banner

Kuwentong Bataan – Unang Bahagi

Written by
  • 1 Bataan .
  • 9 years ago

Editor’s Note:

After featuring a series of trivia about the province of Bataan and its 11 towns and 1 city, today we are starting a new series, Kuwentong Bataan. Most of the information here are again excerpts from the book “Alamat, Bugtong atbp. Bataan Diaries Series Vols.11 & 12”, compiled, written and published by Danilo B. Nisay in cooperation with the Provincial Government of Bataan and Dazenroches Press, Balanga City.

Kuwentong Bataan

Ang “Kuwentong Bataan” ay kalipunan ng mga lumang kuwento na tinipon ng ating mga ninuno na nagpasalin-salin sa bibig ng mga Bataeño magmula pa noong panahon ng mga Kastila hanggang makatapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Karamihan sa mga kuwentong matutunghayan ninyo ay nanggaling sa isang lumang aklat na may pamagat na “History of Bataan” na binuo ng Bataan Schools Division at ipinalimbag noong 1953. Si Victor de Leon, dating Division Schools Acting Superintendent, ang nagpasimuno na tipunin ang mga lumang kuwento at ilathala nang sama-sama sa isang aklat. Ang mga kuwentong sinipi mula sa nasabing aklat ay isinulat sa wikang Tagalog at Inglis.

Iba’t ibang uri ng kuwento mula sa 12 bayan ng Bataan ang matutunghayan dito na ang ilan ay maituturing na batay sa mga tunay na pangyayari. Mayroon din namang hindi maipagkakamaling kathang-isip lamang. Paka-ingat lang, suriing mabuti kung alin ang katotohanan o kathang-isip lamang sa mga kuwentong mababasa ninyo.

 

Dinalupihan

Dinalupihan Estate

Ang malaking bahagi ng Dinalupihan ay matagal na panahong naging pag-aari ng Arsobispo ng Maynila. Isang paring Kastila, si Padre Bonifacio Socco, ang humiling at pinagbigyan naman ng Reyna ng España na mapunta sa Simbahan ang malaking lupain na ito na tinawag na Dinalupihan Estate. Si Padre Socco rin ang pinangasiwa ng Arsobispo para iparenta ang lupain sa mga magsasaka ng Dinalupihan upang kanilang pagsakahan at pagyamanin. Nahirang naman bilang tagapangasiwa ng Dinalupihan Estate si Martin Castro hanggang noong 1912.

Noong Pebrero 24, 1974, ay sinimulan na ang pakikipagnegosasyon sa Simbahan para mabili ang Dinalupihan Estate, na nangyari matapos pumayag ang Simbahan. Hindi naglaon ay nakipagkasundo ang pamahalaan sa lahat ng mga manggagawa sa nasabing lupain para mabili ng mga ito ang lupa na kanilang sinasaka at binubuwisan. Napagkasunduan na ang mga nagnanais bumili ng lupa ay papayagang magbayad nang hulugan sa pamahalaan.

Natuwa ang mga magsasaka sapagkat pagkalipas nang mahabang panahon ay magiging kanila na ang mga lupang unang binungkal ng kanilang mga magulang at ninuno. Umasa sila na sa pamamagitan ng mga lupaing nabanggit ay magkakaroon na sila ng pag-asang umasenso sa buhay. Hanggang sa kasalukuyan ay marami pa ring pag-aaring lupa sa Bataan ang Arsobispo ng Maynila.

 

Rotunda sa Layac

Isang simpleng monumento ang unang itinayo sa Layac Junction sa Dinalupihan noong 1946. Ang paikot na monumento ay nagsilbing simbolo ng kabayanihan at pagpapakasakit para sa bayan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano na lumaban sa Japanese Army noong panahon ng digmaan (1941-1945).

Ang monumento ay itinayo ng 38th Infantry Regiment, Army of the United States, para sa mga Amerikanong nagbuwis ng buhay noong digmaan, kabilang na rito ang 38th Tank Company ng Kentucky, USA na napalaban sa Layac noong Disyembre 1941 at Enero 1942. Ang labanan ay naganap sa “Hermosa-Dinalupihan Delay Phase Line.”

Ginugunita rin sa pamamagitan ng simpleng monumentong nabanggit ang naging papel ng iba’t ibang yunit ng American Liberation Forces na kalahok sa mga labanan na naganap sa mga kabundukan ng Hermosa at Dinalupihan, na nakilala sa tawag na “Battle of Zigzag Pass.” Ang mga ito ay kinabibilangan ng 149th Infantry, 151st Infantry, 152nd Infantry, 113th Engineer Combat Battalion, 139th Artillery Battalion, 38th Field Artillery Battalion, 113th Medical Battalion at 38th Division Special Troop.

Hindi pa man nababawi ng AmericanLiberation Forces ang buong Maynila, ang mga umaatras na Hapones na patungo sana sa Olongapo City magmula sa Maynila at Central Luzon ay inokupahan ang mga bulubundukin ng Hermosa at Dinalupihan sa paniniwalang kaya pa nilang patagalin ang digmaan. Ginawa nilang isang matibay na tanggulan ang mga burol, kagubatan at kuweba sa nasabing lugar para pigilin ang mga Amerikano na nagtatangkang bawiin ang US Naval Base na nasa kamay pa rin ng mga Hapones.

Nagsimula ang labanan sa Zigzag Pass noong Pebrero 2, 1945. Paunti-unti ang ginawang pagsakop ng mga sundalong Amerikano sa mga bulubundukin. Bawat lunggang puno ng mga sundalong Hapon ay kinailangan pa nilang pasabugan ng granada at sunugin sa pamamagitan ng flame thrower bago nila ito maangkin.

Maging si General Douglas MacArthur ay nagtungo sa Hermosa at Dinalupihan dalawang araw matapos simulan ang pagsalakay sa Zigzag Pass. Ang labanan ay tumagal nang 23 araw magmula Pebrero 2 hanggang Pebrero 25. Nanalo ang mga Amerikano ngunit umabot naman sa dalawang libo (2,000) ang bilang ng kanilang mga sundalo na napatay at mahigit 16,000 naman sa panig ng mga Hapones.

 

Saging at Luakan

Ang Luakan at Saging sa Dinalupihan ay dating iisang baryo lamang. Ang Saging ay walang kapilya at paaralan. Wala rin silang sariling tenyente del baryo noong ang Saging ay bahagi pa ng Luakan.

Ang Luakan ay bantog sa pagdaraos ng natatanging Santakrusan tuwing buwan ng Mayo. Ang mga taga-baryo ay lumilikom ng pondo para sa matagumpay na pagtatanghal ng nasabing proyekto. Ngunit hindi maitatatwa na lagi nang kabahagi sa bawat tagumpay ng Luakan ang mga tulong at suporta na ibinibigay ng mga taga-Saging.

Sa isang pagkakataon, nagsagawa ng isang pang-gabing prusisyon sa Luakan at Saging kung saan ay kalahok ang isang banda ng musika at mga reyna ng Santakrusan. Gayon na lamang ang paghihimutok at pagkainis na nadama ng mga taga-Saging nang pagsapit sa kanilang lugar ay nawala na ang banda ng musika. pati ang mga reyna. Ang natira na lamang ay mga tao na bitbit ang kanilang mga kandila. Nalungkot ang mga taga-Saging dahil sila man ay tumulong at gumastos para sa pag-arkila ng nasabing banda at sa pagbibihis sa mga reyna.

Ang insidenteng ito ang nagbunsod sa mga taga-Saging na humiwalay na lamang sa Luakan. Ang kanilang kahilingan ay dininig ng pamahalaan. Noong 1935 ay tuluyan nang nagkahiwalay ang dalawang baryo. Isang kapilya ng Katolika Romana ang agad na ipinatayo sa Saging sa pangunguna ni G. Rufino Dimson. Si G. Pedro Joson ang nahirang na kauna-unahang tenyente del baryo ng Saging. Noong 1948, isang pampublikong paaralan ang itinayo sa nasabing lugar.

 

Alamat ng Saging

May sariling alamat kung bakit tinawag na Saging ang isang baryo sa Dinalupihan. Dati-rati, ang nasabing lugar ay isa lamang madawag na kagubatan, mga huni ng ibon at matsing ang laging naririnig sa paligid.

Sa kagubatang ito ay may nakatirang mag-asawa, sina Tandang Igno (Benigno Salazar) at Tandang Prosa. Masipag ang mag-asawa. Nilinis, hinawan at binungkal nila ang lupain na kanilang tinirahan para umani ng kanilang ikabubuhay. Ngunit anuman ang gawing pagtatangka ni Tandang Igno na makapagpabuhay ng mga namumungang punongkahoy sa kanyang lupain ay hindi naging matagumpay. Lalaki lang sandali ang mga itinanim niyang puno at saka mamamatay. Kahit paano, nakakabuhay naman siya ng mga gulay na kanyang itinitinda sa tabing-daan.

Isang araw ay naisipan ni Tandang Igno na magtanim ng saging sa kanyang bakuran. At gayon na lamang ang kanyang pagkagitla sapagkat kahit hindi niya nadidiligan ang mga ito ay kusa pa ring tumutubo at namumunga. Noon niya natuklasan na akmang-akma pala sa saging ang kanyang lupain. At magbuhat noon ay puro puno ng saging na lamang ang kanyang itinanim sa nasabing lugar. Magbuhat noon, sa pangalang “Saging” na nakilala ang bukirin ni Tandang Igno na di-kalaunan ay naging isang baryo.

 

Baryo San Jose

Ang Baryo San Jose ang unang pamayanan na naitatag para pag-ugnayin ang Pampanga at Bataan. Ito ay matatagpuan sa gawing hilagang-kanluran  ng Dinalupihan at kanugnog lang ng bayan ng Floridablanca, sa Pampanga. Natatag ang San Jose noong 1802 bilang isang maliit na pamayanan at nagsilbing landas na nag-uugnay din sa Pampanga at Zambales. Ang mga unang nanirahan dito ay natutong magsaka, magtanim ng palay, mais, tubo at pagga-gasak.

Matapos itatag ang bayan ng Dinalupihan noong 1865, ay nagsimula na ring lumaki ang populasyon ng San Jose. Ang karamihan sa mga nagtatrabaho noon sa Dinalupihan Hacienda ay pinili na sa San Jose manirahan sa halip na sa bayan. May ilan ding taga-bayan na nagtayo ng bahay sa San Jose. At may ilan pang taga-Floridablanca na sa San Jose na rin nanirahan.

Nagsimulang lumaganap sa San Jose ang pananampalatayang-Katoliko Romano. Noong 1889 ay itinayo dito ang unang bahay-dalanginan (bisita) na ipinaubaya sa pag-iingat ng isang matandang babae na tumutugon sa pangalang Unda. Sa kapilya ay naroon ang  larawan ng Poong San Jose at ang batingaw na may nakatitik na San Jose na tinutugtog araw-araw. Sa pangalang San Jose na nakatitik sa batingaw sinasabing kinuha ang pangalan ng baryo.

Ang mga taong unang nagtaguyod para maging isang matatag na pamayanan ang nasabing lugar ay kinabibilangan nina Emeterio Caraig, Elias Soriano, Narsico Bernaldo, Felipe Turla, Tinong Bulag, Marcos Pangilinan, Daniel Oliveria, Alberto Jocson, Felix Dalan, Romualdo de Leon, Mariano Garcia, Faustina Concepcion (na siyang cabeza de barangay), Juan Trinidad, Juan Pata, Tiborcio Aguilar, Perfecta Guangan, Alejandro Tayag, Dionisio de Leon at Juan Concepcion.

Pagkatapos na mapatalsik sa Pilipinas ang mga Kastila ay saka pa lamang nagbukas ng paaralan sa San Jose. Nagsumikap ang mga mamamayan na makapagtayo ng isang maliit na gusali na gawa sa pawid ang bubong, kung saan tinuruan ang mga bata na makapagsalita ng wikang Inglis na dala sa Pilipinas ng mga Amerikano.

Noong 1918 ay naitayo ang kauna-unahang pampublikong paaralan sa San Jose. Ang unang guro dito ay si G. Jaring na sinundan nina Selerio Evangelista, Agapito Dulce, Fabian de Leon, at iba pa. Noong 1953 ay tinanghal na isang kumpletong paaralan ang San Jose Elementary School. Hindi naglaon, natatag din ang isa pang kanugnog-baryo, ang New San Jose, hiwalay sa lumang San Jose.

 

Article Tags:
·
Article Categories:
Kuwentong Bataan

Comments are closed.

Shares