LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Nanawagan kahapon si Bataan Gov. Albert S. Garcia sa lahat lalung-lalo na sa mga bagong halal na opisyal ng bayan na magkaisa na at kalimutan ang political affiliation at background upang patuloy na umunlad ang lalawigan.
Ang pahayag ay ginawa ni Gov. Garcia matapos siyang manumpa sa tungkulin kay Board Member Doroteo Austria at matapos din manumpa ang mga bagong halal na municipal officials at board members at congressman.
Sinabi ng gobernador na marami ang naghahangad na maglingkod “sa ating bayan subalit ilan lamang sa atin ang nabibigyan ng ganitong pagkakataon. Pagyamanin natin ito at gamitin sa maayos na paglilingkod.”
Ayon pa kay Gov. Abet, sa panahon ngayon ay napakahirap maging lider ng bayan sapagkat meron umanong nakabantay na social media. “Matapang ang media ngayon lalu na ang social media,” giit ng governador.
“Konting pagkakamali mo lang nakapost ka na sa social media,” sabi ni Gov. Garcia.
Ang layunin naman nito, ayon sa kanya, ay upang mabawasan o tuluyang maalis ang graft and corruption.
Samantala, ipinagmalaki ng gobernador na lalong dumarami ang job openings sa Bataan lalo na Freeport Area of Bataan dahil sa patuloy na pagdagsa ng mga locators. Sa Mariveles, ayon pa sa kanya, ang bawat pamilya dito ay mayroong tatlo hanggang apat na miyembro na may trabaho.
Ayon pa rin kay Gov. Abet, lumobo ng 400 porsyento ang local tax sa Mariveles at 300 porsyento naman sa national tax, patunay lamang umano na umuunlad ang kabuhayan o economic activities sa naturang bayan.