Part 1

Bataan

Ang Bataan ay isang peninsula na matatagpuan sa kanluraning bahagi ng Gitnang Luzon na nagdudugtong sa mga lalawigan ng Pampanga at Zambales. Ito ay may habang 55 kilometro magmula sa hilaga  (Dinalupihan) hanggang sa katimugan (Mariveles) at may luwang na 25 kilometro, humigit-kumulang. Sa gawing silangan nito ay ang Manila Bay at ang West Philippine Sea naman sa kanluran.

Sa gitna ng Bataan ay naroon ang isang mahabang hanay ng mga kabundukan na kinabibilangan ng Bundok Santa Rita,, Bundok Silanganan, Bataan Peak, Bundok Natib, Bundok Samat, Bundok Orion, Bundok Limay at Bundok Mariveles.

Ang Bataan ang pinakamaliit sa pitong lalawigan na bumubuo sa Rehiyon 3. Ito ay may sukat na umaabot lamang sa 137,296 ekatarya, katumbas ng 7.51 posiyento ng kabuuang sukat ng rehiyon. Ngunit, hindi maitatanggi na ang Bataan ay isang numero unong probinsya at nangunguna sa maraming bagay, lalo na sa paglago ng ekonomiya.

Sa bayan ng Mariveles ay naroon ang kauna-unahang export processing zone na patuloy pa rin sa operasyon bagama’t ito ay mas kilala ngayon sa tawag na Freeport Area of Bataan. Naroon din ang Bataan Petrochemical Complex samantalang nasa Limay naman ang Petron Bataan Refinery. Mahalaga ding tandaan na mahigit sa 50 porsiyento ng Subic Bay Metropolitan Area (SBMA) ay pag-aari ng Bataan.

Ang Bataan ay binubuo ng isang component city, ang Balanga, at 11 munisipalidad na kinabibilangan ng Dinalupihan, Hermosa, Orani, Samal, Abucay, Morong, Pilar, Orion, Limay, Mariveles at Bagac. Ang lalawigan ay hinati sa dalawang distrito simula noong 1987.

Ang populasyon ng lalawigan at natala sa kabuuang 714,051 noong May0 2010. Ang paglaki ng populasayon ng Bataan ay natala sa 2.74 porsiyento kada taon. Noong 1799, ang dami ng tao sa Bataan ay narehistro sa bilang na 16,654. Ito ay nadagdagan at umabot sa 39,008 residente noong 1850 at 96,492 noong 1953.

 

Ang Bataan Noon

Ang Bataan ay naging bahagi ng lumang kaharian ng Pampanga matapos na ang huli ay maitatag bilang isang probinsya noong 1571. Ang lumang Pampanga ang nakasasakop din sa ilang bahagi ng Bulakan, Nueva Ecija, Pangasinan, Tarlac at Zambales.

Noong 1574, ang Bataan ay naging isang pribadong estado (encomienda de particular) sa pamamahala ng isang dating sundalong Kastila, si Tenyente Juan Esguerra,  na naging unang encomendero ng lalawigan. Magmula noon, ang Bataan ay tinawag na “Partido de Juan Esguerra de Batan.”

Si Heneral Juan de Salcedo (1645-1676), apo ni Gobernador-Heneral Miguel Lopez de Legaspi, ang kauna-unahang encomendero sa Pilipinas. Siya ang nagbigay ng pahintulot kay Tenyente Esguerra para pangasiwaan bilang isang encomienda ang Bataan.

Ang “Partido de Juan Esguerra de Batan,” magkagayonman, ay sumasakop lamang sa silangang bahagi ng Bataan, magmula sa ngayo’y bayan ng Dinalupihan hanggang sa Baryo Lucanin na sakop ngayon ng bayan ng Mariveles. Ang katimugang bahagi at kanluraning bahagi ng Bataan, na binubuo ng Mariveles, Bagac at Morong na nasakop naman ng itinatag na “Corregimiento de Mariveles” na ibinigay sa pamamahala ni Capitan Blas Rosales noong 1605.

 

Misyonaryo

Batay sa aklat na “Kasaysayan at Pamahalaang Pilipino” na sinulat ni Bro. Andrew Gonzales, FSC:  “…The Dominicans arrived in Manila in 1581. They set foot in the old Batan District only in 1587.”

Sa Batan (o Batan District) unang nasumpungan nina Tenyente Juan Esguerra at ng mga misyonaryong Dominikano ang may 30 komunidad sa silangang bahagi ng Bataan. Ang mga naninirahan dito ay napag-alamang mga Moro na nakarating sa Bataan sa pagitan ng ika-13 at 14 na siglo. Sila ay natutong makipagkalakalakan sa kapwa nila Moro na unang nakarating sa Maynila, gayundin sa mga biyaherong Intsik at Hapones.

 

Mga bagong pamayanan

Sa tulong ng mga misyonaryong Dominikano ay naitatag ang Abucay, ang kauna-unahang bayan sa Bataan noong Hunyo 10, 1588. Sumunod dito ang mga bayan ng Samal (1641), Balanga (1659), Orion (1667), Orani (1714) at Hermosa (1756). Dumating din noong 1606 at nagpalaganap ng Kristiyanismo sa Bataan ang mga paring Agustino Rekoleto. Sila ang nagtatag sa Mariveles (1606), Morong (1607) at Bagac (1873). Nakatulong din ang mga paring Sekular sa Bataan matapos nilang itatag ang mga bayan ng Pilar  noong 1801 at Dinalupihan (1865). Ang Limay, dating baryo ng Orion, ang kahuli-hulihang bayan na naitatag sa Bataan noong 1917, sa panahon ng mga Amerikano. Si Gobernador-Heneral Francis Burton Harrison ang nagpalabas ng dekrito upang maging pang-12 bayan ang Limay noong Enero 1, 1917.

 

Madugong kasaysayan

Hindi makakalimutan ng mundo ang mga pahirap na dinanas ng Bataan noong maganap ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa Bataan mismo naganap ang pinakamadugong labanan sa pagitan ng mga sundalong USAFFE at Japanese Imperial Army. Dito rin natanghal sa maling paraan ang “Bataan Death March” kung saan ang may 50,000 sundalong USAFFE ay pinaglakad magmula sa Mariveles at Bagac hanggang San Fernando Pampanga, patungo sa concentration camp sa Capas, Tarlac. Dito ay mas marami pang kawal ang naupos ang buhay dahil sa mga sakit, sugat at pahirap na kanilang naranasan sa kamay ng mga Hapones.

Itinayo sa tuktok ng Bundok Samat, sa bayan ng Pilar, ang isang malaking krus at altar para magsilbing alaala sa mga pagbubuwis ng buhay na ginawa ng mga sundalong USAFFE at sibilyan sa ngalan ng demokrasya at kalayaan.

 

Bagong Bataan

Mabilis na nakapagbagong-tatag ang lalawigan pagkatapos ng digmaan. Ngayon ay isa na itong first-class province na handang makipagtagisan sa iba pang lalawigan sa aspeto ng kaunlaran. Patuloy pa rin ito sa pagsulong sa tulong ng masisipag nitong mamamayan at biyaya mula sa  malalaking industriya tulad ng Petron Bataan Refinery, DND Arsenal, Bataan Petrochemical Complex at ng Freeport Area of Bataan sa Mariveles.

Si Albert S. Garcia ng Balanga, na siyang nagtatag ng City of Balanga, Bataan Peninsula State University at Freeport Area of Bataan, ang siya ngayong nanunungkulan bilang pang-29 na gobernador ng Bataan (2013-2016).

 

Governors/Vice Governors of Bataan

                                          (1901-2016)

 Governor

Origin Vice Governor  Year
1 John Gouldman USA none 1901-1903*
2 Tomas del Rosario Balanga none 1903-1905
3 Lorenzo Zialcita Orani none 1906-1907
4 Pedro Rich Samal none 1908-1910
5 Mariano Rosauro Balanga none 1911-1913
6 Maximinodelos Reyes Balanga none 1914-1916
7 Conrado Lerma Pilar none 1917-1918**
8 Pedro Rich Samal none 1918-1919*
9 Alberto Aquino Samal none 1920-1922
10 Manuel Aguinaldo Pilar none 1923-1925
11 Gregorio Quicho Orion none 1926-1929
Gregorio Quicho Orion none 1929-1931
12 Sabino de Leon Pilar none 1932-1934
13 Alberto Aquino Samal none 1935-1937
14 Joaquin J. Linao Morong none 1938-1940
15 Jose S. Manahan Balanga none 1941-1942
16 Simeon Salonga Orani none 1942-1945*
17 Teodoro Camacho Balanga none 1945-1946*
18 Joaquin J. Linao Morong none 1946-1947*
19 Emilio Ma. Naval Balanga none 1948-1951
20 Adelmo Camacho Balanga none 1952-l955
21 Emilio Ma Naval Balanga none 1956-1959
22 Pedro R. Dizon Balanga Faustino Vigo 1960-1964
Pedro R. Dizon Balanga Guillermo Arcenas 1964-1967
23 Guillermo Arcenas Hermosa EfrenPascual 1968-1971
24 Efren B. Pascual Orani Rufino Navarro 1971-1976
Efren B. Pascual Orani none 1976-1980
Efren B. Pascual Orani Carolina Beltran 1980-1986
25 Leonardo B. Roman Balanga Nelson C. David 1986-1988
Leonardo B. Roman Balanga Serafin Roman 1988-1992
26 Enrique Garcia Balanga EfrenPascual Jr. 1992-1994
27 Leonardo B. Roman Balanga EfrenPascual Jr. 1994-1995
Leonardo B. Roman Balanga Serafin Roman 1995-1998
Leonardo B. Roman Balanga Rogelio Roque 1998-2001
Leonardo B. Roman Balanga Rogelio Roque 2001-2004
28 Enrique T. Garcia Jr. Balanga Ben Alonzo 2004 -2007
Enrique T. Garcia Jr. Balanga Serafin Roman 2007 – 2010
Enrique T. Garcia Jr. Balanga EfrenPascual Jr. 2010 – 2013
29  Albert S. Garcia Balanga EfrenPascual Jr. 2013 – 2016

* appointed      ** died in office