LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Dahil sa sunud-sunod na pagtatayo ng mga negosyo at establisimiyento, mabilis ang paglago ng ekonomiya, na talaga namang pinaghandaan ng Lungsod na ito.
“Matagal naming pinag-ukulan ng panahon ang pagpaplano kung saang lugar itatayo ang mga food chains, restaurants, subdivisions, academic institutions, sports center at iba pa. Maging ang malalaking gusali tulad ng mga mall ay pinag-aralan din”. Ito ang sinabi ni City Mayor Jose Enrique Garcia lll.
Tinitingnan din ang paglalagay ng iba’t ibang estraktura sa loob at labas ng siyudad, kasama umano sa mga kinunsulta sa pagpaplano ay ang Palafox Associates, isang multi-disciplinary firm na ang main expertise ay sa Architecture, Urban Planning, Town Planning, Site Planning, Engineering, Interior Design, Project Development Studies at Environmental Design.
“Masyado nang congested tayo ngayon sa down town, ang inaabangan namin ay ang nakaambang development outside Balanga kaya malaki ang pagbabago sa landscape ng Lungsod” ayon kay Mayor Garcia.
Ipinahayag pa ng Alkalde na tunay na mapapabilis ang kaunlaran sa labas ng siyudad dahil sa pagtatayo ng mga housing projects gaya ng Camella Homes at Star Mall along the Roman Highway, idagdag pa rito ang pagbubukas ng GenPact (BPO industry). Kaya inaasahang magiging abala sa trapiko ang naturang highway dahil nariyan ang job opportunity.
Magkaroon din umano ng iba’t ibang pasilidad, at magtatayo ng mga gusali na sa pangkalahatan ay isang malaking tulong sa ekonomiya. “Ang hanap natin dito ay ang balanseng kabuhayan”, huling pahayag ni City Mayor Joet Garcia na sa susunod na taon ay Kongresista na dahil bukod sa kanya ay wala nang ibang nag file ng certificate of candidacy sa pagka kinatawan sa ikalawang distrito ng Bataan.