banner

Kwentong Bataan – Orion (Unang Bahagi)

Written by
  • 1 Bataan .
  • 7 years ago

Orion

Pinunong lokal

Noong panahon ng mga Kastila, ang Orion ay pinamahalaan ng mga naglingkod na gobernadorcillo na sa kalaunan ay tinawag na capitanes municipal, gaya nina: Damian Baluyut, Maximino Salaveria, Pedro Baluyut, Ceferino Baltasar, Procopio Rivera, Francisco Antonio at Vicente Rodriguez.

Ang mga naglingkod bilang “tenientes absoluto” ay sina: Pedro Hipolito, Mariano Angeles, Basilio Santos, Simeon Rodriguez, Francisco Urquisa, Pedro Hipolito, Esteban Dupungan, Nicasio Baluyut at Agapito Angeles.

Noong panahon ng mga Amerikano ay nanungkulan naman bilang “municipal president” o alkalde sina: Luis Baltasar, Simeon Rodriguez (2 terms), Mariano Angeles (2 terms), Francisco Calimbas, Francisco Urquisa, Donato Calimbas, Cipriano Tiambeng, Simeon Rodriguez, Perfecto Evangelista, Fausto Paguio, Manuel R. Santos (2 terms), Jose Baltazar, Valeriano Soriano, Agapito Rivera, Arsenio Joco (pre-war to post-war), Emiliano Navarro (PCAU) at Agustin I. Angeles.

Bahagi ng kasaysayan

Ang Pandam River ay matatagpuan sa gawing katimugan ng Orion, bago sumapit sa Baryo Daan Pare. Dito umano madalas maligo si Major Manuel L. Quezon noong siya’y pinaghahanap ng mga sundalong Amerikano sa kainitan ng Philippine-American War (1899-1901). Dito rin nagkuta noon ang mga rebeldeng kaanib ng Pangkat-Dampulan.

Matapos tuluyang bumabaw at dumumi ang dati’y kaakit-akit na San Vicente (Orion) River, ang Pandam River naman ang naging paboritong ilog-paliguan ng mga taga-Orion. Maraming mala-romantikong pangyayari ang nasaksihan ng ilog habang dito naliligo ang mga kadalagahan at kabinataan, mag-asawahan at ang kanilang mga anak.

Katipunero

Ang mga kabayanihan ng mga maghihimagsik ng Orion na lumaban sa mga Kastila ay pinanatiling buhay ng monumento na kung tawagin ay “Statue of the Unknown Soldiers” na matatagpuan sa harap ng gusaling pambarangay ng Baryo Wakas. Dito sinasabing nagkaroon ng madugong labanan sa pagitan ng mga kasadores at mga maghihimagsik na taga-Orion noong magsimula ang himagsikan sa Bataan (1898). Dito ay ipinanalo ng mga Pilipino ang kanilang pakikipaglaban sa mga dayuhan.

Francisco Baltazar

Ang lumang tahanan nina Francisco Baltazar at Doña Juana Tiambeng ay isang bahay na bato na nakatirik sa lugar na kung tawagin sa ngayon ay Baryo Arellano. Dito ginugol ni Baltazar, ang Pambansang Makata, ang mga masasaya at huling taon ng kanyang buhay. Ang naturang tahanan ay nasira noong panahon ng pananakop ng mga Hapon sa Orion. Nito na lamang 1995 tuluyang giniba ang mga natirang dinding na bato ng nasabing bahay.

Cayetano Arellano

Katulad ng kinauwian ng lumang tahanan ni Francisco Baltazar, ang tahanan ng unang Chief Justice ng Korte Suprema na si Cayetano Arellano ay dating nakatirik din sa Baryo Arellano, sa harap mismo ng munsipyo ng Orion. Ito ay yari sa bricks at adobe. Mga kaanak sa ina na lamang ang nanirahan dito matapos na tuluyang manirahan sa Maynila si Cayetano. Ang lumang bahay ay ganap ding nasalanta noong panahon ng Hapon at mga haligi at dinding na bato na lamang ang natira. Inalis na rin ang pangkasaysayang-palatandaan nito matapos na tuluyang gibain ang mga naiwang bakas ng nasabing bahay.

Daan Pare

Bago tuluyang mapasakamay ng mga Hapon ang Bataan ay nagkaroon muna ng madugong labanan sa Daan Pare, sa pagitan ng mga sundalong USAFFE at Japanese Army. Maraming buhay ang nalagas sa Daan Pare kung kaya’t ito’y tinaguriang isang “hallowed ground.”

Palengke ng Orion

Ang luma at tinibag na palengke ng Orion sa Baryo Lati ay isa ring makasaysayang lugar sa Orion. Dito naganap ang madugong labanan sa pagitan ng Japanese Army at American Liberation Forces noong Pebrero 1945. Ginamit ng mga Hapon ang San Vicente River at ang lumang palengke bilang kanlungan para mapigil nila ang paglusob ng mga sundalong Amerikano na naghahangad na mabawi ang buong Bataan. Maraming buhay ng mga Hapon ang naputi sa loob at labas ng palengkeng ito. Personal pa itong pinuntahan at binisita ni General Douglas MacArthur matapos ang labanan.

Simbahan ng Orion

Naging piping saksi ang Simbahan ni San Miguel Arkanghel sa madudugong labanan na naganap sa Orion noong 1941 hanggang 1945. Habang nananalakay ang mga Hapon ay ginamit ng mga sundalong USAFFE ang kampanaryo ng simbahan para alamin ang kinaroroonan ng mga kalaban sa dako ng lumang palengke ng Orion.

Nauna dito, paulit-ulit ding napinsala ang simbahan sa simula ng pananakop ng mga Hapones sa bayan ng Orion. Ang hukbo ni Heneral Vicente Lim ang nakipaglaban sa mga Hapon habang nagkakanlong sa kahabaan ng San Vicente River.

Glorieta

Naipatayo sa liwasang-bayan ng Orion ang isang glorieta sa panahon ng panunungkulan ni Mayor Valeriano Soriano. Dito noon ginanap ang mahahalagang okasyon na may kinalaman sa Orion. Dito nagpamalas ng kanilang galing sa pagtugtog ang mga banda ng musika na inaalkila ng mga taga-Orion kung kapistahan ng bayan.

Malaking sunog

Noong Mayo 6, 1892, ang buong kabayanan ng Orion ay nakaranas ng isang matinding sunog. Bukod-tanging ang mga tahanan lamang nina Teniente Mariano Angeles at Cabesang Aping Pangilinan ang hindi natupok ng apoy dahil ang mga ito ay parehong mga bahay na bato.

Walang nakapigil sa pagkalat ng sunog dahil lalo itong pinag-igting ng malakas na hangin na nanggaling sa dagat. Nagkataon pang karamihan ng mga kalalakihan sa bayan ay nasa dagat at nangingisda.

Pangkat-Dampulan

Noong 1896 ay itinatag ni Victor Baltazar, apo ni Francisco Baltazar, ang lihim na kilusan ng maghihimagsik sa Orion, Ang mga naunang sumapi sa samahan ay mga kabataan na una nang sinanay sa pakikipaglaban ni Urbano de Guzman. Ang mga maghihimagsik ay tinawag na Pangkat-Dampulan dahil na rin sa kanilang suot na pantalong “kundiman.”

Noong Mayo 29, 1898, ay nagsimula ang labanan sa Orion sa pagitan ng mga maghihimagsik at mga Kastila sa Orion. Bagama’t nauna ng kalahating araw ang mga taga-Balanga ay sinikap pa rin ng mga taga-Orion na makatupad sa binuong plano ng paghihimagsik sa Bataan.

Bilang panimula ay tinambangan ng Pangkat-Dampulan ang mga sundalong Kastila na pauwi na noon sa Orion magmula sa Limay. Matapos mabawi ang Orion ay nagtungo sina Baltazar sa Balanga, dala-dala ang dalawang paring Kastila na siyang ginamit para pasukuin ang mga Kastila na patuloy pa ring nakikipaglaban sa pangkat ni Heneral Domingo Alonzo sa kabisera. Matapos ang matagumpay na pag-aalsa ay nagbalik si Baltazar bilang isang bayani.

Caminong Putol

Pinasok ng American Cavalry, sa pangunguna nina Major Henry, Captain John Gouldman (naging unang gobernador ng Bataan noong 1901) ang bayan ng Orion noong bandang kalagitnaan ng 1899 para sa isang misyong-pangkapayapaan. Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, ang mga Amerikano ay tinambangan ng mga lokal na maghihimagsik na pinamumunuan nina Mendigoren, Masinag at Dimlas.

Naganap ang pananambang sa may bukana ng Baryo Santo Domingo, sa isang lugar na kung tawagin ay “Caminong Putol.” Hindi naging matagumpay ang pananambang sapagkat agad na nagsiatras ang mga Amerikano.

Hindi naglaon ay nagbalik ang mga Amerikano dala ang kanilang malalakas na armas. Kinatulong pa nila ang mga mersenaryong taga Macabebe, Pampanga, para madaling mapasok ang Santo Domingo. Ngunit wala na roon ang mga maghihimagsik na kalahok sa pananambang. Bilang ganti ay sinunog ng mga Amerikano at Macabebe ang mga bahay sa buong baryo. Ang mga Macabebe ay partikular na itinuro na naghasik ng mga karagdagang kalupitan at pag-aabuso sa mga taga-baryo.

Unang halalan

Ang unang halalan sa Orion sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano ay naganap noong 1901. Ang halalan ay ginawa sa liwasang-bayan. Ang paraan na ginamit ay ang pagtataas lamang ng kamay (by acclamation). Si Luis Baltazar ang unang tinanghal na punongbayan ng Orion sa panahon ng mga Amerikano.

Trahedya

Isang matinding trahedya ang naranasan ng mga taga-Orion noong panahon ng giyera. Habang nagaganap ang matitinding labanan sa iba’t ibang panig ng Bataan, ang mga kabahayan sa buong Orion ay nilamon ng apoy. Ang mga residente ay umakyat din ng mga bundok at nanirahan sa mga refugee camp gaya sa Daan Pare at sa Ilog-Mamala.

May ilan namang tumawid ng dagat at nagtungo sa Hagonoy, Consuelo at iba pang karatig-bayan sa Pampanga at Bulakan para makaiwas sa matinding sakuna dala ng madugong labanang nagaganap sa Bataan. Bagama’t nakaiwas sa putukan, maraming mamamayan din ang naging biktima ng matinding kagutuman at iba’t ibang uri ng karamdaman gaya ng malaria at disenterya.

Noong Pebrero 1945, marami ding taga-Orion ang nasalanta matapos na magsagawa ng isang “banzai counter-attack” ang mga Hapon laban sa mga American Liberation Forces sa mismong palengke ng nasabing bayan. Sa kabuuan, ang giyerang tumagal magmula 1941 hanggang 1945 ay naging dahilan ng pagkasawi ng kulang-kulang kalahati ng kabuuang populasyon ng Orion.

Baryo Bantan

Ang pangalan ng Baryo Bantan ay hinango sa salitang “bantayan,” isang lugar kung saan ay madaling makikita ang pagdating ng sinumang pangkat ng kaibigan o kaaway. Nakilala ang mga unang taong nanirahan dito na kinabibilangan nina Agaton Sangalang, Maria Cruz, Sotero Solomon, “Cabesang“ Bartolo Lopez, Herman Cruz, “Cabesang“ Dionisio Enriquez, Juan Bautista at “Cabesang“ Nanding.

Nanungkulan bilang unang cabeza del barrio ng Bantan, Orion si Sotero Solomon magmula 1894 hanggang 1895. Sinundan siya nina Herman Cruz (1895-1896); Bartolome Lopez (1896-1897); Dionisio Enriquez (1897-1898); Pedro Rodriguez (1898-1899); Rufino Vitangcol (1899-1908); Lorenzo Reyes (1908-1912); Lorenzo de Jesus (1912-1916); Lazaro Reyes (1916-1920); Domingo Lopez (1920-1924); Mariano Reyes (1924-1928); Vicente Loreto (1928-1932); Adriano Sangalang (1932-1936); Wenceslao Luna (1936-1940); Francisco Sto. Domingo (1940-1944); Eusebio Hernandez (1944-1948); Antero Dizon (1948-1952); at Epifanio Vitangcol (1952 hanggang 1953).

Ang kapilya sa baryo ay dalawang beses na nasunog noong magsimula at magtapos ang giyera. Noong una ay tupok-na-tupok ito. Sa ikalawang pagkakataon ay ang bahaging kinaroroonan ng altar lamang ang natira.

Ang unang lugar na pinagtayuan ng paaralan sa baryo ay maliit lamang. Dahil sa paglaki ng populasyon ng mga kabataan sa Bantan ay kinailangang ilipat ito ng lugar. Ang unang puwesto ay ipinagbili, kasama ang naroong mga gusali. Ang bagong paaralan ay matatagpuan sa katimugang bahagi ng baryo, sa gitna ng isang malawak na kabukiran ngunit tabing-tabi ng daang nasyonal.

May karugtong

Article Tags:
·
Article Categories:
Kuwentong Bataan

Comments are closed.

Shares