Junk shop sa barangay, ilulunsad

Pamumunuan ni Balanga City Mayor Francis Garcia ang pamamahagi ng walong bisikleta na may side car at tatlong motorsiklong may side car, kasabay ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan bukas na gaganapin sa Plaza Mayor de Balanga dakong alas 8:00 ng umaga.

Ayon kay Balanga City Agriculturist at City Environment and Natural Resources Officer Nerissa Mateo ang pamamahagi ng nasabing mga sasakyan ay alinsunod sa kanilang programang Junk Shop sa Barangay.
Sinabi pa ni Mateo na gagamitin ang mga naturang sasakyan sa pangangalap ng mga basura tulad ng plastic bottles, mga boteng pinaglagyan ng patis, suka, toyo, mantika at bakal.

Ang tatlong Barangay na mabibigyan ng tig-iisang motor at tig dadalawang bike ay ang mga Barangay Camacho, Pto. Rivas Lote at Doña Francisca na may kasama pang tig sasampung libo peso bilang panimulang puhunan.

Ang lahat ng maiipon na basura ng mga residente ay bibilhin ng pamunuan ng barangay at kung marami na ito ay ibebenta naman ng barangay sa mga malalaking junk shop. “Trash to Cash” ika nga.

Bukod dito, limang (5) gear net ang ipamamahagi sa limang mapapalad na mangingisda sa Barangay Pto. Rivas.
Magkakaroon din ng Birthday Diskwento Organikong Produkto kung saan ibebenta ng mga magsasaka ang kanilang aning iba’t ibang gulay.
May makukuhang libreng organic product ang unang 100 na bibili.