banner

Pagpapanatili ng conducive learning environment sa Bataan, prayoridad

Written by
  • Nerlie L.
  • 8 years ago

LUNGSOD ng BALANGA, Bataan – Puspusan ang mga isinasagawang proyektong pang imprastraktura ng pamahalaang panlalawigan partikular na ang pagpapagawa ng mga gusaling pampaaralan at pagkukumpuni ng mga silid-aralan sa iba’t ibang lugar sa lalawigan na umabot na sa 2,023 proyekto mula taong 2005 hanggang 2013.

Target ni Bataan Gov. Albert Garcia na mapanatili o mas mapaganda pa ang kasalukuyang conducive learning environment sa mga paaralan sa Bataan kaya tuluy-tuloy pa rin ang mga school board projects na may nakalaang P45 milyong pondo ngayong taon para sa pagpapatayo ng mga gusaling pampaaralan kasama na rito ang P20 milyong pondo para sa mga mesa at silya ng mga guro, mga pisara at 7,000 arm chairs na ipamamahagi sa iba’t ibang paaralan sa 11 bayan at isang lungsod sa lalawigan.

Tiniyak ni Engr. Enrico Yuzon (Provincial Eengineer) na walang classroom shortage sa lalawigan at ang pagpapagawa ng mga silid aralan ay bilang tugon na rin sa K-12 basic education program ng Department of Education (DepEd) at upang patuloy na maibigay ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral para sa kanilang maayos at mas mabisang pag-aaral.

Nabatid na mula 2005 hanggang 2013 ay umabot sa 456 classrooms ang naipagawa ng Bataan provincial government, hindi pa kasama sa bilang na ito ang mga palikuran na naipatayo; habang 1,397 silid-aralan ang naipakumpuni na. Umabot naman sa 14 na covered court at 20 water system projects ang kanilang natapos.

Article Tags:
·
Article Categories:
Education · News

Comments are closed.

Shares