P3 milyon, natanggap ng City Agriculture Office

BALANGA CITY, Bataan – Natanggap na noong isang linggo ng City Agriculture Office ang P2 milyong pisong premyo sa First 100 Municipality/ City Boat Registration Project at P1 milyon sa Malinis, Masaganang Karagatan  na  ilan sa mga programa ng Department of Agriculture at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ang tropeyo at cash na P1 Milyon ay inabot ni BFAR Region 3 Director Wilfredo Cruz, habang ang tropeyo at P2 Milyon ay inabot kina Mateo at Calinad ni Secretary Emmanuel Pinol ng Department Agriculture.

Ayon kay Bb. Gaudelia Calinad, Senior Aquaculturist masayang masaya ang mga kawani ng City Agriculture Office sa pamumuno ni Bb. Nerissa Mateo at si Balanga City Mayor Francis Garcia dahil may mga gamit sa paggawa ng tinapa, tuyo, at bangka nang maipamimigay sa mga mangingisda.

Sinabi ni Calinad ang nasabing premyo ay ipinambili ng 12 patrol boats, 23 marine engine, 204 styro box, 350 strainer, 79 gill net, at 350 banyera para ipamahagi sa mga mangingisda at mga nagpoproseso ng isda.

Ang mga patrol boats ay ibinigay ni Mayor Garcia sa tatlong barangay na nakadikit sa baybaying karagatan;  4 ay napunta sa Tortugas, 4 sa Sibacan at ang apat naman ay nakuha ng Pto. Rivas.

Pinasalamatan ni City Mayor Garcia ang parangal na natanggap dahil malaking tulong na naman ito sa kanyang mga kababayan na umaasa sa pangingisda.

Matatandaan na ang programang ito ay inilunsad ng Department of Agriculture at ng BFAR noong isang taon.