Sa kanyang ikalawang pag-uulat sa bayan, sinabi ni Mayor Aida Macalinao na unti unti ay nasisimulan na ang katuparan ng kanyang mga pangarap na serbisyong publiko na napapaloob sa programang “AIDA CARES BEST”.
Ang pangarap na sana ay mabigyan ng disente at maipagmamalaking tahanan ang kanyang mga kababayan ay nasimulan na sa groundbreaking ng itatayong 1,000 tahanan sa Sitio Pugadlawin sa Brgy. San Juan, gayundin ay tatapusin na 133 bahay sa Sta Catalina Homes na lalagyan ng maayos na tubig. Kung maibebenta umano ang kahat ng tahanan sa Sta. Catalina Homes, ito ay P112 Milyon pisong karagdagan sa kanilang local income. Iniulat din ni Mayor Macalinao ang P50 Milyong pondong nagmula sa NHA para sa itatayong mga tahanan sa resettlement area sa Brgy. Imelda.
Kasama rin sa pag uulat ni Macalinao ang pagbibigay na umano ng P1,250,000.00 bilang educational aid sa may 500 scholars, na ayon pa sa kanya ay pipilitin niyang umabot ito sa 700 slots para mas marami pang matulungang mag aaral. Samantalang ang lahat ng graduating students ng Samal Sr. High at Saint Catherine of Sienna Academy ay nakatangap na rin ng tig P1,500.00 bukod pa ang libreng toga sa graduation at mga medalya para sa mga honor students.
Higit na ipinagmalaki ni Mayor Aida ang paglago ng kanilang ekonomiya, na mula sa total assessed value na P2, 718, 243,460.00 as of February na nangangahulugan lamang na ang kanilang ekonomiya ay lumago ng 20% sa ilalim ng 2020 tax mapping project na nagbigay ng kasiguruhan ng sapat na pondo para sa marami pang proyekto. Sa araw ding iyon ay ipinamahagi ni Mayor Aida ang may 80 television sets na may built- in black box sa lahat ng paaralan sa Samal. Bilang panghuli ay nagpasalamat si Mayor Macalinao sa lahat ng taong para sa kanya ay ginamit na instrumento ng Diyos para patuloy na maabot ang ambisyon ng aksyon at malasakit ng AIDA CARES BEST.