banner

Bayanihan Run, umarangkada para ‘protektahan ang Bataan’

Written by
  • Jose Mari M. G.
  • 8 years ago

   LUNGSOD NG BALANGA, Bataan, Disyembre 16 (PIA) – Sa gitna ng pangamba ng lalawigan hinggil sa banta ng storm surge tuwing bumabagyo, nagkaisa ang mga mag-aaral ng Bataan Peninsula State University (BPSU) para sa isang bayanihan run kahapon upang makalikom ng pondo sa pagtatanim ng mga bakawan.

   “Hindi natin hahayaan na ang kahirapan, mga bagyo o ang kultura ng kawalang pakialam ang sisira sa ating magandang bansa, at sa inyong lagay, sa isang magandang probinsya,” ani Jose Mari Oquiñena, director general ng Philippine Information Agency (PIA), sa Bayanihan para sa Kalikasan forum na ginanap sa BPSU-Main Campus.

   Hinamon ni Oquiñena ang mga student leader na kung nais nilang may mangyaring pagbabago, dapat ay taglayin nila ang tapang upang sabihin: “Gusto ko na pagbabago!”

   Bago ang nasabing forum, tinatayang 1,200 estudyante sa ilalim ng National Service Training Program (NSTP) ng BPSU, mga empleyado at atleta ang lumahok sa limang-kilometrong Bayanihan S5 fun run na nagsimula sa Balanga City plaza patungo sa BPSU-Main Campus.

   Ang mga nalikom ay gagamitin sa pagbili ng mga mangrove propagule upang itanim sa mga storm surge-prone barangay ng Sta. Elena at Camachile sa bayan ng Orion town, at Brgy. Sapa sa bayan ng Samal.

   Ayon kay Department of Environment and Natural Resources-Bataan chief Raul Mamac, nagsisilbing natural barrier ang mga bakawan laban sa mga alon na humahampas sa mga komunidad ng peninsula.

   “Kailangan nating protektahan ang Bataan. Mas madaming proyekto kasama ang kabataan ang kailangan [para] sa  pangangalaga ng kalikasan,” ani Mamac.

   Ang Bayanihan S5 fun run at ang Bayanihan para sa Kalikasan forum ang bumubuo sa kauna-unahang Volunteers’ Day ng BPSU na gagawin nang taunang okasyon.

   Sa forum, pumirma sa memorandum of agreement sina PIA-Region 3 Director William Beltran at BPSU President Dr. Delfin Magpantay upang pagtibayin ang kailang pagtutulungan sa pagsasagawa ng information drives.

   Ang fun run at forum ay inorganisa ng Balangay Bayani, ang youth volunteerism organization ng BPSU, PIA-Bataan, at ng BPSU-NSTP. (JMG/PIA 3, Bataan)

Article Tags:
·
Article Categories:
Education · News

Comments are closed.

Shares