banner

Bagyong “Glenda” napaghandaan

Written by
  • Nerlie L.
  • 8 years ago

BAGAC, Bataan —   Natuto na umano sa mga nakaraang kalamidad tulad ng bagyong “Yolanda”  ang mga residente  at opisyal ng bayan ng Bagac kaya mahigpit na nagbantay at naghanda ang mga ito kung kaya’t walang nasaktan dito habang hinahagupit ng bagyong “Glenda.”

Ayon kay Bagac town Mayor Ramil del Rosario, iba na ang nakahanda kapag mayroong kalamidad para maging mabilis ang kanilang pagresponde sa anumang kaganapan o epektong posibleng idulot ng bagyong “Glenda” kung saan ang mata nito ay nagdaan sa kanilang bayan noong Huwebes.

“Nakapaghanda na kami, 3 days before as per directive of Gov. Abet Garcia. Tinutukan din namin ang high tide na posibleng mangyari ng 12 noon noong July 16 na aabot ng 2.5 to 3 meters, buti na lang galing sa silangan ang bagyo, kasi ang nakakatakot sa amin ýung habagat,” ani Del Rosario sa panayam ng mga lokal na mamamahayag kamakailan.

“Natuto na rin kasi kami sa nakaraan lalo na ýung matinding epekto ng super typhoon Yolanda, ayaw ko nang mangyari sa mga kababayan ko iyon. Iba na talaga  ýung nakahanda,” sambit pa ng alkalde.

Anya, dalawang araw na ring walang suplay ng kuryente sa kanilang bayan at wala ring tubig na nagpadagdag hirap sa kanyang mga kababayan.

“Kahit walang kuryente at walang tubig sa amin, basta ang importante walang nasaktan sa amin,” dagdag pa nito.

Ayon sa alkalde, tatlong coastal barangays na kinabibilangan ng Paysawan, Quinawan at Binuangan ang isolated sa kanila dahil wala silang komunikasyon dito bukod pa sa mapupuntahan lamang ito sa pamamagitan ng motor boat o kayaý 4×4 na sasakyan.

Gayunpaman, hindi rin ito naging problema sa kanila habang binabayo ng bagyong “Glenda” ang kanilang lugar dahil nakahanda ang local government unit katuwang ang mga opisyal ng barangay at pulisya.

Article Tags:
·
Article Categories:
Environment

Comments are closed.

Shares