Kuwentong Bataan – Ika-anim na Bahagi

Balanga

Ang “Bandido”

Sa mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano sa Bataan ay isang tulisan na nagngangalang Maximino Encarnacion ang naghatid ng ligalig sa mga mamamayan.Taong 1899 (sic), isang taon matapos ang digmaan sa pagitan ng mga Pilipino at Kastila, ay biglang naging bukam-bibig ang kanyang pangalan. Siya’y naging isang kilabot na tulisan. Siya at ang kanyang pangkat ay madalas manambang at magnakaw sa mga taong nagtutungo sa Bagac mula sa Balanga at iba pang bayan.

 

Magtatapos na ang taong 1899 (sic) nang siya’y madakip sa Maluya, isang sityo sa Balanga, ng mga sundalo ng pamahalaan. Siya’y dinala sa Balanga, ikinulong at saka binitay sa mismong liwasang-bayan.

 

Si Maximino Encarnacion ay isang dating Katipunero mula sa bayan ng Morong. Dati siyang tenyente ng hukbo at sumailalim sa pamumuno ni “Kolonel” Gregorio Gonzales. Sa pagsisimula ng digmaang Pilipino laban sa mga Amerikano ay nanguna siya sa isang pananambang ng mga sundalong Amerikano sa Baryo Mabayo, sa Morong. Natalo ang kanyang pangkat ngunit nagawa niyang makatakas at nakapagtago sa bayan ng Pilar. Muli ay nagbuo siya ng isang pangkat na kanyang sinanay sa Sitio Maluya (bahagi ng Baryo Cupang). Lahat ng mga taong nagdaraan sa Maluya patungong Bagac at Morong ay kanilang pinagnanakawan.

 

Isa sa kanyang mga naging biktima ay si Kabesang Luis Joson ng Balanga, isang matalik na kaibigan ng noo’y Army Major Manuel L. Quezon. Nagwakas ang pagiging tulisan ni Encarnacion noong 1904, sa panahon ni Gobernador Tomas del Rosario, matapos siyang masakote ng mga sundalongAmerikano at Pilipinong Konstabularyo sa kanyang kuta malapit sa Ilog ng Abo-abo. Siya at ang kanyang mga tauhan ay napatay sa labanan. Ang kanyang ulo ay iniuwisa Balanga at isinabit sa dulo ng isang tagdan para makita ng mga tao ang kanyang naging wakas.

 

Pamamaslang kay Lerma

Taong 1918 nang maganap ang isang trahedya sa gusali ng pamahalaang panlalawigan o Kapitolyo sa Balanga. Ang biktima ay si Gobernador Conrado Lerma ng Pilar. Siya ay binaril ng kanyang mahigpit na karibal sa pulitika na nagngangalang Jose Baluyut ng Orion. Napag-alaman na lagi nang sinusundan ni Baluyut ang gobernador bago pa naganap ang pamamaslang.

 

Isang araw ng Setyembre 1918 (sic) ay dumating sa Kapitolyo si Lerma. Doon na niya inabutan si Baluyut na naghihintay sa kanya. Bigla, binaril na lamang basta ni Baluyut si Lerma. Bagama’t sugatan, nakatakbo pa si Lerma at nakapagtago sa loob ng kubeta na nasa isang panig lamang ng kanyang tanggapan. Ngunit sinundan siya ni Baluyut at saka muling namaril. Sa loob mismo ng kubeta nahandusay at naupos ang hininga ng gobernador.

 

Si Gobernador Conrado N. Lerma (1916-1918), ay tubong-Santa Rosa, Pilar na nanalo sa halaang idinaos noong Hunyo 6, 1916 at dapat sanang manungkulan hanggang 1919. Ngunit siya ay binaril hanggang mapatay sa loob ng kanyang tanggapan sa lumang Kapitolyo sa Balanga noong Agosto 3, 1918. Ang suspek ay si Jose Baluyut ng Orion, dating bokal ng Bataan. Siya ay agad na sumuko matapos ang insidente, ikinulong, dininig ang kaso at saka napatunayang nagkasala bago ibinilanggo.

 

Si Lerma ay agarang pinalitan ni dating Governor Pedro Rich ng Samal (1918-1919). Ang Pilar at Orion ay agad nitong ipina-ilalim sa kontrol ng Konstabularya para matigil ang awayan ng mga tagasuporta nina Lerma at Baluyut. Bukod dito, ipinailalim din ang dalawang bayan sa pamumuno ni Mayor Simeon P. Rodriguez ng Pilar na dati ring alkalde ng Orion.

 

Post-war Bataan

Malaki at malawak ang pinsala na natamo ng Bataan na naging lundo ng mga sagupaan sa pagitan ng USAFFE at Japanese Army. Matapos pasukin at palayain ng American Liberation forces ang Balanga noong Pebrero 17, 1945 ay itinatag agad sa Balanga ang Philippine Civilian Administraition Unit o PCAU para siyang umasikaso sa mga sibilyan na lubos na nasalanta ng mga labanan.

 

Ang ahensyang ito ay binuksan noong Pebrero 19, 1945 at agad na namigay ng mga rasyong pagkain at gamot sa mamamayan, gaya ng bigas, pagkaing de-lata, damit at iba pang mahahalagang bagay. Sila rin ang nangasiwa sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapalaganap ng mga benepisyong hatid ng pamahalaang-Amerikano. Bukod sa pamumuno sa pagbubukas ng mga nasarang paaralan, pinangunahan din ng PCAU ang pagtatayo ng mga klinikang pangkalusugan sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

 

Sandali lamang ang itinagal ng PCAU. Pinalitan din ito ng Economic Civilian Administration o ECA. Hindi rin ito nagtagal at pinalitan ng Philippine Relief and Rehabilitation Administration o PRRA.

 

Ang pinakahuling ahensya na natatag ay ang Philippine War Damage Commission o PWDC.  Ito ang nagpatupad sa rehabilitasyon at pagbabagong-tatag ng pamahalaan at mamamayan sa Bataan. Sila rin ang nagpatupad sa pagpapatayo ng mga bagong gusaling pangpamahalaan, mga bagong paaralan at iba pang pagawaing-bayan, tulad ng mga daan at tulay na nasira noong panahon ng digmaan.

 

Bukod sa PWDC, ang United States Veterans Administration o USVA ay tumulong din sa mga bayan-bayan at mamamayan. Sila ang kumalinga sa mga naging beterano ng digmaan, kasama na ang kanilang mga naulila dahil sa pagtatanggol sa bayan at kalayaan. Dahil sa USVA ay nakatanggap ang mga beterano ng pensyon at iba pang benepisyo mula sa Amerika.

 

 

 

 

Cabog-cabog

May isang lugar o baryo sa Balanga na kung tawagin ay Cabog-cabog. Nakapagitan ito sa mga bayan ng Bagac at Pilar. May isang kakatwang bagay na sa Cabog-cabog lamang matatagpuan at hanggang sa ngayon ay nananatiling isang palaisipan sa tao.

 

Bago nagawa ang Bagac-Balanga Road, ang mga tao mula sa Balanga ay gumagamit ng isang malawak na dakdak para makarating sa Bagac. Kasama ang Cabog-cabog sa mahabang dakdak na ito.

 

Sa dakdak na ito ay may isang bahagi na sa Cabog-cabog lamang matatagpuan kung saan ang bawat taong nagdaraan ay nakakarinig ng mahihinang kalabog na nagmumula sa ilalim ng lupa. Bawat hakbang ng tao ay may kasunod na mahinang kalabog. Naging palasak ang kuwentong ito kaya lahat ng nagdaraan dito ay nilalakasan pa ang paghakbang para mas malakas ang kalabog na kanilang maririnig. Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga naninirahan dito ay tinawag ang nasabing lugar na “Cabog-cabog.”

 

May dalawa pang bersyon na tumutukoy sa tunay na simula ng Cabog-cabog. Ang una ay nanggaling ito sa salitang Kastila na “cabo-cabo,” na ang ibig sabihin ay “dulo’t dulo.” Ang Cabog-cabog nga naman ay nasa dulo ng Balanga at nasa dulo din ng Bagac. Kung paano naging Cabog-cabog ang Cabo-cabo ay hindi na nilinaw.

 

Ikalawang bersyon: Ang pangalan ng Cabog-cabog ay nagsimula sa lumang salitang Kapampangan na “kabu-kabo,” na ang ibig sabihin ay puno ng “bulak”o puno ng “kapok.”  Marami nga naman kasing puno ng bulak sa Cabog-cabog hanggang sa kasalukuyan.

 

Cupang

Matagal ng panahon ang lumipas nang manirahan ang dalawang diwata sa isang lugar na hitik-na-hitik sa punongkahoy ang paligid. Walang ibang naninirahan sa nasabing lugar kaya ang dalawang diwata ay tiwasay na namuhay sa pamamagitan ng panghuhuli ng isda mula sa ilog at mga batis, pati ang panghuhuli ng mga ibon na naglisaw sa paligid. Ang lugar na ito ay matatagpuan sa Balanga.

 

Minsan, isang pangkat ng mga mangangaso ang nagawi sa nasabing lugar. Doon nila hindi sinasadyang nasumpungan ang tahanan ng dalawang diwata. Nakita rin nila ang dalawa at natanong kung ano ang pangalan ng nasabing lugar.

 

Sinabi ng isang diwata na walang pangalan ang nasabing lugar ngunit maaari ito umanong tawagin sa pangalang “Kupang” dahil napakaraming puno ng “kupang” sa paligid. Magmula noon ay tinawag na ang lugar sa pangalang “Kupang,” ang tahanan ng dalawang diwata, mga ibon at galang-hayop.

 

Orasan

Maraming paraan ang mga sinaunang taga-Balanga para masukat ang tamang oras sa araw o gabi man noong panahong wala pang orasan ang mga tao:

Una, ginagamit nila ang anino ng mga kahoy o kawayan na nahahati sa tatlong bahagi.  Ang isang bahagi ay sa pagsikat ng araw; ang ikalawang bahagi ay sa katanghalian; at ang ikatlong bahagi ay sa paglubog ng araw.

 

Ang isa pang orasan ay ang pagtilaok ng mga manok sa hatinggabi at ang isa ay sa madaling araw.

 

Ang isa pang paraan ay ang kandila.  Ang pagkatunaw ng kandila sa takdang oras ay siyang haba ng paggawa ng mga trabahador para mabayaran sa kanilang pagpapagod.

 

Ang isa pang panukat ng oras ay ang paggamit ng tubig sa isang plato na may maliit na butas, Kung nangalahati na ang tubig na nasa plato ay oras na ng pananghalian.

 

Gumagamit din noong unang panahon ng hubog-singsing na bakal na may butas. Sa butas na ito ay may sinag ng araw na tumatama sa loob ng bakal.

 

Ang isa pang ginagamit na panukat ng oras ay ang halamang “alas-kuatro.”  Pagsapit ng ika-apat ng hapon, ang mga bulaklak ng halamang ito ay bumubuka.

 

Ang isa pang orasang ginagamit noong araw ay ang tubig.  May isang lalagyang husto sa maghapon ang pagtulo ng tubig.  Kapag kalahati na ang tubig sa lalagyan, oras na ng pananghalian. Pag ubos na ang tubig, nangangahulugan ito na alas-dose na ng gabi.

 

Ang isa pang orasang ginagamit noong unang panahon ay ang timsim na may sindi. Ang timsim ay may tanda na pagsapit ng takdang haba ay may oras na kanilang ibig malaman. Katulad ito ng pinagbuhol-buhol na lubid na may pare-parehong patlang. Ang lubid ay may sindi sa dulo.  Ito ay nasusunog kagaya ng timsim.

 

Placido Cerezo

May isang tao na nagngangalang Placido Cerezo na nagmamay-ari ng isang bukirin at kabyawan sa gawing katimugan ng Balanga, mga dalawang kilometro ang layo mula sa Cupang. Kung nagsasalita si Placido ay hirap siyang bigkasin ang mga salita na kanyang binibitiwan. Kaya nga kung tawagin siya ng mga tao ay “Placido Gago.”

 

Maraming trabahador sa bukid si Placido. Sa kabyawan sa kanyang bukid nagtutungo kadalasan ang mga tao na gustong magtrabaho. At kung tatanungin kung saan pupunta ang isang trabahador ay wala silang ibang isasagot kundi: “Papunta ako sa kabyawan ni “Placido Gago.”

 

“Basahan”

May isang mayamang tao sa Cupang na ang pangalan ay Graciano Banzon. Siya ay may-ari ng bukid at kabyawan sa Cupang. Bagama’t maraming pera ay simple lang ang buhay niya. Bihira siyang mamili ng bagong damit at bihira din siyang magpalit ng suot na damit. Ang damit niyang suot ay para sa lahat ng okasyon, malinis man o marumi.

Dahil sa kanyang kakaibang ugali, hindi maiwasan na tawagin siya ng mga tao sa palayaw na “Basahan.” May isang lumang sityo sa Cupang na kung tawagin ay “Kay Basahan.”

 

Si Graciano Banzon ay hindi dapat ipagkamali kay Joaquin R. Banzon na naging pang-17 alkalde ng bayan ng Pilar. Siya ay nabuhay noong 1901 hanggang1967. Naging alkalde siya magmula noong 1946 hanggang 1959. Pinsan niya si Luz Banzon-Magsaysay maybahay ng dating Pangulong Ramon Magsaysay.

 

Mayaman si Joaquin Banzon ngunit sinasabing ipinamigay niya sa tao ang kanyang kayamanan sa buong panahon na siya’y alkalde. Namatay siyang isang mahirap kaya “Basahan” din ang naging tawag sa kanya.

 

Patay Na Ilog

Sa Baryo Cupang ay may tinatawag na Patay-na-Ilog. Ito bale ang dating daanan ng Ilog Talisay sa bahagi ng Cupang. Dating dinadaluyan ng malinaw na tubig ang nasabing ilog. Ngunit sa pagdaraan ng panahon ay biglang nagbago ang agos ng Talisay River. Nilamon nito ang dating mataas na pampang ng Pilar dahil sa kakulangan ng matibay na dike sa gawi ng Panilao. Hindi nagtagal, “nanganak ng lupa” ang silangang bahagi ng Cupang. Nasakop nito ang lupang dating sakop ng Panilao. Ang anak-ng-lupa ay ginawang halamanan ng mga taga-Cupang.

 

Sa kasamaang-palad, ang dating daluyan ng tubig ng Talisay River sa bahagi ng Patay-na-ilog ay unti-unting natuyo. Kung dati-rati’y malalaking isda ang nahuhuli dito, nang lumao’y mga gurami na lamang ang nagtiyagang mamuhay dito. Sa dulo, tuluyan nang natuyo ang ilog kaya tinawag itong Patay-na-Ilog.

 

Maluya

Karamihan sa mga pamayanan at lugar na naitatag sa Bataan ay karaniwan nang isinusunod ang pangalan sa isang sikat na tao. Puwedeng isang pulitiko o sikat na negosyante. May ilan ding lugar na ibinatay ang pangalan mula sa kung saan-saan na lang, gaya ng puno, isda at kung anu-ano pa.

 

Isang sityo sa Balanga ang kakatwa rin ang pinagmulan ng pangalan –Luya(o “ginger” sa wikang Inglis). Lahat ng sulok sa sityo ay matatagpuan ang napakaraming luya (luyang ligaw at luyang dilaw) kung kaya “Maluya”(maraming luya) ang naging pangalan ng nasabing lugar.

 

Sa Maluya nagdaraan ang Ilog ng Abu-abo bago sumukob sa isa pang ilog, ang Talisay River. Ang Sityo Maluya ay nagsilbi bilang lumang daan na ginagamit ng mga taga-Balanga tuwing magtutungo sila sa Bagac. Dito rin nagtago ang kilabot na tulisan na si Maximino Encarnacion bago siya napatay.

 

Ang Maluya ay nahahati sa dalawang bahagi: ang “Maluyang Matanda” na dating pinamamahayan ng maraming tao at mga puno ng siniguelas; at ang “Maluyang Bata”, na karatig lang ng isang lugar na kung tawagin ay “Katog.”

May karugtong