banner

Bataan coastal waters positibo sa “Red Tide”

Written by
  • Mhike R. C.
  • 5 years ago

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – May red tide sa Bataan!

Ito ang iniulat ng Department of Agriculture at attached agency nitong Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR matapos magpositibo sa Paralytic Shellfish Poison o PSP sa isinagawang water testing.

Ayon sa BFAR positibo sa red tide ang mga bayan ng Orani, Samal, Hermosa, Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Abucay at Balanga City.

Ang toxin level sa mga nakolektang shellfish samples ay naitala sa 61 to 1200 ugSTXeg/100g na lubhang mataas sa tolerable level na 60 ugSTXeg/100g.

Payo ng BFAR, ipinagbabawal nila ang pagkain, pagharvest, pagbibiyahe at pagbebenta ng mga shellfish kagaya ng tahong, talaba, tulya, at iba pang klase ng shellfish na nakukuha sa karagatan o tubig alat.

Maglalabas muli ng advisory sa mga susunod na pagkakataon ang BFAR para malaman kung bumaba na ang toxicity level sa baybayin ng mga nabanggit na bayan sa Bataan.

Ang lason ng red tide ay nakukuha mula sa pagkain ng mga apektadong tahong, talaba, tulya, halaan, at iba pang laman dagat na nasa kabibe o shell.

Ang pagkakalasong ito ay nagdudulot ng panganib sa buhay na  maaaring maranasan sa loob lamang ng 12 oras mula sa pagkakakain ng kontaminadong lamang-dagat. Ang pagdami ng organismong nagdudulot ng red tide ay nagaganap sa maraming lugar sa mundo kabilang na ang Pilipinas.

Article Tags:
·
Article Categories:
Health · News · Works - Agriculture

Comments are closed.

Shares