Gamit pangisda, tinanggap ng mga mangingisda ng Pilar

PILAR, Bataan – Bitbit kahapon ng mga mangingisda ng bayang ito ang mga kagamitan na personal na ipinamahagi ni Department of Agriculture Secretary Manuel Piñol.

Kabilang dito ang mga life vest jackets, lambat, makinang de motor at bangka. Ang mga nabiyayaang mga mangingisda ay hindi lamang sa bayang ito kung hindi maging sa ibang bayan ng lalawigan ng Bataan

Ayon kay Maria Cecilia Ramos, Pilar Municipal Fisheries Technician, nakatanggap ang mga mangingisda ng apat (4) na makina, labing walong (18) lambat at dalawampu’t dalawang (22) life vest jackets mula sa tanggapan ng Department of Agriculture at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ang mga mangingisda sa bayan ng Pilar na nabiyayaan ng motor ay sina Ricardo Cruz Jr. 16 horsepower na makina; habang 12 horsepower naman ang ibinigay kay Randy Solis at 6.5 horsepower naman ang napunta kina Ariel Diverson at Rolando dela Pena.

Sinabi pa ni Ms. Ramos na ang bilang ng mga rehistradong mangingisda sa bayan ng Pilar ay  aabot sa 642.

Samantala, pinasalamatan din ng mga opisyal at miyembro ng Magsaysay Irrigators Service Association Incorporated si Secretary Manuel Piñol sa ibinigay nitong combine harvester.

Ayon kay Ceferino Sanchez, chairman ng asosasyon, malaking tulong at katipiran sa kanilang samahan ang nasabing harvester  lalo pa at mahal ngayon ang upa sa mga taong manggagapas, magsisipok at magtutumpok.

Ipinangako ni Sanchez na ang combine harvester ay kanilang pahahalagahan at aalagaan at hindi mawawala sa kanilang isipan na kanilang susuportahan ang lahat ng mga  programa ng Department of Agriculture.

Sinabi naman ni Josephine Ciriaco, Farm Supervisor/Technician na pag-iigihan pa niya ang pagbibigay ng serbisyo sa mga magsasaka sa bayan ng Pilar.

Kaugnay nito pinasalamatan naman ni Pilar Municipal Agriculturist Julie Ann Dizon si Mayor Alice Pizarro, ang Department of Agriculture at ang BFAR  sa kanilang walang sawang pagsuporta sa mga mangingisda at magsasaka.

Ang pamamahagi ng ganitong mga kagamitan sa mga mangingisda sa mga munisipalidad sa buong bansa ay isang taunang programa ng BFAR.