banner

Mahabang prusisyon ng Itim na Nazareno sa Bataan

Written by
  • Ernie E.
  • 9 years ago

 BALANGA City, Bataan- Isang mahabang prusisyon ang ginanap bilang parangal sa  Itim na Nazareno simula alas-6 ng gabi nitong Huwebes matapos ang isang Misa na dinaluhan ng maraming deboto sa St. Joseph Cathedral sa Balanga City.

Ayon kay Jimmy Mangalindan, may-ari ng replika ng Itim na Nazareno, ipinagdiriwang din sa Bataan ang kapistahan ng Poon. Ito, aniya, ay nasa ikalimang taon na at ipinagdarasal nila ang bansa, ang Bataan upang makaiwas sa mga kalamidad.

“Ginagawa rin dito ang ginagawa sa Quiapo,” sabi ni Mangalindan. 

Hindi pa tapos ang Misa at nasa bahagi pa lamang ng Communion ay hindi na nakapagpigil ang ilang deboto at nagpahid na ng panyo o tuwalyita at humaplos na sa Imahen ng Poon na nasa harap ng altar. 

Dahilan upang makiusap ang isang tao ng Simbahan na hintayin na munang matapos ang Misa.

Matapos ang Banal na Misa na nagsimula ng alas-5 ng hapon, dumagsa ang maraming deboto upang makalapit sa Poon bago ito pasanin at isakay sa isang karo na napapalibutan ng mga bulaklak.

Sinimulan ang prusisyon malapit sa Plaza Mayor de Balanga na katapat lamang ng katedral. Nakasindi ang mga naggagandahang dekorasyong Pamasko sa plaza at sa mga kalapit na malalaking gusali.

Habang hinihila ang karong kinalululanan ng Itim na Nazareno, may mga debotong nagbabato ng panyo o tuwalyita na ipinapahid naman sa Poon at ibinabalik sa naghagis. 

Bagama’t maraming tao, walang tulakan at maayos ang prusisyon. 

Article Tags:
·
Article Categories:
News

Comments are closed.

Shares