Pilar
Imahen ng Birhen
Hinango ang pangalan ng Pilar sa katawagan ng Inang Birhen bilang “Our Lady of the Pillar” o “Nuestra Señora del Pilar.” Ito ay itinatag bilang malayang pamayanan noong 1899 (sic). Hindi na matukoy kung sinu-sino ang mga taong nagtulung-tulong para maitatag ang bayan ngunit tiniyak na ang mga ito ay mga “guardia civil.”
Ang Pilar ay pinamunuan ng mga sumusunod na “capitanes municipal,“ gaya nina Francisco Paguio, Luis Banzon, Felipe Reyes, Pioquinto Paguio, Agustin Enriquez, Anacleto Paguio, Valerio Paguio at Desiderio Reyes.
Noong panahon ng mga Amerikano, ang mga nanungkulang “municipal president“ o “municipal mayor“ ay sina Julian Calimbas (1906-1909); Teodoro Paguio (1909-1912); Eusebio Paguio (1912-1915); Alejandro Aguinaldo (1915-1918); Simeon Rodriguez (1918-1921) Jose Herrera (1921-1923); Felipe A. Calimbas (1923-1926); Felipe A. Calimbas (1926-1929); Marcelo A. Quiroz (1929-1932); Sotero Roman (1932-1935); Fermin R. Banzon (1938-1941); Joaquin Banzon (1942-1944); Arcadio Herrera (1945-1946); at Joaquin R. Banzon (1946-1955).
Ang mga “vice-president“ (o vice-mayor) ay sina Luciano Pulumbarit (1915); Florentino Ramos (1918); Valeriano Fernando (1921); Marcelo Valderama (1923/1926); Antonio Jacobe (1929); Pedrito Sanchez (1932); Emilio de Leon (1935); Alejandro Aguinaldo (1938); Arcadio Herrera (1941); at Mariano de Jesus (1946).
Alamat ng Tabakohan
Isang mestisong Kastila ang unang nagtanim ng halamang tabako sa Pilar. Hindi naglaon, ang lupain ng mestiso ay tinawag na “Tabakohan.” Hindi naglaon ay ipinagbili ng mestiso ang kanyang lupain at saka nangibang-bayan. Ang mga bagong may-ari ng lupa ay nagsimulang tamnan ng palay ang nasabing lupain. Ngunit nanatiling tinatawag ng mga tao ang nasabing lugar bilang Tabakohan.”
Alamat ng Gasili
Ang Gasili ay isang sityo na matatagpuan sa silangang bahagi ng Baryo Wakas, Pilar. Dati-rating taniman ng “sili,” kasama na ang siling bundok, ang nasabing lugar. Isang mayamang Kastila ang nakabili ng nasabing lugar na kanya namang pinatamnan ng palay, gulay at iba pang produktong-pangsakahan. Sa kabila nito, patuloy pa ring tinawag ng mga tao ang nasabing lugar sa pangalang “Gasili.”
Ang Aningay
Ang Aningay ay isang sityo ng Pilar na matatagpuan sa kahabaan ng Joaquin R. Linao Highway, sa pagitan Baryo Ala-uli at Panilao. Sinasabi na ang pangalan nito ay bigay ng mga sinaunang maghihimagsik ng Pilar na lumaban sa mga Kastila. Sa lugar na ito umano nagkukuta ang mga maghihimagsik at dito rin nila madalas tambangan ang mga kalaban na nagtutungo sa Bagac at Morong.
Hinango umano ang pangalang Aningay sa mga salitang “walang ingay,” na madalas sabihin ng mga maghihimagsik sa kanilang kasamahan kung sila’y maglulunsad na ng pananambang. Ang “walang ingay” ay pinaikli hanggang maging “aningay.”
Ang Baryo Balut
Ang Baryo Balut ay matatagpuan sa gawing dalampasigan ng Pilar, sa gilid ng Ilog Talisay. Hindi batid kung kailan ito itinatag bilang isang baryo. Ang nasabing lugar ay dating tinutubuan ng mga halamang ligaw gaya ng aroma, dalwan, tuwi, palapar at bakawan. Napagkaisahan lamang itong linisin ng mga pamilyang napasuot sa nasabing lugar dahil sa pagtatago sa mga Kastila. Ginamit din itong kuta ng mga lokal na maghihimagsik.
Sinasabing ang mga Pamilya Paguio, Dela Cruz at Bartolome ang mga unang nanirahan dito. Sila ang buong tiyagang naglinis sa nasabing lugar at ginawa itong pamayanan. Hindi nagtagal ay nahati sa Balut Itaas at Balut Ibaba ang nasabing baryo na ginawa ring tirahan ng iba pang dumayo dito.
Ang malaking bahagi ng lupain ay naging pag-aari ni Tomas del Rosario, ang pangalawang gobernador ng Bataan (1903-1905). Matapos siyang sumakabilang-buhay, ang lupain ay napunta sa kandili ni Julian Salgado. Kasama na rito ang mga lupain ng Pamilya Austria, dela Cruz, Villanueva at Paguio. Si Salgado ang nagbigay ng isang lote para mapagtayuan ng eskuwelahan sa baryo, noong panahon ni Mayor Marcelo S. Quiroz.
Matapos na ito’y maitatag bilang baryo ay napili para manungkulang teniente del barrio sina: Evaristo Samson, Ignacio Paguio, Dionisio Mariano, Mateo Diwa, Servillano Paguio, Gaudencio Antonio, Florentino Dilig, Ricardo Reyes at Emeterio Enriquez.
Noong panahon ng giyera, ang malalaking palaisdaan sa Balut ang siyang natirang pinagkukunan ng pagkain ng mga sundalong USAFFE at mga taga-baryo. Hindi nagtagal, ito ang ginamit ng mga taga-Bataan bilang pantalan para makapunta sa Bulakan at Pampanga ang mga taong nagnanais umiwas sa kaguluhang nagaganap noon sa lalawigan.
Maraming ari-arian ang napinsala sa Balut noong giyera, kasama na ang maraming buhay ng mga tagarito. Sa tulong ng American-Philippines War Damage Commission ay muling nakapagtayo ng kanilang bahay ang mga taga-Balut. Pati ang mga lumaban sa mga Hapon ay nabigyan din ng kanilang pensiyon.
Baryo Santa Rosa
Ang sinasabing pinagmulan ng pangalan ng Santa Rosa ay isang magandang dalaga na nagngangalang Rosa na ipinanganak at tumira sa baryo. Dahil sa kanyang yumi at ganda ay maraming kalalakihan ang narahuyo at umibig sa kanya. Ang kanyang kabaitan at kasipagan ay hinangaan din ng mga taga-baryo.
Isang araw ay nagkasakit nang malubha si Rosa. Lahat ng paraan para siya’y mailigtas ay ginawa ngunit nauwing lahat sa kawalan-pag-asa. Sa araw ng kanyang kamatayan ay buong baryo ang lumuha para sa kanya. Para manatiling buhay sa kanilang alaala si Rosa ay pinangalanan nila ang baryo na “Santa Rosa.” Para sa kanila, si Rosa ay isang santa dahil namatay ito na hindi man lamang nakapag-asawa.
May nagsasabi na ang Santa Rosa ay natatag noong panahon ng mga Kastila. At ang mga unang nanirahan dito ay ang mga Pamilya Lerma, Dispo, Paguio, Dilig at Malibiran.Sina Antonio Santiago at Juanito Pimentel ang mga unang tenyente del baryo dito.
Ito ang baryo kung saan ipinanganak sina Conrado Lerma, naging gobernador ng Bataan (1916-1918) at Jose Ma. Lerma, kinatawan ng Bataan sa First Philippine Legislature (1907-1909).
Baryo Sa Luis
Ang lumang pangalan ng baryo ay “Uyong”. Subalit noong itatag ang Bataan Sugar Central sa Cupang (Balanga) noong 1929 ay maraming Kapampangan ang nagtungo sa lalawigan para maghanapbuhay sa pagtatanim ng tubo sa kalawakan ng lupaing nasasakop ng Balanga, Pilar at Orion.
Karamihan sa mga Kapampangan na ito ay napag-alamang nanggaling sa San Luis, Pampanga. Kaya naman nang makabuo sila ng isang pamayanan sa Uyong ay tinawag nila ang nasabing lugar na “San Luis,” bilang paggunita sa dati nilang bayan sa Pampanga.
Nanatili ang mga Kapampangan sa Pilar hanggang matapos ang giyera. Natigil naman sila sa pagtatanim ng tubo na napalitan kalaunan ng palay. Masipag sila sa pagtatrabaho sa bukid. Matapos magkaroon ng sariling simbahan at paaralan sa nasabing lugar noong 1947 ay lalo pang nagpatuloy ang paghugos ng mga Kapampangan sa San Luis.
Hindi nagtagal, ang San Luis ay napalitan ng bagong pangalan. Ang baryo ay kilala ngayon sa tawag na “Ala-uli,” bilang pagbibigay-pugay sa naroong ilog ng Talisay.