Mandamus ni dating Bataan Governor at Congressman Tet Garcia, kinatigan ng Korte Suprema

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Kinatigan ng Korte Suprema ang mandamus ng dating Bataan Congressman Enrique “Tet” Garcia Jr. o ang kanyang petisyon upang ma-obliga ang Malacañang na ibigay ang tamang share sa Internal Revenue Allotment (IRA) ng mga lokal na pamahalaan.

Agosto ng taong 2013 nang ihain ng namayapang Garcia ang kanyang petition for mandamus kaya’t hinihimok niya ang korte na maglabas na ng kanilang desisyon.

Hinihiling ni Garcia sa kanyang petisyon na utusan ng Korte Suprema ang Malacañang na ibigay ang tamang share ng IRA sa mga Local Government Units.

Ayon sa kongresista, aabot sa 1-trillion pesos na IRA ang hindi naibigay ng national government sa mga lokal na pamahalaan.

Mula 1995 pa umano ay hindi na natatanggap ng LGUs ang kanilang tamang share sa IRA.

Sa Central Luzon lamang ayon kay Garcia, mahigit 87-billion pesos ang kakulangan sa IRA mula 2009 hanggang 2014.

Hiniling din ng kongresista na madeklarang unconstitutional o hindi naaayon sa Saligang Batas ang section 284 ng Local Government Code.

Nakasaad sa naturang probisyon na bibigyan ng bahagi sa national internal revenue taxes ang mga LGU.

Iba umano ito sa itinatadhana ng konstitusyon na national taxes.

Sa kasalukuyan, nililimitahan ang national taxes sa mga buwis na nakolekta ng BIR at ang value added at excess taxes na kinokolekta ng Bureau of Customs.

Ayon pa kay Garcia kasama dito ang customs duties na ayon sa kanya ay dapat may bahagi rin ang mga lokal na pamahalaan o LGUs.

Taong 2016 nang pumanaw si Garcia matapos ang local elections kung saan nahalal ito bilang Bise Gobernador ng Bataan.