Kuwentong Bataan – Ikalawang Bahagi

Hermosa

 

“Tandang Sula”

Si Ursula delos Santos Tantiangco ng Baryo Daungan ay kilala sa buong Hermosa bilang si “Tandang Sula.” Ipinanganak siya noong magtatapos na ang pamamalagi ng mga Kastila sa Pilipinas. Siya ay kaisa-isang anak ng mayamang mag-asawa at nakapag-aral sa Maynila. Bago sumiklab ang labanan sa pagitan ng mga Pilipino at Kastila ay tumulong na si Tandang Sula sa pagtatatag ng pangkat ng mga maghihimagsik sa Hermosa ngunit napanatili niya ang magandang pakikisama sa mga dayuhan.

Noong Oktubre 10, 1898 nasaksihan niya ang pagdakip ng mga rebelde sa isang Dominikanong pari ng Hermosa, si Fr. David Varas, at dinala sa liwasang-bayan. Dali–dali niyang kinausap si “Koronel” Mariano Medina ng Orani para iligtas sa kapahamakan si Padre Varas, ngunit hindi siya pinakinggan. Itinuloy pa rin ng mga rebelde ang pagpaslang sa pari.

Nang tangkain pa ng mga rebelde na sunugin ang mga bahay sa Poblacion ay minsan pang nakiusap si Tandang Sula. Inimbitahan niya ang mga rebelde sa kanyang bahay kung saan ay nagpahanda siya ng pagkain at inumin (tinapay at kape). Pagkatapos kumain at uminom ay iniwan na nila nang mapayapa ang Hermosa.

Noong panahon ng mga Amerikano ay pinatawan si Tandang Sula at ang kanyang asawang si Marcos Tantiangco, naging alkalde ng Hermosa noong 1903 hanggang 1905, na magbayad ng malaking buwis sa pamahalaan para sa kanilang malawak na lupain sa Hermosa. Nang tumanggi ang mag-asawa ay agad na inilit ng pamahalaan ang kanilang ari-arian sa Barangay Pulo. Sa kabila ng kalupitang naranasan, nanatili si Tandang Sula na malapit sa Diyos. Nagturo din siya ng Katekismo sa mga bata ng maraming taon. Siya’y pumanaw na isang pobre.

 

Ang Bayani

Isa sa mga natatanging anak ng Hermosa na buong giting na lumaban sa mga Hapon noong panahon ng digmaan ay si First Lt. Amado S. Tungol. Bagama’t wala pang 21-taong gulang, hindi man lamang kinakitaan ng takot si Tungol sa harap ng mga kaaway.

Sa Bagac, kung saan natalaga si Tungol, ay napasabak sa labanan ang magiting na anak ng Hermosa. Siya at mga tauhan ay muntik-muntikanang masabugan ng mga bombang inihulog maghapon ng mga eroplanong Hapones. At bago nagtapos ang araw ay napalibutan na ng Japanese Advance Combat Platoon ang pangkat ni Tungol.

Bagama’t may pagkakataon, hindi nagawa ni Tungol na iwan ang kanyang mga tauhan na napalaban nang husto sa mga kaaway. Matapos mag-utos na simulan na ang pag-atras ay nagpatihuli siya para hadlangan ang paghabol ng mga Hapones.

Ikinasa din niya ang kanyang riple na may bayoneta at saka hinarap ang mga kaaway. Isang opisyal na Hapon ang kanyang napatay bago siya nasaksak ng bayoneta sa gawing likuran. Hindi na siya nabuhay para ikuwento ang kanyang ginawa noong panahon ng digmaan.

Pagkalipas ng labanan sa Bataan,ang ilang kagamitan ni Lt. Tungol ay isinoli sa kanyang mga magulang ng mga nakaligtas niyang tauhan.

 

 

 

Sa kamay ng kaaway

Ang bayan ng Hermosa ay naliskob ng mga sundalong Hapones noong Enero 5, 1942. Lahat ng sibilyan na natagpuan ng mga sundalo sa kabayanan at iba pang bahagi ng Hermosa ay binihag at dinala sa garison kung saan sila sama-samang pinaslang. Takot ang pumasok sa dibdib ng bawat mamamayan. Si Estanislao Ramos, ang alkalde ng Hermosa ng mga panahong iyon, ay umalis sa kanyang tungkulin at tumakas.

Agad na inokupahan ng mga sundalo ang simbahan ni San Pedro de Verona at ginawa itong punong-himpilan. Tinangka nilang sunugin at sirain ang mga imahe ng mga santo sa loob ng simbahan ngunit hindi sila nagtagumpay.

Ang pinakamalaking paaralang elementarya sa Hermosa ay ginawa namang ospital para sa mga sugatang sundalong Hapon na napalaban sa Layac Junction.

 

Death March

Pagkatapos isuko ang Bataan ay sumunod agad ang Death Marchna nilahukan ng mga sumukong sundalong Pilipino at Amerikano. Sa puntong ito ay ipinamalas ng mga taga-Hermosa ang kanilang pagmamahal sa mga taong nagtanggol sa kalayaan. Maraming Hermoseño ang buong tapang na lumapit sa mga naglalakad na bihag at kung may pagkakataon ay hinahatak nila ang ilan para maitakas. Naghanda rin sila ng mga pagkain at inumin para sa mga bilanggo na patungong Capas, Tarlac. Hindi nila inalinta na sila’y hulihin o pahirapan ng mga bantay na Hapon maibigay lamang ang mga dalang pagkain sa mga naglalakad na sundalo.At parang hindi pa sapat, sila-sila mismo ang naglibing sa mga sundalo na sa mismong lansangan   ng Hermosa nalagutan ng hininga.

Sa panahon ng pananakop ng Hapon sa bansa tinangkang buksang muli ang ilang paaralan sa Hermosa. Sinimulang ituro sa mga pinuno ng pamahalaan, mga mamamayan, bata at matatanda, ang wikang Niponggo. Lahat ng mga lumang aklat ukol kay Dr. Jose Rizal, George Washington at Abraham Lincoln ay hindi na ipinagamit. At karamihan sa mga librong Inglis ay sinunog.

Kakaunti lamang ang mga gurong nagbalik sa paaralan dahil na rin sa takot sa mga Hapones. Dahil dito, mga sibilyang Hapones ang pansamantalang ginamit bilang mga guro.

 

Walang Pagkain

Ang pagpaparami ng aning pagkain ang ginawang programa ng mga Hapon. Kahit ang mga naglilingkod sa pamahalaan ay inatasang maghalaman sa kani-kanilang bakuran. Maganda ang programang ito. Lamang, lahat ng naaaning pagkain ay kinukumpiska naman ng mga Hapon. Dahil dito, tumigil na lamang sa paghalalaman ang mga magsasaka. Muling nakaranas ng matinding pananalat sa pagkain ang mamamayan. Kahit ang kinikita ng mga manggagawa ng pamahalaan ay hindi rin sumapat kahit pambili man lamang ng pagkain. Marami ding kabataan ang nakaisip na umakyat sa bundok at umanib sa samahang-gerilya.

Noong magbalik ang mga sundalong Amerikano para bawiin ang Pilipinas ay gayon na lamang ang tuwa ng mamamayan. Noon naman nagsimula ang halos araw-araw na pagsosona ng mga sundalo sa baryo-baryo. Lahat ng kanilang dinakip ay kanilang pinahirapan. Minabuti ng mamamayan na magbalik sa bundok para makaiwas sa kalupitan ng mga Hapones. Agad na ipinag-utos ng mga sundalo sa nanungkulang alkalde ng Hermosa na pababain mula sa bundok ang mamamayan. Tinakot pa nila ang mga tao na susunugin nila ang mga bahay nito. Ngunit walang nakinig sa pananakot ng mga Hapon.

 

MacArthur

Si Heneral Douglas MacArthur ay nagbalik sa Bataan, partikular na sa Hermosa, noong Pebrero 5, 1945. Kasama niya ang kanyang mga sundalo at mga gerilya ng Hermosa nang siya’y dumalaw. Siya’y masayang sinalubong ng mamamayan, bata at matanda, sa plasa ng Hermosa. Binato nila ng mga bulaklak ng gumamela ang heneral na Amerikano at saka pinagkaguluhan. Namigay din sila ng mga nilutong kamote, isda at prutas para sa mga dumalaw na sundalong Amerikano.

Bilang ganti, ang mga Amerikano man ay namahagi din ng mga de-latang pagkain, tsokolate, damit at mga C-ration sa mga halatang nagugutom na mamamayan. Dumalaw din siya sa Orani at inalam ang kalagayan ng mamamayan doon.

Pagkatapos ng pagbisita ay nagbalik sa Dinalupihan si MacArthur para personal na alamin ang mga kaganapan ng mga labanan sa tinawag na “Battle of Zigzag Pass”. Malaking tulong ang tinanggap ng mga taga-Bataan mula sa Amerika pagkatapos-na-pagkatapos ng digmaan. Ang Philippine-American War Damage Commission at ang United States Veterans Administration ang nanguna para sa agarang rehabilitasyon ng lalawigan.

 

Apo Iro

Noong 1924, isang taong nagngangalang “Apo Iro” ang napabantog sa buong Hermosa dahil sa kanyang kakayahan na manggamot ng kahit anong sakit ng tao. Mga taong kung saan-saan pa nanggaling ang nagtutungo sa Hermosa araw-araw para magpagamot sa kanya.

Sa dating  sikat na pasyalan sa Hermosa, ang Bubulusok Falls,karaniwang nagtutungo ang mga tao dahil doon gumawa ng kubo at pansamantalang tumuloy si Apo Iro. Doon din siya nanggagamot ng mga taong nangangailangan ng kanyang husay sa panggagamot.

Napabalita na kabilang sa mga pinagaling ni Apo Iro ay mga taong bulag, masakit ang ulo at tiyan, nahihilo at iba’t ibang uri ng karamdaman. Dahil sa kanyang kagalingan, si Apo Iro ay tinanghal na isang “mahiwaga at banal na tao” na tumutulong sa mga nangangailangan.

 

Milagro ni San Pedro

Sinasabing noong panahon ng Hapon ay ilang ulit na ipinamalas ni San Pedro Martir de Verona ang ilan sa kanyang mga mirakulo. Matapos umanong gawing himpilan ng mga sundalong Hapones ang simbahan ng Hermosa ay tinangka ng mga ito na sirain ang ilang imahe sa loob ng simbahan para gamiting panggatong sa kanilang pagluluto. Pati ang kahoy na rebulto ng Martir ay naisipan nilang buhatin para sibakin. Ngunit kahit ilang pagtatangka ang kanilang ginawa para mabuhat ang santo ay nawalan din ng saysay. Nagmistula umanong nagpabigat nang husto si Santo Pedro kaya hindi man lang ito natinag sa kanyang kinalalagyan. Sa matinding galit, may ilan pang sundalo ang gumamit ng bayoneta para wasakin ang rebulto. Ngunit lahat sila ay bigla na lamang nalupasay at saka binawian ng buhay.

May isang pagkakataon naman na kinasangkutan ni Padre Delos Santos na umano’y dinalaw ng itim na imahe ni San Pedro. Ayon sa kuwento, napanaginipan umano ni Padre Delos Santos na isang taga-Almacen ang may matinding pangangailangan sa kanya. Agad siyang gumising, tumayo at saka naglakad patungong Ilog-Almacen. Pagdating sa lugar ay nakakita siya ng isang kaputol na bangka. Ang bangka na mismo ang kusang lumapit sa kanya at doon siya sumakay. Doon din niya natagpuan ang isang itim na imahe ni San Pedro. Kinabukasan ay nagbalik siya sa nasabing ilog at nagdaos doon ng isang misa. Pagkatapos ay isang prusisyon ang idinaos habang dinadala niya sa simbahan ang natagpuang itim na rebulto ni San Pedro.

May isa pang kuwento ukol sa milagrosong si San Pedro de Verona. Diumano, ang itim na rebulto ni San Pedro ay nakita nilang nakikipaglaban sa mga Kastila kasama ang mga rebeldeng taga-Hermosa. Katunayan, nakita nila sa altar ang suot nitong damit na puno ng putik sa gawing laylayan nito.

Minsan naman, isang babae ang nagsabing nakita niyang naglalakad ang santo mula sa simbahan patungo sa Bubulusok Falls.Maraming taga-Hermosa ang hanggang sa ngayon ay naniniwala na totoong mapagmilagrong santo si San Pedro Martir de Verona.

 

Moro-moro

Bago pa nauso ang mga pelikula at sinehan sa Pilipinas ay ang palabas na “Moro-moro” ang kinagiliwang panoorin ng mamamayan. Ang Moro-moro ay tumatalakay sa hidwaang Moro at Kristiyano, mga hari at kaharian, mabubuti at masasamang tao, mga prinsipe at prinsesa na sinangkapan na pag-iibigan at tunggalian. Dahil dito, maraming Hermoseño ang nakilala bilang mga piling manunulat, direktor at mga artista ng tanghalan.

Isa sa mga naging bantog na direktor ay si Pacifico Leonzon. Halos lahat ng kanyang mga dulang pinatnubayan ay may kinalaman sa mga di-makataong pamamalakad ng mga Kastila.

Si Mariano Dimalanta ay nakilala bilang manunulat ng dula, direktor, makata at artistang pangtanghalan. Karamihan sa kanyang mga akda ay tumatalakay sa paghihirap ng mga pangkaraniwang tao na humarap sa mayayaman at mapang-abuso. Tatlo sa mga ito ang naging popular: “Nagumon sa Bisyo”, “Tagumpay ng Mahirap” at  “Natipong Hiyas.” Ang mga ito ay kanyang isinulat noong katatapos lamang ng Unang Digmaang Pandaigdig.

Si Roman Jaring, na naging alkalde ng Hermosa, ay isa ring manunulat sa magasin. Ang ilan sa kanyang mga akda ay ang sumusunod: “Dalawang Anghel” (Liwayway, June 30, 1946); “Ang Gantimpala” (Liwayway, December 5, 1950); “Labis na Pagmamahal” (Bulaklak, May 10, 1048); at “Huling Habilin” (Bulaklak, November 15, 1940).

Si Pedro Dimalanta ay kinilala rin bilang mahusay na manunulat. Ang kanyang dula, “Lihim ng Isang Ina,” ay napabantog noong 1930s.

Kahit sa larangan ng musika ay naging bantog din ang ilang taga-Hermosa. Nanguna sa talaan si Toribio “Tibong“ David, kilalang bandmaster at kompositor. Siya ay isang retiradong empleyado ng pamahalaan na nagtatag ng Hermosa Band noong 1912. Katulong siya sa pagtatatag ng isa pang banda, angBataan Teacher’s Band na binuo ng mga guro sa lalawigan noong 1933-1934. Siya rin ang lumikha ng ilang kilalang overture na may mga pamagat na “Lourdes,” “Cantares de Hermosa,” “Cayman” at “Belmont.” Nilikha din niya ang march-overture na “Mandama” na alay sa mga matatapang na Katipunero ng Mandama na lumaban sa mga Kastila. Ang kanyang“Bataan Teachers Hymn” ay naging popular din at kamuntik nang tanghalin bilang Pambansang Awit.

 

May karugtong…….