banner

MPOWER training para sa epektibong implementasyon ng Bataan Smoke-Free ordinance, idinaos

Written by
  • Nerlie L.
  • 8 years ago

Ayon kay Dr. Rosanna Buccahan, PHO chief, layunin ng nasabing training/seminar na isinagawa noong Setyembre 10-12, 2014 na maunawaan ng bawat kalahok ang konsepto ng tobacco control at ang tugon ng government institutions ukol dito sa pamamagitan ng pagpapatupad sa Framework Convention on Tobacco Control (FCTC) ng World Health Organization (WHO) at maging pamilyar sa MPOWER (Monitor Tobacco Use and Prevention Policies, Protect people from the effects of smoking, Offer help to quit tobacco use, Warn about the dangers of tobacco, Enforce bans on tobacco advertising, promoting and sponsorship and Raise taxes on tobacco) strategy at mga dapat tugunan na  may kaugnayan sa DOH Red Orchid Awards system.

Isa-isa namang ipinaliwanag ni Rommel Arriola, project officer ng Framework Convention on Tobacco Control Alliance Philippines (FCAP), ang mahahalagang probisyon ng Provincial Ordinance No. 01-2013 o Bataan Smoke-Free Ordinance partikular na ang Section 5 o prohibited acts kung saan ay mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo, pagbebenta at pag-a-advertise ng tobacco products at ang sinumang lalabag dito ay pagmumultahin ng mula P500 – P2,000 para sa first offense at P2,500-P5,000 para sa third offense o pagkakakulong ng hindi lalagpas sa isang taon o pareho depende sa hatol sa korte.

Tinalakay din ang magiging papel ng bawat kasapi ng Provincial Smoke-Free Task Force na binuo sa pamamagitan ng Executive Order No. 49-2013 na ipinalabas ni Bataan Gov. Albert Garcia na  chairman din ng nasabing task force para makatuwang sa epektibong implementasyon at monitoring ng nabanggit na ordinansa.

Una nang sinabi ni Gov. Garcia na patuloy na tataas ang mga kaso ng smoke-related deaths kung hindi gagawa ng seryosong hakbang ang pamahalaan para makontrol ang pagkalat ng paggamit ng tabako kung saan lumitaw sa pagtaya ng WHO na sampung (10) pinoy ang namamatay kada oras dahil sa paninigarilyo.

Binanggit naman ni Dr. Maila Rostrata, ng DOH Region 3, na umaabot sa 17 katao ang maagang nasasawi kada minuto sa buong mundo bunsod ng preventable non-communicable disease tulad ng cardio-vascular disease, diabetes, cancer at chronic respiratory disease.

“Dahil sa paninigarilyo, namamayagpag na ang non-communicable disease. Grabe na rin kasi ang urbanisasyon kung saan ang mga bundok ay ginagawang subdibisyon at pati mga bata ay naninigarilyo na,”  ani pa Rostrata.

Anya, hindi na rin sakit ng mga mayayaman ang cancer, diabetes at sakit sa puso dahil maging ang mga tinatawag na “poorest of the poor” ay tinatamaan na rin ng nasabing karamdaman bunsod ng paninigarilyo. “The poor smoke more than the rich. In ASEAN, the lowest quintile (poorest of the poor) of the population suffer more deaths due to smoking,” dagdag pa nito.

Samantala, naging bahagi rin ng matagumpay na MPOWER Training ng PHO, sina Atty. Benedict Benigno Aquino ng Civil Service Commission (CSC), Rossyle Ayuro ng FCAP at  Shiela Zabala, Tobacco Control Coordinator ng Balanga City Health Office.

Article Tags:
·
Article Categories:
News

Comments are closed.

Shares