Mariveles
Ang Cabcaben
Ang nayon ng Cabcaben ay tirahan ng mga Negrito at mga sinaunang Ilokano noon pang bago simulan ng mga Kastila na sakupin ang Pilipinas. Sila pa rin ang mga tribung natagpuan ng mga dayuhan na nakarating sa Bataan.
Isang araw, napasyal sa dalampasigan ng Cabcaben ang isang sundalong Kastila. Doon niya inabutan ang ilang Ilokano na gumagawa ng mabababaw na hukay sa buhanginan gamit ang ilang pinatulis na patpat at kutsilyo. Magmula sa hukay ay nakakakuha sila ng mga seashells na kanila namang iniipon sa basket.
Nilapitan ng sundalo ang mga Ilokano at nagtanong kung ano ang pangalan ng nasabing lugar. Isang Ilokano na nagngangalang Benjamin ang sumagot sa tanong, sa pag-aakalang gustong malaman ng Kastila kung ano ang kanilang ginagawa sa dalampasigan. Ang sagot niya’y “Nagkabkab po, señor, ng buhangin,”
May isa pang Ilokano na nakisali sa usapan at nagsabing “Kabkabin mo, Ben, ang mukha ng ‘kasador’ na iyan”. Inakala ng sundalo na nais lang makatulong ng ikalawang Ilokano kaya ito sumali sa usapan. Nagwika pa ito ng ganito: ”Cabcaben? Muy bien! Este es Cabcaben, he? “
Tumango na lamang sina Benjamin at ang kasamahan nito. Umalis noon din ang Kastila habang bubulong-bulong: “Cabcaben, Cabcaben…” At magmula noon ay tinawag ng Cabcaben ang nasabing lugar.
Kasaysayan
Sinasabi na kilala na bilang isang baryo ang Cabcaben sa pagitan ng mga petsang Enero 14, 1792 at Hulyo 17, 1875. Ang baryo ay binubuo ng mga sityo gaya ng Alas-asin, Babuyan, Aerod, Bayagkagin, Dinginin, Aguayan, Pangulusanin, Look at Amo.
Sa buong taon ng 1700 ay isang plantasyon ng indigo ang binuksan ng mga Kastila sa Cabcaben. Noong 1742 ay isang puerto (pantalan) ang ipinagawa sa tabing-dagat ng baryo. Ngunit ang mga Dutch ay sinira ang pantalan noong 1850, Agad naman itong kinumpuni at muling ginamit ng mga Kastila. Noong 1945, ang nasabing pantalan ay pinasabog ng mga Amerikano.)
Noong 1872 ay naglabanan ang mga “guardia civil” at mga katipunero ng Mariveles sa “Cogon Santol.” Ang Cogon Santol ay napag-alamang ginawang kuta ng mga katipunero noong 1898.
Trahedya sa Cabcaben
Marami at malalaking trahedya ang sinapit ng mga taga-Cabcaben noong panahon ng giyera (1941-1945): Noong Abril 3, 1942, ang Cabcaben ay binomba ng mga sundalong Hapones. Nasunog ang paaralan sa nasabing baryo, gayundin ang kapilya. Natala na may 32 mamamayan ng baryo ang namatay sa malaria at dysentery. Labingsiyam na katao naman ang pinagpapatay ng mga Hapones at anim na taga-baryo ang namatay matapos mabagsakan ng bomba na inihulog ng mga eroplano ng Hapon.
May 67 kabahayan ang sinunog ng mga Amerikano, hindi ng mga Hapon, noong makarating na sa Lamao, Limay, ang mga kalaban. Ito ay kinailangang gawin para makita ang pagpasok ng mga Hapon sa Mariveles.
Ang rehabilitasyon ng baryo ay naisakatuparan sa tulong ng American-Philippine War Damage Commission at ng US Veterans Administration, gayundin ng Philippine Civilian Administration Unit, at ng Rehabilitation Finance Corporation.
Mga Alamat ng Mariveles
Ang Mundo
Sa simula ay walang kalupaan. Walang ibang makikita sa mundo kundi ang kalangitan at katubigan. May malalaking kabatuhan na nasa ilalim ng tubig. Dahil sa malalakas na alon, ang mga kabatuhan ay nagkabasag-basag at tumilapon sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ito rin ang pinagmulan ng mga kalupaan.
Ang Lindol
Pinaniniwalaan ng mga tao na ang mundo ay hawak-hawak sa kamay ng batang si Hesukristo. At sa tuwing siya’y nangangalay sa hawak na mundo ay nagkakaroon ng mga lindol.
Ang Kulog at Kidlat
Ang Kulog ay sinasabing ingay na likha ng isang itim na baboy na nagwawala kung kumikidlat sa kalangitan. Sinasabing hindi magandang maligo kung kumukulog. Naniniwala din ang mga tao na kailangang takpan ang mga salamin para maiwasang tamaan ito ng kidlat. Subalit maraming naniniwala na hindi tinatamaan ng kidlat ang mga bagay gaya ng salamin dahil babalandra lamang ito sa ibang direksyon.