BusinessEnvironmentNews

DENR at City Hall magkatuwang sa cocomat weaving livelihood project

0

LUNGSOD ng BALANGA,  Bataan –  Inaasahang makikinabang ang mga pamilya ng may 160 katao na sumailalim sa pagsasanay para sa cocomat weaving livelihood project na pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ng pamahalaang panlungsod para tulungan ang mga Balangueño na magkaroon ng  dagdag kita sa pamamagitan ng coconut husk o  balat ng niyog.

Ayon kay Mila Ramirez, ng PENRO-Bataan, ang nasabing training program ay bahagi ng Manila Bay Rehabilitation project para ihanda ang mga informal settlers na nakatira sa mga tabing-ilog na magamit nila ang kanilang bagong kaalaman ukol sa paggawa ng basahan gamit ang balat ng niyog bilang kabuhayan sa sandaling sila ay ma-relocate sa ibang lugar.

“Bahagi rin ito ng pangangalaga sa ating kalikasan at upang mabigyan ng silbi ang inaakala nating basura na magamit sa makabuluhang bagay na pwedeng pagkakitaan,” dagdag pa ni Ramirez kung saan initial target ng kanilang proyekto ang mga nakatira sa coastal barangay ng Bagumbayan, Tortugas, Pto. Rivas Ibaba at Itaas.

“Iyong mga taga-Tuyo na sa una ay saling-pusa lang pero nakita namin na sila ay interesado at bumabalik dito para matuto at kumita ay tutulungan din natin,”  saad pa ni Ramirez, kung saan bukod sa mga materyales ay pinagkalooban din ng fabricated weaving machines, twinning machines at strainer ang mga beneficiaries ng nasabing programa.

Sinabi naman ni Nerissa Mateo, hepe ng City Agriculture Office,  na hindi na kailangan pang mamroblema ng mga lumahok sa 3-sessions ng training para sa cocomat weaving livelihood project na nagsimula noong Setyembre 10 at nagtapos kahapon (Setyembre 23), para maipagpatuloy ang kanilang natutunan sa naturang pagsasanay na isinagawa sa livelihood training center sa Brgy. San Jose, dahil dadalhin na rin nila ang mga materials at equipment sa kanilang lugar upang gumawa ng iba’t ibang produkto tulad ng dishwashing pad, lantern, lamp shade at iba pa, gamit ang balat ng niyog.

“Maganda ring balita na ang mga produktong ito ay dadalhin sa Makati para sa LIKHA- Central Luzon sa September 29 sa tulong ng DTI,”   sambit pa ni Mateo kung saan ay isang pagkakataon din ito para maipamalas ang pagka-malikhain ng mga taga-Bataan.

Anya, mula sa produksyon hanggang sa pagbebenta ng nasabing produkto ay tutulong ang city government para maiangat ang buhay ng bawat Balangueño. “Gusto kasi natin na tayo ay maging productive member ng ating komunidad,” dagdag pa ni Mateo.

Hinikayat naman ni Provincial Environment Natural Resources Office (PENRO) chief Raul Mamac ang lahat na tumulong para magpatuloy ang nasabing proyekto dahil hindi umano tumitigil ang DENR para makatulong tulad ng nasabing livelihood project na diretso sa tao.

Dumalo rin sa pagtatapos ng training program si City Councilor Jett Nisay bilang kinatawan ni Mayor Jose Enrique Garcia III at iba pang opisyal at empleyado ng DENR Regional office.

Nerlie Ledesma

1st Cerebral palsy assessment held in Bataan

Previous article

PARO assures dedication to CARP’s implementation

Next article

You may also like

Comments

Comments are closed.

More in Business