BALANGA CITY, Bataan — Plano ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan na maglagay ng mga closed-circuit television (CCTV) camera sa kahabaan ng Roman Expressway bilang paghahanda sa nalalapit na pagdaraos ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting sa susunod na taon.
Ayon kay Metro-Bataan Development Authority (MBDA) chairman Charlie Pizarro, aabot sa kabuuang 108 CCTV cameras ang planong ikabit mula sa Balsik, Hermosa patungo sa Mariveles town at sa Ala-uli, Pilar patungong Bagac.
Isa ang Bagac, Bataan sa napiling site para sa pagho-host ng Pilipinas ng APEC Summit sa darating na Nobyembre 2015 kaya naman abala na ang lokal na pamahalaan lalo na ang pamahalaang bayan ng Bagac sa pagsasaayos ng lugar na pagdarausan ng tinaguriang ‘most high profile annual gathering ng mga world leaders mula sa 21-member countries kabilang na ang Estados Unidos, Japan at China.
Nabatid din kay Pizarro na nagbigay na ng proposal kay Bataan Gov. Albert Garcia para sa instalasyon ng CCTV ang Smartmatic Corporation.
“Sakaling maikabit ang mga CCTV na ýan, isa na ang Bataan sa pinaka-high tech sa Pilipinas,” sambit pa ng dating alkalde ng Pilar.
Samantala, ibinalita rin ng MBDA chair na mayroon nang inaprubahang pondo ang national government na aabot sa P100-M para sa pagpapalapad o widening ng Roman Expressway na nakatakdang simulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa taong 2015.
Pinag-uusapan na rin umano ng League of Municipalities of Bataan ang paglalagay ng streetlights sa naturang highway para na rin sa kaligtasan ng mga motorista na bumibyahe sa gabi.