Sinimulan na ng mga opisyal ng Barangay Central sa pamumuno ni Punong Barangay Romeo Caparas ang pagpapatupad sa Executive Order No. 66 series of 2019 na inilabas ni City Mayor Francis Garcia.
Ayon kay Brgy. Central Kagawad Armando Cavico, Committee Chairman on Peace and Order, matapos umanong matanggap ni PB Caparas ang notice ay kaagad na silang nagmiting upang ipalaganap sa lahat ng residente na mahigpit nang ipinagbabawal ang pagpaparada ng sasakyan, pagtatayo ng istraktura o sagabal sa daan.
“Nakatutuwa naman na makaraang maipagbigay alam sa ating mga kabaranggay ang mga ipinagbabawal na ay inalis at ipinasok na nila ang kanilang mga sasakyan sa loob ng kanilang mga bakuran” ani pa ni Kag. Cavico.
Ang nasabing Executive Order ay hango sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na binanggit noong ika-4 na State of the Nation Address (SONA) nitong nakaraang Hulyo 29.
Nasiyahan naman ang mga motorista at residente nang makita nilang malinis at lumuwag na ang kalsada.