KM Zero, hiniling na ideklarang national historical landmark

   MARIVELES, Bataan – Muling hiniling ng mga opisyal ng Pamahalaang Bayan ng Mariveles sa National Historical Commission (NHC) na ideklarang National Historical Landmark ang Kilometer Zero site sa tinaguriang industrial town sa lalawigan ng Bataan.    

  “Taun-taon ay ginugunita ng mga kamag-anakan ng mga sundalong Pilipino, Amerikano at Hapones na nagbuwis ng buhay at mga nabubuhay pa ang kanilang kabayanihan dito sa Kilometer Zero site sa ating bayan, kung kaya’t maganda sana kung maideklara ng nasabing ahensiya na isa na itong National Historical Landmark”  pahayag ni Mariveles Mayor Jesse Concepcion.

   Idinagdag pa ni Mayor Concepcion na matagal na nila itong hiniling sa NHC.  Ayon naman kay Administrator Luis Gonzales, may kalakip nang resolusyon ang kanilang kahilingan na ipinasa at nilagdaan ng Sangguniang Bayan Members sa pangunguna ni Vice-Mayor Victorino Isip na matagal na umanong hawak  ng mga opisyal ng NHC subali’t hanggang sa ngayon ay wala pa ring linaw kung kailan ito maaaksyonan.         

   Makasaysayan ang Zero Kilometer site dahil dito sinimulan ang pagmamartsa (death march) ng mga Pilipino at Amerikanong prisoners of war (POWs) kung saan marami ang nagbuwis ng buhay noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. 

   “Panahon na para isama ng NHC sa kanilang talaan ng mga National Historical Landmarks ang Zero Kilometer site bilang pagkilala sa kadakilaan at katapangan sa pakikipaglaban ng mga nasabing sundalo gayun din ang kanilang ipinakitang dedikasyon sa kanyang bayan upang makamit ang kalayaan noong panahon ng digmaan”, dagdag pa ni Administrator Gonzales.     

   “Bukod sa mayaman sa kasaysayan ang aming bayan dahil dito sinimulan ang death march, marami din ditong naggagandang beach resorts, at ito rin ang itinuturing na pinakamabilis umunlad na bayan sa buong lalawigan dahil sa mga kompanyang nakatayo at itatayo pa sa Freeport Area of Bataan (FAB)” pahayag pa ng Alkalde.