LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Pinangunahan nina Region 3 Director Lilian Garcia ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), 2nd District Congressman Joet Garcia at City Mayor Francis Garcia ang inagurasyon ng Community Fish Landing Center sa Draga Pto. Rivas Ibaba, ng lungsod na ito noong Biyernes ika- 16 ng Pebrero.
Ayon kay City Agriculturist at CENRO Head Nerissa Mateo ang Community Landing Center ay ang magiging sentro ng bagsakan ng mga huling isda at iba pang yamang dagat ng ating mga kababayang mangingisda sa Lungsod. na may kabuuang bilang na 1,395.
“Ang layunin nito ay para makapagbigay ng mas malaking kita sapagka’t kadalasan ang nangyayari sa dagat pa lamang ay binibili na ng mga middle men at iba pang biyahero sa murang halaga ang mga huli. Dito sa Community Fish Landing Center ay napapanatiling sariwa ang mga isda gamit ang mga tamang sisidlan at upang makapag dikta ng sapat at tamang presyo para sa kanilang produkto” dagdag pa ni Mateo.
Sinabi pa ni Mateo na may itinayo ding Activity Center na magagamit ng ating mga asosasyon upang dito magdaos ng kanilang buwanang pagpupulong o kaya ay magamit din para sa pagbibilad ng mga tinuyong isda.
Kasabay ng inagurasyon namahagi din sina Director Garcia, Congressman Joet at Mayor Francis ng 16 na fishing boats na kumpleto sa kagamitan tulad ng lambat at motor na ang makikinabang dito ay 36 na pamilya.