banner

PHO, pipigilan ang pagkalat ng tigdas at polio sa Bataan

Written by
  • Nerlie L.
  • 9 years ago

Sa kanilang isinagawang Measles Awareness Campaign Orientation, sinabi ni Dr. Rosanna Buccahan, pinuno ng PHO, na layunin ng kanilang kampanyang ito na mapigilan ang pagkalat ng measles at rubella virus sa pamamagitan ng pagbabakuna sa may 86,145 bata na may edad mula 9 na buwan hanggang 59 na buwan at sa may 101,127 bata mula sa kapanganakan nito hanggang 59 na buwan para sa oral polio vaccine (OPV) sa 11 bayan at isang lungsod sa lalawigan.

Pasisimulan ang naturang mass immunization sa unang araw ng Setyembre, kung saan  hinihikayat ni Dr. Buccahan ang mga ina na dalhin ang kanilang mga anak sa fixed site immunization post na itatalaga ng mga Rural Health Units (RHU) para sa libreng bakuna.

May temang “Ligtas sa Tigdas. Magkaisa, Magpabakuna!,” sinabi ni Donna Samson, provincial coordinator ng Expanded Program for Immunization (EPI), na upang matiyak na ang lahat ng mga bata ay nabakunahan laban sa tigdas at polio, ang mga ito ay lalagyan ng indelible ink markers sa kanilang kaliwang hinlilit. “Finger marking will be used as a method of validation during RCA (rapid coverage assessment) to find out if a child has been vaccinated or not,” ani pa nito.

Ang tigdas ay isang nakahahawang sakit lalo na sa mga batang hindi napabakunahan. Karaniwang sintomas ng tigdas ay ang pagkakaroon ng lagnat, ubo, sipon, pamumula ng bata at rashes na magsisimula sa mukha at iba pang parte ng katawan. Sakaling hindi maagapan at magkaroon ng kumplikasyon, ang tigdas ay posibleng mauwi sa pagkabulag, encephalitis o pamamaga ng utak, pneumonia at diarrhea.

Binigyan-diin ni Dr. Buccahan na upang masiguro na walang batang maiiwan o hindi mababakunahan sa panahon ng kanilang kampanya partikular na sa mga high risk communities gaya ng sa mga resettlement at disaster-prone areas ay magsasagawa sila ng independent rapid coverage assessment at agarang paghahanap sa mga batang di nabakunahan batay sa resulta ng kanilang RCA

Article Categories:
Health

Comments are closed.

Shares