Mariveles, muling tumanggap ng Green Banner Seal of Compliance

Muling kinilala ang Bayan ng Mariveles matapos nitong tanggapin ang Provincial Green Banner Seal of Compliance for Nutrition Program mula sa National Nutrition Council – Central Luzon.

 

Ayon kay Mariveles Mayor AJ Concepcion, ang parangal ay ibinibigay sa mga lokal na pamahalaang matagumpay na nakapagtatala ng mataas na antas ng pagpapatupad ng mga programa sa nutrisyon at patuloy na nakapagpapakita ng progresibong datos sa kalusugan.

 

Kinilala rin si Municipal Nutrition Action Officer Ma. Thea R. Dondonayos bilang Regional Outstanding Municipal Nutrition Action Officer – 2nd Runner-Up sa rehiyon. Ang nasabing pagkilala ay iginagawad sa mga opisyal na nagpamalas ng mahusay na pamumuno at epektibong pagpapatupad ng mga interbensyon para sa wastong nutrisyon sa kanilang nasasakupan.

 

Ayon sa lokal na pamahalaan, ang mga natamong karangalang ito ay patunay ng sama-samang pagsisikap ng iba’t ibang sektor upang mapabuti ang kalusugan ng mga residente, lalo na ang mga kabataan. Bahagi ito ng patuloy na programa ng munisipyo para mabawasan ang malnutrisyon at mapalakas ang kampanya para sa mas malusog na Mariveles.

Leave a comment