Organikong pataba, isinusulong sa Balanga City

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Mahigit sa 30 magsasaka mula sa mga barangay ng Cupang West, Cupang Proper, Tanato at Dangcol ang nakinabang sa isang araw na Training on Organic Rice na isinagawa sa Balboa’s Farm Sitio Maluang Cupang Proper nitong Miyerkoles, ika-29 ng Mayo.
Ayon kay Louie Rodis, Agriculturist ll Provincial Organic Agriculture focal person na lubha umanong napakahirap sa isang magsasaka ang hindi paggamit ng kemikal o pestiside sa kanyang palayan, kaya naman ipinakikilala nila ngayon ang makabagong teknolohiya hinggil sa paggamit ng mga abono gamit ang organic material para gumanda ang kanilang ani.
Sa kasalukuyan mayroon nang gumagamit ng organikong pataba sa kanyang palayan. Si Grace Dy Jongco, isang magsasaka ay nag-eksperimento na gumawa ng organic na pataba na halos ng lahat ng gamit ay galing sa kanyang bakuran.

Ayon kay Dy Jongco sa simula naglagay muna siya ng kalahating fertilizer at kalahating compost bilang pataba sa kanyang bukirin dahilan para umani ng 40 kaban ng palay sa isang balitang pero nang ginawa niyang muli ang sistemang iyon na gamit ang organikong pataba ay umani siya ng mahigit na sa 70 kaban.
Kaya naman masidhi ang City Agriculture Office sa pamumuno ni Ms. Nerissa Mateo sa tulong nina Ronnie Lopez, City Agriculture Supervisor at Jimmy Sombilla, City Agriculture Organic focal person na ilunsad ang Organic Rice sa lahat ng magsasaka sa Lungsod ng Balanga.
Ang training ay inilunsad ng Department of Agriculture RFO-3 Science Research Specialist ll sa pangunguna nina Ms. Rosemarie Q. Joson at Thelma Lingat.