
LUNGSOD NG BALANGA, Bataan, Enero 16 (PIA) – Iba’t ibang kampanya kontra iligal na droga, pangingisda at highway robbery ang inilarga ng Philippine National Police (PNP)-Bataan sa huling quarter ng 2013 na nagresulta sa mapayapang pagtatapos ng taon.
Batay sa 4th quarter accomplishment report ng tanggapan, 58 positibong drug operations ang inilunsad ng PNP-Bataan mula Oktubre hanggang Disyembre na nagbunga sa pagsasampa ng kaso laban sa 81 arestadong suspek.
Sa tatlong buwang ito, halos 30,000 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu at tinatayang 90,000 gramo ng dried marijuana leaves ang nakumpiska ng kapulisan.
Ito ay bunsod ng masusing campaign against illegal drugs sa pangunguna ni PNP-Bataan Director PSSupt. Audie De Mesa Atienza katuwang sina Deputy Police Director for Operations PSupt. Fernando Rivera at Deputy Police Director for Administration PSupt. Art Salida.
Sa kampanya kontra iligal na pangingisda, limang operasyon ang inilunsad sa huling quarter ng taon na nagresulta sa pagkakahuli ng 17 tao na lumabag sa Republic Act 8550 o ang Philippine Fisheries Code. May 150 kilo ng iligal na huling mga isda at anim na bangka ang nasabat sa tulong ng Provincial Anti-Illegal Fishing Task Group.
Ayon pa sa 4th Quarter report, madaling nasawata ang mga plano ng highway robbery at hi-jacking dahil sa pagtatalaga ng 4,836 checkpoint operations sa mga pangunahing kalsada ng Bataan.
“Nananatiling payapa sa pangkalahatan ang lalawigan ng Bataan kumpara sa ibang probinsya,” ani PSupt. Felix Castro, bagong talagang hepe ng Police Community Relations ng PNP-Bataan.
“Maigting pa rin ang seguridad ng PNP at ligtas ang mamamayan sa ginagawa naming mga operasyon. Ngayong taon, ipagpapatuloy natin ang mga programang ito para tiyakin ang kaligtasan ng lahat,” dagdag ni Castro sa isang panayam sa programang Balitang Bataan sa Poweradio 104.7 fm kahapon nang umaga.