LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Mahigpit na hiniling ni Bataan PNP Director P/Sr. Supt. Flynn Dongbo sa Media na lalo pang paigtingin ang pakikipagtulungan sa kapulisan lalo na sa paghahatid ng impormasyon hinggil sa mga taong nagbabalak magsagawa ng mga iligal na gawain sa buong lalawigan ng Bataan.
Ito ang pahayag ni P/Sr. Supt. Dongbo sa kauna-unahang presscon “Ugnayan ng Kapulisan at ng Mamamahayag” na idinaos kahapon sa loob ng Camp Tolentino, sa Lungsod na ito.
Sa kanyang ulat, sinabi ni P/Sr. Supt. Flynn Dongbo na patuloy pa rin ang kanilang programa hinggil sa pagsugpo ng mga iligal na gawain sa buong lalawigan ng Bataan. “Patuloy pa rin ang paglalagay natin ng mga check points sa iba’t ibang lugar sa labing-isang bayan at lungsod upang mapangalagaan ang kaligtasan ng ating mga kababayan laban sa ano mang uri ng karahasan” ani P/Sr.Supt. Dongbo.
Mahigpit pa ring tinututukan ng mga kapulisan ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal drugs, illegal logging at illegal fishing. Kaugnay nito, hindi sila umano tumitigil sa pag-iisip ng paraan kung paano matutukoy ng PNP ang pinagmumulan ng mga drogang naipupuslit at ibinebenta ng mga drug pushers sa lalawigan.
Ipinahayag din ni Dongbo na ang ratio ng kapulisan sa Bataan ay 1:1,100 kaya naman kailangan ng pulisya ang tulong ng mga mamamayan, lalo na ang mga mamamahayag.