Maliliit na negosyante, sinuportahan ni Mayor Macalinao

Pinangunahan ni Mayor Aida Macalinao ng Samal ang pamamahagi ng panimulang puhunan na nagkakahalaga ng tig limang libong piso (P5,000) sa animnapu’t-limang (65) Samaleño, kaugnay ng proyekto ng Department of Trade and Industry (DTI) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO)

Hinamon ni Mayor Macalinao ang mga negosyante na pagsumikapan ang pag angat sa buhay sa pamamagitan ng pagsisimula ng maliit na negosyo sa tulong ng DTI para makaahon sa kahirapan.
Sinabi pa ni Macalinao na bilang isa ring negosyante, mahalaga ang sikap at tiyaga ng bawat mamumuhunan na kanilang maging sandata sa pagsisimula ng negosyo. Marami na umanong umunlad na negosyante na nagsimula sa maliit na kapital.

Matatandaang inilunsad ng DTI sa pangunguna ni Provincial Director Nelin Cabahug ang programang Negosyo sa Barangay kung saan ibinaba ng DTI
ang programang Go Negosyo sa barangay level at doon ay pumili sila ng 5th class municipality at 3 barangay sa bayan ng Samal, ang mga barangay ng Imelda, Palili at Gugo, ang napabilang sa programang ito.

Sinabi pa ni PD Cabahug na isang seminar, “How to start a small business” ang kanilang sinimulang idaos sa mga napiling potensyal na mga negosyante sa Samal para magkaroon ng kaalaman sa pagsisimula ng kanilang napiling negosyo sa kani-kanilang mga barangay. Katulong din umano nila ang iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng TESDA, DOLE, Landbank
at iba pa sa nasabing proyekto.