Ipinamahagi ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang kabuuang P158.9 milyong revenue share sa walong lokal na pamahalaang nakasasakop sa Subic Bay Freeport para sa ikalawang bahagi ng 2025. Ang pondo ay bahagi ng 5% buwis na kinokolekta mula sa mga negosyo sa loob ng Freeport at inilalaan sa mga karatig na LGU.
Pinakamalaking bahagi ang napunta sa Olongapo City na tumanggap ng P36.72 milyon, kasunod ang bayan ng Subic na may P23.95 milyon. Tumanggap din ng P19.14 milyon ang San Marcelino, P13.5 milyon ang San Antonio at P14.44 milyon ang Castillejos. Sa Bataan, nakakuha ang Dinalupihan ng P19.99 milyon, Hermosa ng P17.06 milyon at Morong ng P14.09 milyon.
Ayon kay Eduardo Jose Alinio, ang hatian ay ibinatay sa 50% populasyon, 25% lawak ng lupa at 25% equal sharing. Maaari umanong gamitin ng mga LGU ang kanilang bahagi para sa mga programang pangkalusugan, disaster response, peace and order, edukasyon, imprastraktura at iba pang serbisyong panlipunan.