HERMOSA, Bataan – Dalawang residente sa bayang ito ang kamakailan ay nahuli umanong nagtatapon ng saku-sakong basura sa hindi tamang lugar.
Ito ang iniulat ni LGU- Hermosa Municipal Administrator Atty. Ariel Inton.
Ayon sa dokumentong ipinakita ni Atty. Inton sa media, sinampahan ng kaso sina Francisco Ronquillo ng Barangay Balsik at Neal Santos ng Barangay A. Rivera dahil sa paglabag sa Section 48, Paragraph 1 ng Republic Act 9003 sa Metropolitan Trial Court ng Dinalupihan at Hermosa, Bataan.
“Nahaharap ang mga ito sa parusang pagmulta mula P300 to P1000 o community service mula isa hanggang 15 araw, o parehong ipapataw ang multa at community service na parusa,” dagdag pa ng opisyal.
Ayon pa kay Atty. Inton, ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 – ay isang napakahalagang batas na kailangan maipatupad ng todo para sa pangangalaga ng kalikasan.
“Sa bayan ng Hermosa sa Bataan, seryosong pinatutupad ang batas na ito tungkol sa maayos na pag-manage ng solid waste dahil nga isa ito sa itinuturong sanhi ng pagbaha at paglubog ng 20 sa 23 barangay sa Hermosa,” dagdag pa ni Inton.
May mga lumabas na ulat, ani Inton, na ang walang pakundangang pagtatapon ng basura kung saan-saan lang ay isa sa mga sanhi ng baha.
Kaugnay nito bilang paalaala sa mga taga Hermosa, pinaigting ni Mayor Jopet Inton ang kampanya tungkol sa solid waste management.
“Kamakailan ay nag-anunsyo na si Mayor Jopet Inton na magbibigay siya ng reward money sa mga informants na makakapagbigay impormasyon sa mga taong lumalabag sa batas na ito,” ayon kay Atty. Inton.
Dagdag pa ni Inton patunay dito ang aniya’y dalawang taong nasampolan na nahuling nagtapon sa isang barangay ng saku-sakong basura.
Ipinanawagan din ni Atty. Inton na dapat nang isulong ng mga mambabatas ang pag amyenda sa batas upang ipataw rin sa mga mahahatulan sa paglabag ang parusang pagkakulong upang mas mabigat ang pagdudusahan ng mga walang malasakit sa kalikasan at sa bayan.
“Ang tagumpay ng kampanya ay magdudulot hindi lang ng malinis na kapaligiran at disiplina sa mamamayan kundi ang kaligtasan ng lahat laban sa mga pagbaha,” sinabi pa ni Atty. Inton.
Sa bayan ding ito matatagpuan ang Hermosa Sanitary Landfill Facility sa Barangay Mambog na siyang kauna-unahang engineered sanitary landfill sa lalawigan na ino-operate ng Econest Waste Management Corporation.
Mahigpit na ipinapatupad sa sanitary landfill na ito ang tama o proper waste segregation scheme o paghiwalay sa mga nabubulok at hindi nabubulok na mga basura at hindi pinahihinulutang magtapon ang mga kliyente nito ng “mixed wastes” o halu-halong basura.