banner

7 cooperators, nakinabang sa P6.1-M SSF’s project ng DTI-Bataan

Written by
  • Nerlie L.
  • 8 years ago

   LUNGSOD ng BALANGA, Bataan –  Umaabot na sa mahigit P6.1milyong halaga ng Shared Service Facilities (SSFs) ang naipamahagi na ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pitong cooperators o small and medium entrepreneurs (SME’s) sa iba’t ibang lugar sa lalawigan ngayong taon.

  Sa ginanap na Kapihan sa DTI,  sinabi ni DTI-Bataan Officer-in-Charge Nelin Cabahug, pinakahuli sa kanilang nabigyan ng SSF’s ay ang Capitangan Organic Farmers Marketing Cooperative (COFMACO) sa bayan ng Abucay na tumanggap ng 7-in-1 multi-purpose grinder, pellet machine at mixing machine na umaabot sa P594,000. Hangad ng DTI na mapalago pa ng nasabing kooperatiba ang produksyon ng kanilang organic fertilizer.

   Ayon kay Cabahug, ang SSF ay isang proyekto ng DTI upang tulungan ang mga maliliit na negosyante at kooperatiba  sa probinsya na mapahusay ang kanilang mga produkto at dumami ang kanilang produksyon upang lumaki ang kanilang kita sa pamamagitan ng production equipment na ipapahiram sa mga ito sa loob ng anim na taon.

   Bukod sa COFMACO, pinagkalooban din ng DTI ang Samaleño Organiko Producers’ Coop (SOPCO) sa Brgy. Gugo, Samal ng 7-in-1 grinding machine para rin sa organic fertilizer na nagkakahalaga ng P336,000.

   Umaasa rin ang DTI na higit pang lalago ang benta at kita ng Mariveles Bag Makers sa kanilang tinanggap na Computerized Embroidery Machineries na nagkakahalagang P1.558 milyon kung saan inaasahang marami rin ang mabibigyan ng trabaho.

  Kabilang din sa mga SME’s o kooperatiba na napagkalooban ng production equipment sa ilalim ng DTI- SSF project ay ang Tala Orani Multi-purpose Coop (TOMCO) na tumanggap ng coffee processing machines na umaabot sa P1.056-M; Bataan Chamber of Commerce and Industry (BACCII) na tumanggap naman ng isang set ng food processing and packaging equipment na umaabot sa P1.6 milyon; Samahan ng Kababaihan ng Aytas ng Kinaragan (SKAK) sa bayan ng  Limay na tumanggap naman ng equipment and tools for food processing of fruits and root crops na umaabot sa P650,000; at ang Pilar Rural Improvement Club (RIC) na tumanggap naman ng roasting machine para sa produksyon ng peanut butter at banana chips na umaabot sa P336,000.

   Maliban sa mga nabanggit na SSF projects, marami pang cooperators o SME’s ang inaasahang makikinabang sa nasabing proyekto na kinabibilangan ng Morong Multi-purpose Cooperative (MMPC) sa Brgy. Poblacion, Morong; MASAGKA-CBFM sa Brgy. Banawang, Bagac; Alangan Farmers Producers Association sa Brgy. Alangan, Limay; Kaliwanag RIC sa bayan ng Samal; Alion SEA-K Association sa bayan ng Mariveles; Tanato MPC sa Balanga City at KABAKA-Samal chapter sa Brgy. Tabing-ilog, Samal.

Article Tags:
·
Article Categories:
Business · News

Comments are closed.

Shares