LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Pinangunahan kaninang umaga ni Bataan Gov. Albert S. Garcia ang pormal na paglulunsad ng “Provincial capitol anti-smoking campaign” kasabay ang paghikayat sa lahat ng mga kawani ng kapitolyo at mga ahensya ng pamahalaan na iwasan na ang paninigarilyo dahil sa masamang epektong dulot nito sa kalusugan.
Bago ang flag raising ceremony, nanguna rin ang gobernador at Vice Gov. Efren Pascual Jr., mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan (SP), sa parada sa palibot ng capitol compound na nilahukan ng mga empleyado at department heads kasama ang iba pang kawani ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para iparating ang mensahe na gawing 100% tobacco-free environment ang buong lalawigan sa pamamagitan ng pagtigil sa paninigarilyo.
Nakiisa naman ang mga empleyado at mga opisyal ng kapitolyo sa ‘pledge of commitment’ kung saan nanumpa ang mga ito na hindi maninigarilyo sa paligid at loob ng lahat ng tanggapan at ahensya ng gobyerno at papatawan ng karampatang parusa ang sinumang lumabag sa kautusang ito.
Nagkaroon din ng ceremonial breaking of cigarettes at ang pagbubukas ng anti-smoking and tobacco control mini-library sa capitol lobby kung saan ay ilang reading materials ang mababasa ukol sa masamang epekto ng paninigarilyo at matulungan ang mga nagnanais na tumigil sa paninigarilyo sa pamamagitan ng tobacco smoking cessation program ng Provincial Health Office (PHO).
Ayon kay Gov. Garcia, isa sa layunin ng kanyang administrasyon na maging smoke-free environment ang Bataan at makamit ang Red Orchid Award ng Department of Health (DOH) para sa epektibong kampanya nito laban sa masamang epekto ng paggamit ng tabako. Batay sa ulat ng World Health Organization (WHO) at ng DOH, lumitaw na sampung Filipino smokers ang namamatay kada oras sanhi ng tobacco-related diseases. Umaabot naman sa 17 katao ang maagang nasasawi kada minuto sa buong mundo bunsod ng preventable non-communicable disease tulad ng cardio-vascular disease, diabetes, cancer at chronic respiratory disease.
“Para humaba pa ang ating buhay at magkaroon ng malusog at masayang pamumuhay, hinihiniling ko ang inyong buong pakikiisa sa ating adhikain na gawin nating smoke-free ang Bataan,” ani pa Garcia.