Dahil panahon na ng pag pafile ng Income Tax, ang Bureau of Internal Revenue RDO-20 Bataan, sa pamumuno ni Atty Mercedes R. Estalila ay aktibong muli sa kanilang kampanya sa mga mamamayan na mag-file at magbayad ng kanilang 2025 Annual Income Tax Returns mula ngayon hanggang ika-15 ng Abril.
At upang higit pang mahikayat ang mga tao na magsumite at magbayad ng kanilang income tax, gumawa ang kanilang ahensya ng Tax Filing Infomercial, at kinuha nila si Alden Richards bilang campaign ambassador, para lalong mapaalalahan at lumawak ang kanilang kampanya sa pagbabayad ng tax.
Ito ay paraan din ayon pa kay Atty Mercedes Estalila, na maagang magsumite ng kanilang income tax return para maiwasan ang magmadali sa pagsusumite at pagkakamali sa pagbabayad nito lalo pa’t ngayon ay digital na ang pamamaraan sa filing ng income tax return.
Kung may mga tanong hinggil sa pagpa-file at pagbabayad ng income tax, ay mangyari lang umanong tumungo sa kanilang tanggapan na nasa ikatlong palapag ng Robinson’s Galeria, sa Balanga City o di kaya naman ay mag log in sa kanilang facebook page na BIR RDO-20 Bataan.