na masusundan pa ng 1,200 basket sa susunod na araw.
Nilinaw pa ni Bb. Mateo na upang lubusang maipatupad ang naturang programa ay magdaraos pa muna ng public hearing sa loob ng pamilihan hinggil dito.