“Alamat” ng Limay
Narito ang isang alamat na nagpasalin-salin sa bawat henerasyon ng mga taga-Limay. Ito ay isang halimbawa ng “kuwentong-bayan”:
“…Isang gabing umuulan nang tawirin ng limang katao ang kalawakan ng Manila Bay patungo sa Bataan. Dala nila sa ginamit na bangka ang imahe ni San Francisco de Assisi. Sa laot na sila inabot ng malakas na bagyo kaya sila’y napilitang lumunsad sa isang di-natukoy na bahagi ng Limay. Ang lima, dahil sa tono ng kanilang pagsasalita, ay hininalang mga Bisaya.
“Hinintay muna ng lima na tumila ang malakas na ulan bago nila tinangkang lisanin ang Limay. Datapwa’t sa tuwing sila’y magtatas ng kanilang layag ay muling nagbabalik ang malakas na ulan. Nanatili sila sa dalampasigan sa kahihintay na pag-alis ng bagyo.
“Sinabi ng pinuno ng lima na ‘tila ayaw na tayong paalisin ni San Francisco sa lugar na ito kaya makabubuti yatang huwag na tayong umalis at dito na lamang manirahan.’
“Matagal na nag-isip ang apat niyang kasamahan. Hindi naman naglaon ay nakabuo din ang mga ito ng pasiya. ‘Tama. Tama. Dito na lamang tayo tumigil. Magtayo ng mga kubo at dito na tayo manirahan.’
“Naunang kinuha ng pinakapuno ang imahe ni San Francisco at nagsabing ‘dito natin igawa ng kapilya si San Francisco para siya nating gawing patron.’
“Matapos pag-usapan ang mga susunod na gagawin ay tinungo ng lima ang gitnang bahagi ng lugar at piniling mabuti kung saan sila makakapanirahan. Agad nilang itinayo ang kapilya ay inilagay sa altar nito ang imahen ng patron.
“Dahil sa limang katao na ito ay natatag ang isang bayan sa Bataan: ang Limay, na hinango sa bilang ng mga unang katao na nanirahan sa nasabing lugar. Nadagdag lang sa salitang ‘lima,’ ang salitang ‘ay’ dahil madalas itong kakabit ng malutong na punto ng limang Bisaya.”
Batis ng Buwaya
Noong unang panahon ay may isang batis sa Limay na madalas paghulihan ng isda ng mga tagaroon. Walang pangalan ang batis na nabanggit na bumuhay sa maraming mamamayan.
Isang araw, ilang mangingisda ang nakapansin sa gumagalaw na malaking bula ng tubig ng batis. Gayon na lamang ang sindak na kanilang nadama nang biglang lumitaw mula sa tubig ang isang napakalaking buwaya.Dali-daling nag-uwian ang mga mangingisda para ipamalita ang kanilang natuklasan hinggil sa malaking buwaya na naninirahan sa batis. Magmula noon, ang batis ay tinawag na nilang “Batis ng Buaya,” o “Buaya Creek”.
Kawayang-kiling
Malaong panahon na ang nagdaan nang mapabalita sa buong Limay ang isang malaking puno ng kawayan na tumubo sa gilid ng isang batis. Sa lugar kung saan naroon ang kawayan ay may nakikita umanong isang mahiwagang diwata (nymph) na naliligo sa batis araw-araw. At para makapagtago sa tao ay pinapayuko niya ang mga puno ng kawayan para siya’y matakpan at hindi makita ng mga tao. At pagkatapos maligo ay saka lang niya aatasang tumayong muli ang mga kawayan.
Isang araw, habang naliligo ang diwata sa lilim ng kumiling na kawayan ay napansin niya ang isang tao na palihim palang pinapanood ang kanyang paliligo sa batis. Sa kabiglaaanan ay napatakbo na lamang ang diwata at nagtago sa kakahuyan. Kaso, nalimutan niyang utusan ang kawayan na muling tumindig patuwid sa langit. Ang kawayan ay nanatiling nakakiling sa may batis. Ang pagkiling ng kawayan ay nananatili hanggang sa kasalukuyan. “Kawayang-kiling” ang ipinangalan sa lugar kung saan naliligo noong una ang mahiwagang diwata.