Kuwentong Bataan – Balanga City

Sityo Aquino

May isang lugar sa Balanga na isinunod ang pangalan mula sa isang kilalang tao — ang “Sitio Aquino”, na bahagi ngayon ng bayan ng Pilar. Ang lugar na ito ay nabili ni Alejandro Banzon ng Balanga. Matapos yumao, namana ng asawa ni Alejandro (Paula Banzon) ang nasabing lupa. Hindi nagtagal, si Paula ay nag-asawang muli kay Alberto Aquino na naging gobernador ng Bataan noong 1920-1922 at 1935-1938. Pinaunlad at ginawang bukirin ni Gobernador Aquino ang nasabing lugar at magmula noon ay tinawag itong Sityo Aquino. Ginawa itong evacuation center ng mga silbilyan noong nagsisimula pa lamang ang pananakop ng mga Hapon sa Bataan.

 

Panahon ng giyera

Habang nagaganap ang mga labanan sa iba’t ibang bahagi ng Bataan, ang Baryo Cupang ay isa sa mga dumanas ng malalagim na trahedya. Isa ito sa binagsakan ng maraming bomba mula sa mga eroplanong Zero at umabot sa 300 ang bilang ng mga bahay na nasira o kaya’y natupok sa apoy. Sa kabutihang-palad, ang mga mamamayan ng Cupang ay agad na nakalikas sa mga evacuation center na itinalaga ng pamahalaan at militar.

 

Parang hindi pa nasiyahan, sinunog ng mga sundalong Hapon ang may 50 kaban ng palay na kanilang nakumpiska mula sa mga magsasaka ng Cupang matapos pasukin ang baryo. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit kinulang sa pagkain ang mga taga-Cupang.

 

Matapos isuko ni Heneral Edward P. King Jr. ang kanyang mga sundalo na lumaban sa Bataan ay isa-isa nang bumalik sa baryo ang mga nagsilikas na mamamayan. Unti-unti nilang binuo ang mga nasira at nasunog na kabahayan. Ang ilan ay nagtuloy sa Maynila, Bulakan at Pampanga matapos malamang mananatili pa ng ilang panahon ang mga Hapones sa Bataan.

 

Noong magtatapos ang 1944, matapos mapag-alaman na patungo na sa Bataan ang American Liberation Forces, ang mga Hapones ay nagsagawa ng mga pagsosona sa buong Balanga. Nakasama dito ang Baryo Cupang. Sa isang pagsosona, may tatlumpu’t limang taga-baryo ang pinaslang ng mga Hapones, kabilang na dito ang isang buong pamilya na binayoneta ng mga sundalo hanggang tuluyang mamatay.

 

Sa tulong ng American Philippine War Damage Commission ay unti-unting nakabangon ang mga taga-Cupang. Kabilang sa muling naitatag na gusali sa Cupang ay ang paaralan sa baryo. Isang bago at kumpletong eskuwelahan ang naitayo sa loob ng dalawang ektaryang lote nito. Dati-rati’y dalawang-silid aralan lamang ang nakatirik dito. Nilagyan pa ang paligid ng batong pader at bakal na pintuan. Pati ang daang nag-uugnay sa Cupang at Balanga ay naipagawa din. Mas maluwang ito kaysa sa dati. At yari pa sa aspalto.

 

Paghahalaman

Mga magsasaka ang karaniwang naninirahan sa Cupang. Sila ang katulong ng pamahalaan para mapagbuti at mapalaki ang ani ng mga bukirin. Dahil dito, minabuti ng lokal na pamahalaan na magtayo sa Cupang ng isang “nursery.”

 

Nagtulong-tulong ang mga magsasakang taga-Cupang para makatipon ng mga punla ng iba’t ibang punongkahoy gaya ng kaimito, kalamansi, mangga, abokado at iba’t ibang gulay para maipalaganap ang mga ito sa ibang lugar. Pati ang mga mag-aaral sa Cupang ay naganyak ding simulan ang school gardening program. Ang Cupang nursery ay naging tanyag sa buong Luson dahil sa nasabing proyekto. Hindi naman nagpabaya ang Provincial Agricultural Extension Nursery at madalas silang magpadala ng kanilang mga teknisyan sa Cupang para matuto ang mga magsasaka ng mga bagong sistema sa food production.

 

Puerto Rivas

Ang lumang pangalan ng Puerto Rivas ay “Dagat” dahil napakalapit nito sa Manila Bay. Nakilala rin ang baryo sa katawagang “Ibayong Malaki” at ang Tortugas ay binansagan naman na “Ibayong Maliit.” Ang dalawang ibayo ay pinaghiwalay ng isang maliit na ilog na bahagi na rin ng Manila Bay.

 

Ang Dagat ay nahati naman sa dalawang bahagi, ang “Itaas” at “Ibaba.” Ang ITAAS ang unang mararating kung manggagaling sa Balanga. Ito ang nakakasakop sa Simbahang-Katoliko sa baryo. Kaya ito tinawag sa gayong pangalan ay dahil ito ang papunta sa bayan. Ang IBABA naman ay ang bahagi magmumula sa simbahan hanggang dalampasigan. Kaya naman ibaba ang itinawag dito ay dahil ito ang daang pababa, patungo sa dagat.

 

Nabago lang ang pangalan ng Dagat at naging Puerto Rivas. Ang bagong pangalan ay isinunod umano kay Padre Benito Rivas, isang paring Kastila na natalaga sa baryo. Noong una ay nanirahan siya sa Tortugas. Hindi nagtagal, siya ay nanirahan sa Puerto Rivas, malapit sa Simbahan ng Aglipay. Siya ang nagpagawa ng bagong simbahan sa baryo, katulong si Crispino Sevilla na mas kilala sa bansag na “Matanda sa Nayon.” Ang simbahan ay yari sa bato at semento.

 

Sa kanyang pagtanda, si Padre Rivas ay lumipat sa Poblacion. Bilang pagtanaw sa mga kabutihan niyang nagawa sa Dagat ay nagpasiya ang mga kinakaukulan na isunod sa kanyang pangalan ang baryo. Nadagdag lamang ang salitang Puerto sapagkat noon pa man ay ginagamit na ang baryo bilang isang pantalan kung saan ang mga produktong gawa sa Balanga ay nailuluwas ng mga barko at kasko patungong Maynila at iba pang lugar.

 

Ang Puerto Rivas ay isa nang pamayanan bago pa dumating ang mga Kastila sa bansa. Noong 1898, sa lugar na ito nakipaghamok ang mga rebelde (Katipunero) laban sa mga taga-Makabebe na siyang pinaka-sundalo ng mga Kastila. Maraming buhay ang nalagas sa labanan.

 

Ang kinatatayuan ng Puerto Rivas Elementary School ay dating gawaan ng asin. Nang dumumi ang tubig na nakukuha sa ilog at dagat ay itinigil na rin ang paggawa ng asin sa Puerto Rivas.

Dati-rati’y may isang maliit na moog o “Bantayan” sa Puerto Rivas Ibaba, malapit sa dagat. Ito ay yari sa bato at semento at ginuguwardiyahan ng mga sundalong Kastila para magbantay sa pagdating ng mga taong kalaban ng pamahalaan. May pangamba sila na may mga Katipunerong nanggaling sa ibang lalawigan at nagtungo sa Puerto Rivas para magtago o magbuo ng mga bagong pangkat ng rebelde.

 

Ang Simbahang Aglipay sa baryo ay itinayo noong 1906. Ang mga ginamit na materyales dito ay nipa, buho at kawayan. Binago ito at ginawang mas matibay pagdating ng panahon. Ngunit noong digmaan laban sa mga Hapon, ang simbahan ay nawasak at muling itinayo noong 1947.

 

Naipagawa rin ang tulay na nag-uugnay sa Tortugas at Puerto Rivas noong 1922. Ang libingan naman ng Aglipay ay nabuo noong 1923. Ginamit din itong libingan ng mga Katoliko. Ang daan mula plasa ng Balanga hanggang Puerto Rivas ay ginawa noong 1915 ngunit hindi pa ito aspaltado.

 

Magkapatid na Alonzo

Dalawang magkapatid na Alonzo ang gumawa ng pangalan sa Puerto Rivas. Sila ay sina Mariano at Domingo. Si Mariano Alonzo ay isa sa mga unang guro sa Puerto Rivas. Siya ay nagturo ng wikang Kastila sa mga taga-baryo. Ipinalaganap din niya ang Doctrina Christiana hindi lamang sa Puerto Rivas kundi maging sa Bantan, Kalungusan, Santo Domingo at Kamatsile sa bayan ng Orion. Nangarap siyang maging isang pari ngunit hindi natupad dahil sa maagang namatay ang kanyang mga magulang. Magmula noon ay inilaan na niya ang kanyang sarili sa pagtuturo ng Kartilya at Katon.

 

Ang nakababatang kapatid ni Mariano ay si Domingo. Para masimulan ang pakikipaglaban sa mga Kastila ay nagtungo siya sa Salinas, Cavite at umanib sa Katipunan. Sa kanyang pagbabalik sa Puerto Rivas ay agad siyang tumipon at nagsanay ng mga bagong kaanib sa lihim na samahan. Nabalitaan ni “Kolonel” Gregorio Gonzalez ng Morong ang mga nagawa ni Domingo kung kaya’t ipinatawag niya ito. Siya ang nag-utos kay Domingo na simulan na ang pag-aalsa laban sa mga Kastila.

 

Matatapang ang mga rebolusyonaryong taga-Balanga. Nagawa nilang liskubin ang kuwartel ng mga Kastila sa Poblacion, nadakip pa nila nang buhay ang Kastilang alkalde mayor ng lalawigan. Bukod sa Bataan, tumulong din ang pangkat ni Alonzo sa himagsikan sa Abucay, Samal, Orani, Hermosa at Dinalupihan. Nakarating din sila sa Zambales. Tinanghal si Domingo Alonzo bilang bayani ng himagsikan.

 

Sa kabila ng kanyang naitulong sa himagsikan, hindi kinilala ni Pangulong EmilioAguinaldo ang pagiging rebolusyonaryo ni Alonzo. Isang Kolonel Ambrocio Rianzares Bautista ang kanyang ipinadala sa Bataan para siyang magsilbing military governor ng lalawigan. Kahit sina Heneral Tomas Mascardo at Major Manuel L.Quezon ay hindi rin kinilala ang pagiging lider ng himagsikan ni “Heneral” Alonzo.

 

 

Labanan sa Balanga

Isa si Domingo Alonzo sa mga nagtatag ng samahan ng maghihimagsik sa Balanga. Sa Puerto Rivas o kaya’y sa Tortugas niya pinupulong at sinasanay ang mga bago at lumang kasapi ng lihim na samahan ng mga rebelde. Hindi pa rin gaanong sanay sa labanan ang pangkat ni Alonzo nang ihayag ni Heneral Emilio Aguinaldo na maaari nang simulan ng mga maghihimagsik ang pananalakay sa kuwartel ng mga Kastila sa mga bayan-bayan.

 

Natunugan din ng mga Kastila ang mga ginagawang paghahanda ni Alonzo sa Puerto Rivas at Tortugas kaya noong umaga ng Mayo 28, 1898 ay nagtungo sila sa Puerto Rivas at sinimulang takutin ang mga tagaroon sa pag-asang may nagtuturo kung saan nagtatago ang mga kasapi ng samahan.

 

At hindi pa nasiyahan, sinimulan ng mga Kastila ang panununog sa mga bahay sa baryo. Iyon ang kanilang pagkakamali. Dahil sa kanilang ginawa ay sama-samang nagsiklab ang damdamin ng mga taga-Puerto Rivas at Tortugas. Nilusob nila ang mga Kastila na walang nagawa kundi ang patakbong magbalik sa Poblacion, sa Balanga. Ngunit hindi na napigil ang galit ng mga tao. Sinundan nila ang mga Kastila sa hangaring makaganti sa ginawa ng mga ito.

 

Hindi pinalampas ni Domingo Alonzo ang pagkakataon. Tinawag niya ang kanyang mga kapanalig at nagtungo sa liwasan. Pati ang mga ibang kasapi ng samahan sa ibang baryo ay napasugod din sa liwasan at unti-unti nilang kinubkob ang Poblacion. Pati ang mga bilanggo sa kuwartel na noon ay nakatirik sa tabi ng munisipyo ng Balanga (na ginawang Bataan High School) ay kanilang pinawalan para makatulong sa pagsagupa sa mga sundalong Kastila na biglang nabahag ang buntot dahil sa maraming mamamayan na nagtungo sa liwasan. Magmula sa kuwartel, ang mga kalaban ay nagtago sa simbahan ni San Jose.

 

Bagama’t mga gulok at ilang riple lang ang sandata, gumamit ang mga galit-na-galit na rebelde ng malalakas na rebentador at uri pang uri ng paputok para takutin ang mga Kastila. At gayon nga ang nangyari. Totoong natakot ang mga Kastila kaya wala ni isa man ang nagtangkang lumabas mula sa simbahan na kanilang pinagkublihan. Hinarangan din ng mga rebelde ng mga pinutol na punong-saging ang mga daan para walang makatakas na kalaban.

 

Tumagal pa ng dalawang araw ang labanan bago sumuko ang mga Kastila sa Balanga. Isa sa mga pangunahing dahilan, bukod sa pagdalo ng mga rebeldeng taga-Abucay sa Balanga, ay ang kawalan ng pagkain at inumin ng mga nagtago sa loob ng simbahan. Ang mga nadakip na Kastila, sundalo man o pari, ay dali-daling ipinadala ni Domingo Alonzo kay Heneral Emilio Aguinaldo sa Cavite.

 

Mga mangingisda

Malaki ang naging utang na loob ng mga mamamayan ng Balanga sa mga mangingisda ng Puerto Rivas at Tortugas. Sa kainitan ng digmaan sa Bataan, ang mga mamamayan ng Balanga na gustong lumikas magmula sa Balanga ay dali-daling nagtungo sa Puerto at Tortugas upang doon umupa ng bangka para sila’y maihatid sa Pampanga, Bulakan at Maynila. May ilannaman na nagpahatid sa Mariveles na siyang itinalaga na maging evacuation center ng

mga sibilyan.

 

Kabilang din ang mga mangingisdang taga-Puerto Rivas at Tortugas na kinatulong ng Quartermaster’s Office ng USAFFE para sa paghahakot patungong Bataan ng mga pagkain na nanggaling pa sa Maynila at ibang karatig-probinsya. May ilang mangingisda ang sinawing-palad na napatay matapos bagsakan ng bomba mula sa mga eroplanong Hapones na nagbabantay sa karagatan.

 

Maging sina Gobernador Jose Manahan at Medina Lacson (nahirang na food supply officer ng USAFFE) ay humingi rin tulong sa mga mangingisda ng Puerto Rivas at Mariveles para ipanghuli ng mga isda mula sa dagat at siyang ipinanustos sa pangangailangan sa pagkain ng mga sundalo at sibilyan na nagkatipon noon sa Mariveles.

 

Gayundin naman ang ginawa ng mamamayan nang isuko na ang Bataan. Sa halip maglakad pauwi magmula sa Mariveles, ang ilang pamilya ay umupang muli ng mga bangka para makabalik sa Balanga. Sa gayong paraan ay naiwasan nila ang mahabang paglalakad, na kadalasan ay umaabot ng apat na araw, para lamang makauwi sa Balanga.

 

At nang tuluyan nang okupahan ng mga Hapones ang Balanga, marami pa ring mamamayan ang muling sumakay sa mga bangka para magpahatid sa Pampanga, Bulakan at Maynila sa pag-aakalang doon ay sigurado silang malkaliligtas sa kapahamakan.

 

Ang Puerto Rivas ay isa sa mga baryo sa Balanga na lubos na nasalanta noong panahon ng digmaan. Nagsisimula pa lamang ang buwan ng Enero, 1942, nang sunugin ng mga Amerikano at iba pang sundalo ang mga bahay dito para lubos nilang makita ang paglusob sa Balanga ng mga Hapones magmula sa dagat. At bago nagtapos ang giyera ay ilang ulit ding sinona ng mga Hapones ang Puerto Rivas at Tortugas sa paghahanap ng mga gerilya sa nasabing lugar.