banner

Kwentong Bataan – Orion (Karugtong)

Written by
  • D V.
  • 7 years ago

Calungusan

Hinango ang pangalan ng Baryo Calungusan sa salitang Tagalog na “longos,” ang tagpuan ng tubig-ilog at tubig-dagat. May ilan namang nagsasabi na ito ay hinago sa salitang “calanguhan,” o kalasingan. Ito ay nagpasimula umano noong panahon na ang Calungusan ay taniman pa ng tubo na puwedeng gawing alak ang katas nito.

Sinasabi pa na ang Calungusan ang kauna-unahang baryo na naitatag sa Bataan, nauna pa sa mga sumunod na bayang natatag sa lalawigan. Higit pa ito umanong matanda kaysa sa mismong bayan ng Orion. Sinabi pa na ang mga orihinal na nanirahan sa Calungusan ang siyang naglinis sa masukal na bahagi ng sa ngayo’y kilalang Baryo Arellano, San Vicente, Wakas at Lati.

Sa Calungusan sinasabing unang nanirahan si G. Trajano, isang Kastila na nagpanimula sa bayan ng Orion. Nanungkulan dito sina Mariano Cruz, Alfonso Agustin, Teodorcio Mariano, Ponciano de Leon, Pedro Gozon at Delfin Reyes bilang mga teniente del baryo.

Nakilala rin ang baryo bilang isang lumang pantalan kung saan ang mga kasko na nanggaling sa Maynila ay nagbababa ng mga produktong dala at itinitinda ng mga biyahero. Bukod sa pantalan, ang mga tagarito ay nagtatanim at nag-aani din ng tubo na siyang pangunahing produkto ng baryo noong araw.

Nang dumating ang mga Amerikano na magsimulang magtanim ng palay ang mga taga-Calungusan. Gaya ng iba pang bayan at baryo sa Bataan, ang Bantan ay nasakop din ng mga Hapon. Dito tinambangan at napatay ng mga Sakang ang mga sundalong USAFFE na sina Sarhento Magsino at Sarhento Mercado.

Camachile

Ang puno ng kamatsile ang sinasabi at pinaniniwalaang pinagkunan ng pangalan ng Baryo Camachile. Dahil umano nasa tabing-dagat ay totoong naglipana ang mga naturang punongkahoy sa nasabing lugar hanggang sa kasalukuyan.

Ang baryo ay dating bahagi ng Santo Domingo at nahiwalay lamang noong 1907. May ilang nagsasabi na ang paghihiwalay ay naganap noong 1914, sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano. Ngunit bago pa ito naganap, ang mga taga-baryo ay pilit noong pinalipat ng tirahan sa Santo Domingo ng mga Kastila. Doon nga naman ay mababantayan nila nang husto ang mga ito at hindi na nila kailangan pang magtungo sa tabing-dagat na kinaroroonan ng nasabing baryo.

Ang mga nakilalang unang nanirahan dito ay ang pamilya nina Laureano Quicho, Catalino Mariano, Hilario Signio, Doroteo Mariano, Sinforoso Agustin, Andres Reyes, Agaton Quicho, Pascual Mariano, Fausto Signio, Alfonso David, Francisco Mariano, Camelo Agustin at Cayetano Sto. Domingo.

Si Lucio Angeles ang unang nanungkulang teniente del Barrio ng Camachile noong 1904. Sinundan siya nina: Cayetano Sto. Domingo (1913-1921); Victor Quezon (1922-1925); Domingo Quezon (1926-1932); Pedro Calano (1926-1932); Urbano Sto. Domingo (1933-1936); Domingo Quezon (1933-1936); Urbano Sto. Domingo (1937-1942); Maximo Isidro (1937-1942); Maximo Isidro (1943-1944); Pedro Quicho (1943-1944); Urbano Valenzuela (1945-1946); Maximo Isidro (1947-1950); Pedro Quicho (1947-1950); Nicanor Balan at Pablo Llamson (1951-1953).

Bago pa dumating ang mga Hapon sa bansa, ang Camachile ay naging isang kampong-sanayan ng mga nagnanais magsundalo. Pagkatapos bumagsak ng Bataan, ang kampo ay naging isang evacuation center. Doon ay lumaganap din ang mga nakakahawa at nakamamatay na sakit.

Noong Disyembre 21, 1944, sinunog ng mga Hapon ang buong baryo at saka dinakip ang may 87 katao na pinaghihinalaang kasapi sa gerilya. Sa garison sa Balanga na rin pinatay ang mga ito. Ito ang pinakamalaking dahilan kung bakit iniwan ng mga tao ang nasabing lugar. Nagbalik lamang ang mga tao sa Camachile pagkatapos ng giyera.

Santo Domingo

Ang pangalan ng baryo ay hinango sa pangalan ng isang santo, si “Santo Domingo de Guzman” na siyang nagtayo ng Dominican Order. Siya rin ang patron ng bayan ng Abucay. Sinasabing ang Santo Domingo ay naitatag bilang isang baryo ng Orion noong 1883. Dito unang nanirahan ang mga Pamilya Agustin, Trajano, Cruz, Canaria, Villegas, Romero at Bagtas.

Si Victoriano Agustin ang unang teniente del baryo ng Santo Domingo, na sinundan nina: Policarpio Agustin (1896-1904); Eugenio Trajano (1904-1907); Zacarias Trajano (1907-1919); Luis Fernandez (1919-1923); Feliciano Quicho (1923-1935); Pedro Mateo (1935-1947); Wenceslao Lonzon (1947-1951); Vicente Alvarado (1947-1951); Pablo Romero at Pedro dela Cruz (1951-1953).

Kabilang ang Santo Domingo na unang pinagtamnan ng tubo noong panahon ng mga Kastila. Katunayan, may dalawang “kabyawan“ (crude sugar mill) na itinayo sa baryo. Ito ay pag-aari nina Victoriano Rodriguez at Victor Trajano. Ang mga tagarito ay karaniwang magsasaka o mangingisda.

Isa ang Baryo Santo Domingo na nagkaroon ng pampublikong-paaralan. Ang mga nagturo dito ay sina Maestro Ado ng Balanga at Maestro Andres ng Calumpit, Bulacan.

Noong panahon ng mga Amerikano, isang taga-Silang, Cavite ang nagtayo dito ng isang “kono“ (rice mill). Isinara naman ang dalawang kabyawan dahil natigil na ang pagtatanim ng tubo. Tuloy pa rin ang libreng edukasyon sa baryo kahit pa ang naroong kapilya lamang ang ginagamit na paaralan. Para makatapos ng elementarya, ang mga bata ay nagpapatuloy ng pag-aaral sa Central, sa kabayanan ng Orion.

Dumanas din ng katakot-takot na hirap ang mga taga-baryo noong panahon ng Hapon. Tinaya na mahigit sa ikatlong parte ng kabuuang populasyon ng Santo Domingo ang naging biktima ng kaguluhan. Pagkatapos ng giyera ay nakatulong sa mga taga-baryo ang pondo na ipinamahagi ng American-Philippine War Damage Commission.

Capunitan

Ang “kapunitan” ay kasinghulugan ng salitang “kapiraso.” At dito hinango ang pangalan ng Baryo Capunitan. Ang baryo, batay sa pinagmulan nito, ay isang kapirasong lupa malapit sa kabayanan na ginawang isang pamayanan. Mula sa kapirasong lupa na ito ay naging isang regular na baryo ang Capunitan.

Itinatag ang Capunitan bilang isang regular na baryo noong 1875. Ang pamilya Magtanong at Arsega ang unang naglinis sa lupaing ito kung saan sila nanirahan. Ang mga pamilya Cruz, Isidro at Guzman ay sumunod na nanirahan dito.

Si Gregorio Isidro ang kinilalang unang teniente del baryo ng Capunitan. Siya ay sinundan nina Tiburcio Reyes, Marcos Pangilinan, Francisco Guzman, Pablo Suin, Gregorio Gabriel, Marcelo Guzman, Fausto Cruz at Pedro Madlangsakay. Kabilang ang mga taga-Capunitan sa pangkat ng mga maghihimagsik na nagpalaya sa Orion mula sa kamay ng mga Kastila noong 1898.

Noong panahon ng Hapon, karamihan sa mga taga-baryo ay lumikas papuntang Hagonoy, Bulakan, gayundin sa Pampanga, para makaiwas sa mga kaguluhan. Lahat ng mga nakatayong bahay sa baryo ay sinunog noong panahon ng digmaan. Halos kalahati naman ang naging biktima ng kalupitan ng mga kaaway.

Daan Pare

Ang Daan Pare ay isang baryo na matatagpuan sa gawing katimugan ng bayan ng Orion, malapit sa Pandam River. Ito ay dinaraanan ng panlalawigang lansangan patungo sa Limay. Ang “Daan Pare” ay wikang Tagalog na ang kahulugan sa wikang Inglis ay “path of the priest.” Hinango ito sa isang paring Kastila na noong matalaga sa simbahan ng Orion ay lagi nang nagtutungo sa lugar na ito para mangaso at mamaril ng mga ibon. Gamit niya ang isang sumpit na nagbubuga ng isang talim na nakakamamatay ng hayop.

Tinaya na ang Daan Pare ay naitatag bilang isang pamayanan noong 1819. Sinasabing isang sundalong Portuges na nagngangalang Domingo Pinto ang nanirahan hanggang mamatay dito.Idinagdag pa na si Domingo ay naging isang santo.

Madalas din umanong magtungo sa nasabing lugar si Major Manuel L. Quezon noong siya’y pinaghahanap pa ng mga sundalong Amerikano. Isang taga-Orion na nagngangalang “Boteng“ ang madalas niyang makasama sa Daan Pare.

Ang mga unang nanirahan sa Daan Pare ay ang mga pamilya nina Lorenzo Calma, Manuel Trajano, Hilario Cruz, Pantaleon Cruz, Alejo Agulto, Macario Agustin, Isidoro Cruz, Julian Lopez at Julian Mendoza.

Ang mga namuno sa baryo bilang mga tenyente del baryo ay sina Benito Lopez, Felimon Ramos, Fausto Agulto, Teodoro Lopez, Sinforoso Evangelista, Manuel Trajano at Delfin Baluyot magmula noong 1917 hanggang 1953.

Matagal na panahong kakaunti lamang ang nanirahan sa baryong ito dahil malayo ito ng bahagya sa bayan at maging sa karagatan, bukod pa sa totoong nakapadawag ng kapaligiran nito na hindi maaaring pagtamnan ng palay. Karaniwan nang mga punongkahoy ang itinatanim ng mga nanirahan dito noong araw. Ang mga karatig-lugar ng Daan Pare ay ang Puting Buhangin , Pulong Bato, Mantigbe (ngayo’y Santa Elena) at Pandam.

Sa Daan Pare itinatag ang isa sa pinakahuling “defense line“ ng mga sundalong USAFFE laban sa Japanese Army. Matapos malansag ang nasabing hanay ay agarang sinunog ng mga Hapon ang mga natitirang kabahayan sa baryo.

Ayon sa isang makabagong kuwento, ang lugar ay nabigyan lamang ng pangalan noong si Fr. Miguel Fuster ay natalagang pari sa Orion magmula noong 1829 hanggang 1846. Nagpagawa siya ng isang daan na naglagos sa nasabing lugar para kanyang magamit sa pagtungo sa Limay na noo’y bahagi pa ng Orion. Ginawa niya ito para matulungan din ang mga residente na dati-rati ay sumasakay pa ng bangka para lang makarating sa Limay magmula sa Orion.

Ang unang pangalan ng lugar ay sinasabing Barrio del Lorenzo Calma, ang taong unang nanirahan sa Daan Pare at naging kauna-unahang cabeza de barangay ng nasabing lugar. Ito ay kinilala bilang isang bagong baryo noong 1915. Sa lugar na ito tinambangan at napatay ng “Pangkat Dampulan,” sa pamumuno ni Tenyente Victor Baltazar, ang mga Kastilang kasadores noong Mayo 29, 1898.

Article Tags:
·
Article Categories:
Kuwentong Bataan

Comments are closed.

Shares