banner

Iniwang legasiya ni Cong. Tet, patuloy sa pamamagitan ng INB

Written by
  • Aida R. R.
  • 3 years ago

Taong 2005 nang ilunsad ni noon ay Gobernador Tet Garcia ang programang Iskolar ng Bataan (INB) na ipinagpatuloy ni Gobernador Abet Garcia sa pangangasiwa ni ngayon ay ating Bise Gobernador Cris Garcia. Layon ng nasabing programa na mai-angat pa ang pamumuhay ng bawat pamilyang Bataeno sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga mag-aaral upang makatapos ng kolehiyo at magkaroon ng kahit man lang isang propesyonal sa bawat pamilya.

Makalipas ang 15 taon, mahigit 30 libong Bataeno na ang nakatapos ng kolehiyo sa ilalim ng nasabing programa at patuloy pa rin ang INB sa masigasig at matapat na pagtupad ng kanilang mandato. Dahil na rin sa buong suporta ni Gob. Abet Garcia at ng Sangguniang Panlalawigan, lalo pang dumami ang mga benepisyaryo ng INB. Sa katunayan, mula noong 2019, hindi bababa sa 11 libong mag-aaral kada taon ang nabibiyayaan ng programa.

Ngayong naharap tayo sa pandemyang dulot ng COVID-19, sumailalim tayo sa quarantine mula pa noong ika-16 ng Marso 2020, bilang pag-iingat sa buhay at kalusugan ng mga mamamayan. Dahil dito, apektado hindi lamang ang transportasyon kung hindi ang halos lahat ng aspeto ng ating pamumuhay at nalimitahan ang ating galaw lalo na ang paglabas ng mga estudyante sa kanilang mga tahanan. Kung kayat nagkaroon ng bahagyang pagka-antala sa mga transaksyon isa na rito ang pamamahagi ng cash refund sa mga benepisyaryo.

Sa ika-9 ng Pebrero, pasisimulan na ng INB ang pamamahagi ng cash refund sa lahat ng mga benepisyaryo nito na naka enrol sa BPSU, maging sa mga paaralan sa labas ng Bataan para sa 2nd semester, SY 2019-2020.

Upang maiwasan ang mahabang pila at pagkukumpul-kumpol ng mga tao at mapanatili ang physical distancing na isang metro, may ginawang iskedyul ang INB na paalpabeto batay sa apelyido ng mga benepisyaryo.

Mahigpit din ang kanilang paalala para sa ibayong pag-iingat, pagsusuot ng facemask at face shield at siguruhing tama at kompleto ang mga kinakailangang dalhing dokumento gaya ng school ID at registration form.

Maaari namang magpadala ng authorization letter sa kanilang kinatawan ang mga hindi maaaring makapunta nang personal upang tanggapin ang kanilang refund dahil sa mga makatwirang kadahilanan.

Article Tags:
· ·
Article Categories:
Education · News

Leave a Reply

Shares