PILAR, Bataan- Isang napakagandang Pamaskong dekorasyon ang inilawan Miyerkules ng gabi sa barangay Nagwaling sa bayang ito na nabuo sa maliit na gastos lamang dahil sa tulungan ng maraming residente.
Sa gilid ng national road, kapansin-pansin ang dekorasyon na may sari-saring kulay at hugis ng mga Christmas tree, parol at sa gitna ay isang belen. “Wala kaming gastos kundi sa mga Christmas lights lamang. Ang mga materyales ay pawang recycled at bigay ng aming mga ka-barangay matapos akong mag-announce at pakiusapan sila na kailangan namin ang anomang pwedeng isabit at gawing palamuti sa dekorasyon,” sabi ni Nagwaling barangay Kapitan Carlito Jaraba.
Nais umano ni Mayor Alice Pizarro at dating Mayor Charlie Pizarro na madama ng mamamayan ng Pilar ang tunay na kahulugan ng diwa ng Pasko kaya nagsagawa ng paligsahan para sa pinakamaganda at pinakamakabuluhang Christmas decoration na gawa sa recycled materials sa lahat ng barangay.
Tila iisang tao, aniyang, kumilos ang buong barangay at nag-ambag hindi ng pera kundi ng anomang lumang gamit para mabuo ang magandang Pamaskong dekorasyon. Sinabi ng kapitan na malaking bahagi ng Christmas decoration ay gawa sa kugon, walis-walisan, siit, plastik na botelya ng softdrink at pinagdikit-dikit na kahoy. Ang belen, aniya, ay gawa sa lumang lona na pinagbibilaran ng palay.
Ang mga pinaggamitang CD at pati mga tansan ay nagsilbing magandang palamuti. Tuwang-tuwa naman ang designer na si Pepito Jasper Almazan at barangay Treasurer Boogie Dizon sa ipinakitang bayanihan ng mga residente na nagpagaan sa kanilang gawain.