BALANGA CITY, Bataan – Sa loob ng dalawang taon humataw sa no. 1 ang Freeport Area of Bataan (FAB) base sa laki ng kita kung ikukumpara sa laki at lawak ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa Olongapo City at Clark Eco Zone sa Angeles City.
Isa sa mga dahilan kung bakit naungusan umano ng Bataan ang SBMA at Clark ay iyung mga naiipong incentives mula sa mga locators nito.
“Sa pagkakaintindi ko may gusto umanong gayahin ang SBMA na ilang probisyon sa Republic Act 9728 kaya kinukunsulta na nila ngayon ang kanilang mga stakeholders kabilang diyan ang mga bayan ng Hermosa, Dinalupihan at Morong. Isa na dito ay iyung probisyon tungkol sa sharing ng kita dito. Halimbawa iyung paghahati-hati sa 5% local at national taxes na 1% para sa Probinsiya, 1% sa Mariveles, 1% sa National at 2% naman ang napupunta sa FAB”, ito ang masayang pahayag ni Bataan Governor Albert Raymond Garcia sa mga local na mamamahayag.
Ayon pa kay Governor Garcia, sa 5% growth sa FAB; 1% lang ang lumalabas sa Probinsiya at 4% ang naiiwan sa Bataan kumpara sa SBMA at CLARK sa laki ng mga locators dito ay walang naiiwan sa kanila.
“Iyung sa Clark, pagkakaintindi ko mayroon diyan main zone at sub zone (yung mga nasa labas). Ang main zone ay iyong kinalalagyan ng airport pero sa sub zone hindi nakasama. Binigyan sila ng limit ng mga legislators na sobra naman ang laki, more than 5 hectares yata at iyung main zone lang ang kanilang gagawing freeport na puno na ” dagdag na pahayag pa ng Gobernador.
Aniya pa, dahil sa puno na ang main zone gusto na ng ilang investors na magtayo na ng kanilang negosyo, so out of the million doon sa sub zone, para umano huwag ng gumawa pa ng bagong batas, incentives ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) ang kanilang gagamitin. Ang PEZA naman strike anywhere basta may gustong mag-apply basta entitled sa incentives pwede nilang bigyan, kaya sakop nito ang buong Pilipinas.
“Ang tawag sa 5% fiscal incentives ay in lieu of all local and national taxes, the locators in the freeport would pay 5% fiscal incentives instead of the property taxes, corporate taxes, vat lahat ng iyan ay burado na, 5% na lang on gross ang kanilang iso shoulder, iyan ang gustong baguhin ng SBMA sa pagkakaintindi ko para may income sila” paliwanag pa ng Gobernador ng Bataan.