Lubos ang pagmamalaki ni Balanga City Mayor Francis Garcia sa dahilang isa sa mga barangay sa siyudad, ang Cupang Proper ay kabilang sa tatlong (3) pinagpipilian para sa Best National Lupon Tagapamayapa.
Nang nakaraang Biyernes sinalubong nina Vice Gov. Cris Garcia at mga miyembero ng Sangguniang Panlungsod sa pamumuno ni Vice Mayor Vianca Gozon ang validation team na kinabibilangan ng mga kinatawan ng DILG, Hukom, mga taga Supreme Court at iba pa ang bumisita sa nasabing barangay upang makaharap at marinig mula sa bumubuo ng Brgy. Cupang Lupon Tagapamayapa ang kanilang performance at best practices sa pagreresolba ng mga kasong inihahain sa kanila ng mga mamamayan.
Ayon kay Punong Barangay Norman Guila, hindi umano ang dami ng mga kasong naisampa sa barangay ang sinuri ng validation team kundi kung papaano at gaano kabilis naaksyunan ng Lupon ang mga gusot na inihain sa kanila tulad ng problema sa utang, tsismis, away ng magkakapitbahay at iba pang di pinagkakasunduan ng mga mamamayan sa kanilang barangay.
Sinabi pa ni PB Guila na noong nakaraang taon ay tinanghal silang First Runner- up sa nasabing kategorya kung kaya’t panalangin nila na sa taong ito, na sa mahusay nilang pagganap sa kanilang tungkulin ay matamo naman daw sana nila ang Best National Lupon Tagapamayapa.