Kuwentong Bataan – Ika-limang na Bahagi

Abucay

Sona sa Mabatang

Kahit panahon na ng Liberasyon ay nakaranas pa rin ng mga pahirap at lupit ng mga Hapones ang mga taga-Mabatang. Araw ng Enero 4, 1945, bandang alas-3:30 ng madaling araw nang dumating ang mga sundalong Hapones sa nasabing baryo.  Lahat ng nagtangkang tumakas ay nabigo dahil natatanuran nang mahigpit ng mga sundalo ang mga daan palabas ng Mabatang.

     Sinimulang halughugin ng mga sundalo ang mga bahay sa baryo. Lahat ng kalalakihan na natagpuan ay kanilang pinigil at saka dinala sa liwasang-baryo. Ang mga kababaihan at mga bata ay sumunod na dinala sa plasa. Sa isang sulok sila pinaupo.

     Maliwanag na sa plasa nang dumating si Pedring at ang batang si Shintaro, mga taga-baryo din. Sila ay parehong natatanuran ng mga sundalo. Ang dalawa ay inatasan ni Captain Tamora, pinunong Hapon, na ituro ang mga taga-Mabatang na kasapi sa gerilya. Matagal bago nagsimulang magturo ang dalawa. Kinailangan pa silang kulatahin ng mga Hapon para lang sundin ang utos ni Tamora.

     Dahil dito, kahit sino na lamang ay itinuro ng dalawa. At bawat lalaking maituro ay dinadala sa gawing likuran ng linya at doon sinimulang bugbugin. Pagkatapos ay tinalian ang kanilang mga kamay ng kawad ng telepono.

    Walumpu’t pitong taga-Mabatang ang isinakay sa isang six-by-six truck at dinala sa Orani. Doon ay sama-sama silang pinaluhod sa plasa sa kainitan ng araw. Katanghalian ay muli silang isinakay sa sasakyan at dinala sa isang garrison sa Dinalupihan.

     Nang gabi ring iyon ay isa-isang inimbestigahan ang 87 katao na dinakip sa

Mabatang. Pagkatapos, isa-isa silang pinagbabayoneta sa tabi ng isang malaking hukay sa loob mismo ng garison. Sa dilim ng gabi at dahil na rin sa buhos ng matinding ulan ay dalawang taga-Mabatang ang hindi napuruhan ng saksak ng bayoneta. Matapos magpatay-patayan ay nagawa nilang makatakas mula sa garison ng mga Hapon.

Ang Aso ni Santo Domingo

Ang mga mamamayan ng Abucay ay naniniwala na milagroso ang kanilang patron na si Santo Domingo. Sa maraming pagkakataon, lalo na kung hatinggabi, ay nakikita nila ito na “naglalakad” sa harap ng simbahan.

     Si Santo Domingo ay may alagang aso na lagi nitong kasama sa altar ng simbahan. Noong panahon na pakikipaglaban ang mga Katipunero sa mga Kastila ay nalalaman agad ng mamamayan kung saan naroon ang mga rebelde.

Kung may araw na maputik ang balahibo ng aso, alam nilang nakipaglaro ito sa mga rebelde na nagkukubli sa gawi ng aplaya, palaisdaan o kaya’y sa gilid ng mga ilog.Kung ang balahibo naman ng aso ay hitik sa amorseko, walang duda na ang mga rebelde ay nasa kagubatan at kabundukan.

     May pagkakataon na habang may idinaraos na Misa ay naririnig nila ang kahol ng aso ni Santo Domingo mula sa labas ng simbahan. Alam na ng mga mamamayan na ang mga rebelde ay bumaba ng bayan at naglisaw sa liwasan.

Alamat ng Capitangan

Ang mag-asawang Pedro at Juana ay magkapiling na nanirahan sa isang pamayanan na nasa dakong katimugan ng Abucay. Wala pang pangalan ang pamayanan noong mga panahong iyon. Kasama ng mag-asawa ang kanilang anak na si Huwan.

Isang araw ay inutusan ng mag-asawa si Huwan na kunin ang kanilang mga kalabaw na nanginginain sa isang di-kalayuang pastulan.

Dahil maaga pa, naisipan ng bata na maari pa siyang maglaro kasama ang kaibigang si Pablo. Inabot ng matagal ang paglalaro ng dalawang bata bago nila naisipang umuwi dala ang mga tinipong kalabaw.

Bigla, nagbago ang ihip ng hangin at saka biglang kumulog. Naminto agad ang pagbuhos ng malakas na ulan.

Nagmadali sa pag-uwi ang dalawang bata. Pati ang mga hayop ay kanilang pinatakbo nang matulin lalo na nang bumuhos na ang ulan.Nauntol sa pag-uwi ang dalawang bata nang pagdating sa isang ilog ay natuklasan nilang tumaas at rumaragasa na ang agos ng tubig. Hindi malaman nina Huwan ang gagawin. Alam nilang kailangan nilang makauwi ngunit nangangamba sila na tangayin ng agos at malunod. Magkagayonman, itinuloy nila ang balak na pagtawid sa ilog.

Dahil sa pagbagsak ng ulan ay biglang nangamba si Mang Pedro para sa kaligtasan ng kanyang anak. Dali-dali siyang nagtungo sa pastulan. Pagdating sa ilog, nahintakutan siya nang makita si Huwan at ang kaibigang si Pablo na naroon sa gitna ng ilog at mahigpit na nakakapit sa isang puno ng kawayan. Hawak pa rin nila ang mga tali ng dalang kalabaw.

Napasigaw nang malakas si Mang Pedro: “Kapit. Tangan. Kapit-tangan kayo. Naging palasak ang kuwentong ito nina Huwan at Pablo nang makaligtas sila sa baha. Magmula noon, ang pamayanan sa dulong bahagi ng Abucay ay makilala sa pangalang “Kapitangan”.

Narito ang isa pang nalathalang Alamat ng Capitangan…

Binakayang Munti” umano kung tawagin ang lumang nayon ng Capitangan na matatagpuan sa dakong katimugan ng Abucay. Ang mga tao dito ay matatapang kaya ang kalaban nila ay madaling naitataboy palabas ng nayon.  Dito sa lugar na ito ay pangkaraniwan na ang pagsusubukan ng lakas at galing sa pakikipaglaban ng mamamayan.

Minsa’y nagsubukan sina San Andres at San Pedro Martir ng kanilang lakas at galing sapagkat sila ay nagkasabay ng panliligaw kay Santa Catalina de Siena, ang patrona sa Baryo ng Tuyo, sa Balanga. (Si Santa Catalina din ang patrona sa bayan ng Samal). 

Naunang tinaga ni San Andres si San Pedro Martir. Ang tanging nagawa ng huli ay itulak at sikaran si San Andres. Napasandal tuloy si San Andres sa puno ng santol.

Ang likod ni San Andres ay napakapit sa puno at ang kamay niya ay napatangan sa sanga ng santol.  Kaya nga kung makikita si San Andres(ang patron ng Kapitangan) ay napakapit ito at nakatangan sa puno ng santol.

Malinaw na ang kuwento ng pangalang “Kapitangan” ay ibinatay sa uri ng kalagayan at itsura ng kanilang patron na si San Andres sa altar ng simbahan.

Alamat ng Mabatang

Dati-rati, ang Mabatang ay isang malagong kagubatan. Kapansin-pansin na karamihan sa mga puno na tumubo sa nasabing lugar ay mga punongkahoy na kung tawagin ay batang.

Mga Ita ang unang pangkat na tumira sa nasabing lugar. Bagama’t hindi sibilisado, sila ay mga tahimik na mamamayan. Ang mga bahay nilang ginawa sa itaas ng mga puno ay tamang-tama para maligtas sila sa mga hayop na gumagala sa kagubatan.

     Isang araw, isang mangangalakal mula sa Pampanga ang dumaong sa baybay-dagat ng Mabatang. May dala siyang pawid at suka na nais niyang ipagpalit ng produktong gawa sa Mabatang. Nagustuhan ng mga Ita ang suka at pawid kaya magiliw silang nakipagkalakalan sa Kapampangang biyahero. Paulit-ulit itong nagbalik sa Mabatang para magnegosyo.

    Minsan, nagulat na lamang ang Kapampangan nang mapansing may mga Ita na nagtatayo na ng kanilang bahay sa lupa, hindi na sa mga puno. Dali-dali itong nagtanong: ”Nan lang dutung deti?” Isang Ita ang tumugon: “Batang.” Itinuro pa nito sa biyaherong Kapampangan ang malalaki at matatayog na punongkahoy sa paligid na kung tawagin nila’y batang.

Ilang panahon pa ang nakalipas ay muling magbalik ang biyahero sa Mabatang. Kasama na niya ang kanyang pamilya. Doon na niya balak manirahan. Pumutol siya ng maraming punong batang na siya niyang ginamit sa pagpapatayo ng kanyang bahay.

     Marami pang ibang Kapampangan ang nanirahan sa Mabatang na ang pangalan kaypala’y hinango sa dalawang salita, “Maraming Batang.

     Paunawa:

Madaling tinanggap ng tao na kaya tinawag na Mabatang ang nasabing baryo ay dahil “maraming punong batang” sa nasabing lugar, Gayon din ang naging pagtanggap ng mga naninirahan sa Bundok Natib na kaya tinawag naBangkal ang nasabing baryo ay dahil naroon naman ang sanlaksang puno ng “bangkal.”

Ang Baryo ng Capitangan ay may karareho ding simula. Ito ay unang tinawag na “Kapitongan” (hindi Kapitangan) dahil doon naman umano matatagpuan ang santambak na puno na kung tawagin ay “apitong.”

Nagkaroon lang ng kaunting problema sa pangalang “Kapitongan” dahil naunang kumalat at nagustuhan ng mga tao ang alamat na may kinalaman sa anyo ng patron na si SanAndres na makikita sa altar ng simbahan ng Capitangan na sinasabing “nakakapit na ay nakatangan pa sa sanga ng puno ng santol.”

Ang Dalayap

     Noong panahon ng mga Kastila, may isang lugar sa Mabatang, Abucay na hindi agad nabigyan ng pangalan. Kadalasan tuloy, may mga tao na nautusang magtungo sa nasabing lugar (Dalayap) ay hindi nakakarating dito hanggang sa magkaligaw-ligaw.

     Para madaling matunton ang lugar, ginawang palatandaan ng mga tao ang isang bakuran na tinamnan ng maraming puno ng dayap (local lemon). Madalas ay hitik sa bunga ang mga puno ng dayap na ito kaya’t maraming tao na napupunta dito ang pansumandaling tumitigil pa sa harap ng nasabing bakuran para ipamalas ang kanilang paghanga sa nasabing lugar.

     Noong una’y tinawag ang lugar na Dayap. Pero hindi naglaon ay naging Dalayap ang tawag dito.

Undong Tubig

     Si Undong ay tubong-Mabatang, isang ulila na ang napiling hanapbuhay ay ang pag-igib ng tubig sa sinumang maybahay na may gusto ng kanyang serbisyo. Siya ay tumatanggap ng bayad na apat na sentimo kapalit ng dalawang timba ng tubig. Kilala siya sa buong baryo kahit pa naturingang siya’y walang pinag-aralan at mahirap lamang.

     Bukod sa pag-iigib, paboritong aliwan ni Undong ang mamingwit sa ilog. Madaling-araw pa lamang ay nagtutungo na siya sa ilog para manghuli ng isda. At kapag siya’y nakapamingwit ng isdang sapat na bilang hapunan at almusal kinabukasan ay agad na siyang umuuwi. Agad niyang iniluluto ang kalahati ng kanyang huli at saka kakain ng hapunan.

     Sa araw na ito, habang nililinis ang isda ay nakatagpo siya sa bituka nito ng isang itim na singsing. Agad niya itong ibinulsa at saka sinimulang magluto.

     Matutulog na lamang si Undong nang gabing iyon nang maalala niya ang singsing. Agad niya itong inilabas mula sa bulsa at saka tinangkang isuot sa kanyang hinliliit na daliri. Nagkasya naman ito.

     Isang gabing namasyal si Undong kasama ang kaibigang si Cardo ay napadaan ang dalawa sa Dalayap. Gayon na lamang ang hilakbot na nadama ni Cardo nang mapansin niya, sa tulong ng mabining sikat ng buwan, ang isang bagay na tila naglalambitin sa pagitan ng dalawang puno ng saging. Mabilis na nagtatakbo si Cardo dahil sa matinding takot. Naiwan naman si Undong na walang kamalay-malay sa nakita ng kaibigan.

     Binalingan ni Undong ng tingin ang gawi ng sagingan. At doon niya nakita ang isang mala-halimaw na nilikha. At gayon na lamang ang kanyang pagkabigla nang biglang lumuhod sa kanyang harapan ang halimaw.

     “Panginoon ng Itim na Singsing,” simula ng halimaw, “nakahanda akong sumunod sa iyong mga utos…”

     “Pasensya na, wala pa akong gustong ipag-utos sa iyo ngayon,” sabi ni Undong. “Maglaho ka muna at tatawagin na lamang kita kung meron akong kailangan.”

     Bago tuluyang naglaho ang halimaw ay natanto na ni Undong kung ano ang tunay na halaga ng napulot na singsing. Noong gabing iyon, bago matulog, ay inalam ni Undong kung paano tatawagin ang halimaw. Naisipan niyang kuskusin ng kanyang kamay ang singsing. Presto, lumitaw ang halimaw.

     “May kailangan kayo sa akin, Panginoon?”

     “Kahit ano ba ang hilingin ko ay kaya mong ibigay?” gustong linawin ni Undong.

“Opo, Panginoon,” ang sabi.

     “Mabuti. Magmula ngayon ay hatiran mo ako ng masasarap na pagkain araw-araw.” Humiling din sa Undong ng iba pang bagay na kailangan niya araw-araw.

     Magmula noon ay lagi nang tiwasay at sagana ang buhay ni Undong. At para maikubli ang mga biyaya na kanyang tinatanggap ay itinuloy pa rin niya ang pag-iigib ng tubig. Alam niya na habang hawak niya ang singsing na hindi na siya magbabalik sa kahirapan.

     Nakapag-asawa rin si Undong at saka nagkaanak. Saka pa lamang natuklasan ng lahat na siya pala ang pinakamayaman sa buong Abucay.

     Isang araw, isang pulubi ang kumatok sa tahanan ni Undong. Humihingi ito ng tulong. Hindi nagbigay ng tulong ang asawa ni Undong. Pero hindi umalis ang pulubi. Sa paglabas ni Undong ay siya na mismo ang nagpalayas sa pulubi.

     Kinabukasan pagkagising, natuklasan ni Undong na nawawala na ang kanyang singsing. Pati ang kanyang kayamanan ay nawala rin. At ang kanyang bahay. nagbalik sa dating maralita nitong anyo.