banner

Kampanya laban sa tuberkulosis, isinagawa sa Morong

Written by
  • Zeny S.
  • 4 years ago

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Matinding tinututukan ngayon ni Mayor Cynthia Linao-Estanislao ng bayan ng Morong ang tila tumataas na bilang ng mga mamamayang maysakit na tuberkolosis, na ayon pa sa masipag na mayor ay marahil ngayon lamang nagiging maalam (aware) ang mga tao na madali nang magamot ang nasabing sakit kaakibat ang libreng gamot, kung kaya’t ngayon lamang sila pumupunta sa RHU, na siyang nagpataas ng bilang ng mga reported cases.
Sinabi pa ni Mayor Estanislao na sa ngayon ay nagsasagawa sila ng “screening” sa mga pasyente katulong ang Department of Health (DOH) ng lalawigan, dala ang kanilang mobile clinic na handang magbigay ng mga serbisyong libreng x-ray, HIV test, blood sugar at iba pang laboratory exam sa may 250 katao.
Bukod sa ibinibigay na libreng gamot ng DOH sa mga pasyente sa loob ng apat na buwan, sinabi ni Mayor Cynthia, na isa ring doktora na, malaking badyet umano ang inilalaan nila sa programa sa kalusugan para sa kanilang mamamayan, hindi lamang umano gamot sa nasabing sakit na tuberkolosis ang karagdagang ibinibigay nila kundi maging mga multi-vitamins gayundin mga gamot sa mga batang may primary complex at konting financial assistance sa mga pasyente.
Nagtataka umano sila ayon pa kay Mayor Estanislao na talagang puspusan ang panggagamot ng kanilang RHU sa kanilang mga mamamayan, subali’t marami umano sa mga ito ang nahihiya na malaman ng iba na “may tama” sila o may TB kung kaya”t sa halip na masugpo ay dumami pa ito.
Kung kaya’t sa puntong ito ay tinututukan ni Mayor Cynthia ang kalusugan ng kanyang mga mamamayan, na ayon pa sa kanya, kalusugan ang kanyang prayoridad na programa hindi lamang dahil sa siya ay isang doktor kundi sinabi niyang nakasalalay sa pagiging malusog ng isang tao ang progreso ng bayan, paano umano makapag aaral o makapag tatrabaho ang isang tao kung mahina ang kanyang katawan, dagdag pa ni Mayor Estanislao.
Kaugnay din nito ay sinimulan niya, ang kanyang supplemental feeding sa mga malnourish na mga bata, kung kaya’t ganon na lang ang kanyang tuwa ng manalo sila bilang Best Municipality in the Nutrition Program ngayong taong ito sa provincial level.

Article Tags:
·
Article Categories:
Health · News

Comments are closed.

Shares