banner

Regular monitoring sa mga business establishments, tiniyak ng DTI-Bataan

Written by
  • Nerlie L.
  • 8 years ago

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na  regular ang kanilang isinasagawang monitoring sa mga palengke at iba pang business establishments sa  lalawigan upang masiguro na hindi substandard ang kanilang mga produkto at  ipinatutupad ang tamang presyo sa mga pangunahing bilihin.

Ayon kay Nelin Cabahug, Provincial Director ng DTI-Bataan, tuluy-tuloy ang kanilang isinasagawang price monitoring at product standard monitoring kung saan umabot na sa 112 business establishments ang kanilang na-monitor at lahat ng mga negosyong ito ay sumusunod sa product safety standards na ipinatutupad ng ahensya.

Bukod dito, patuloy din ang kanilang mahigpit na pagmomonitor sa mga basic and prime commodities partikular na sa pagkakadeklara ng state of calamity sa Bataan noong Hulyo na dulot ng bagyong “Henry” para masiguro na naipatupad ang ‘frozen prices’ at sumusunod ang mga ito sa price act.

Umabot din sa 130 palengke ang kanilang binisita sa may 11 bayan at isang lungsod habang 276 business establishments ang kanilang na-monitor para tiyakin ang tamang pagpapataw ng presyo sa mga pangunahing bilihin.

Noong ika-3 at ika-10 ng Oktubre ay nagsagawa ng saturation drive ang DTI katuwang ang Bataan Consumer Affairs Council (BCAC) at local government units (LGU’s)  sa Dinalupihan at Orani public markets kung saan ilang mga “madadayang” timbangan ang kanilang kinumpiska.

Sinabi ni Cabahug, na ilan lamang ito sa kanilang consumer welfare related activities na nakalinya ngayong Oktubre kaugnay na rin ng pagdiriwang ng DTI  Consumer Welfare Month na may temang “Sapat na Impormasyon: Susi sa Wastong Paggamit ng Enerhiya.”

Bukod sa poster-making contest na isinagawa ng ahensya noong ika-7 ng Oktubre na nilahukan ng 24 na high school students mula sa mga pribadong at pampublikong paaralan sa lalawigan, magdaraos din ang DTI ng Special Diskwento Caravan sa People’s Park, Mariveles sa darating na ika-17 ng buwang kasalukuyan.

Idadaos naman ang DTI provincial culminating activity sa ika-24 ng buwan ding ito na pangungunahan ni Bataan Gov. Albert Garcia at guest speaker na si Director Efren Balaoing, ng Department of Energy (DOE) Luzon field office.

Article Tags:
·
Article Categories:
Business · News

Comments are closed.

Shares