Bataan History

Part 11

0

Lungsod ng Balanga

Ang Lungsod ng Balanga, ang kabisera ng Bataan, na dati-rati ay isa lamang visita (baryo) ng bayan ng Abucay ay itinatag bilang isang regular na pamayananan noong Abril 18, 1659, ayon sa tala ni Eulogio B. Rodriguez, ang National Librarian ng Pilipinas simula noong 1916. Datapwat sa ibang ulat, ito umano ay tinanggap bilang isang regular na mission (town) ng Dominican Order sa Provincial Chapter nito noong Abril 21, 1714. Idineklara naman ito bilang bikaryo noong Abril 18, 1739 at isinailalim sa patnubay ni San Jose, ang Manggagawa (at asawa ng Birheng Maria).

Matapos itatag ang Bataan bilang isang bagong lalawigan na hiwalay sa Pampanga noong 1754, iniatas ni Gobernador-Heneral Manuel Arandia na gawin ang Balanga bilang kabisera ng lalawigan dahil sa lokasyon nito sa kalagitaan ng peninsula.

Subalit magmula noong 1905 hanggang 1910, sa panahon ng panunungkulan nina Gobernador Lorenzo Zialcita (1905-1907) at Pedro Rich ng Samal (1908-1909), ay nawala ang titulo ng Balanga bilang kabisera. Si Gobernador Zialcita ang nag-alis ng nasabing titulo at ibinigay sa Orani. Ang bagay na ito ay itinuloy ni Gobernador Rich sa panahon ng kanyang administrasyon.

Ang Balanga ay naging isang component city noong Disyembre 30, 2000 dahil sa pagsisikap ni dating Mayor Albert S. Garcia ( 1998-2001, 2001-2004) na maiangat ang antas ng Balanga bilang isang progresibong bayan.

Lokasyon

Ang Balanga ay matatagpuan sa silangang bahagi ng Bataan na nakaharap sa Manila Bay. Ito ay napapagitnaan ng Abucay at Pilar. Ito ay may layong 124 kilometro mula sa  Maynila at mararating sa pamamagitan ng Bataan National Road at ng Roman Expressway.  Mararating din ito sa loob ng 45 minuto sa pamamagitan ng pagtawid sa Manila Bay, gamit ang isang service ferry na may pantalan sa bayan ng Orion.

Ang lungsod ay may sukat na 11,163 ektarya at pangatlo sa pinakamalaking bayan sa buong lalawigan. Ang mga residente dito ay umabot ang dami sa 87,920 noong 2010. Mahigit sa 20 porsiyento nito ay mga simpleng manggagawa sa bukid at mga mangingisda. Marami din ang mga nagtatrabaho ngayon sa ibang bansa bilang mga Overseas Filipino Worker.

Ang Balanga ay binubuo ng 25 barangay, gaya ng Bagong Silang, Bagumbayan, Cabog-cabog, Camacho, Cataning, Central, Cupang North, Cupang Proper, Cupang West, Dangcol, Doña Francisca, Ibayo, Malabia, Munting Batangas, Poblacion, Pto. Rivas Ibaba, Pto. Rivas Itaas, Pto. Rivas Lote, San Jose, Sibacan, Talisay, Tanato, Tenejero, Tortugas at Tuyo.

Ang sentro ng kalakalan at negosyo sa Balanga ay matatagpuan sa Poblacion kung saan naroon ang city hall, katedral ni San Jose, Galeria Victoria Mall, Centre Plaza Mall. Recar Commercial Complex at iba pa. Dahil sa mabilis na pag-unlad ng lungsod ay lumaganap na rin ang iba pang establisamiyento sa mga karatig barangay tulad ng Ibayo, San Jose at Doña Francisca.

Bukod sa Bataan Peninsula State University at Bataan National High School, nagsulputan na rin sa Balanga ang iba pang institusyon na naghahandog ng pag-aaral sa kolehiyo. Nariyan ang Tomas del Rosario College, STI-Balanga, Bataan Maritime Institute, Bataan Memorial Heroes College, Asia Pacific College of Advanced Studies, Philippine Women’s University, at iba pang technical colleges.

Dumami din ang bilang ng mga commercial banks sa lungsod, private hospitals at health clinics, supermarkets, restaurants, hotels (Crown Royale Hotel, The Plaza, Gap, Edison Hotel) telecommunication offices (PLDT, Digitel, Globe, Smart, Sun), coffee shops, computer shops, radio stations at iba pang uri ng negosyo.

Nabago na rin ang dating provincial hospital na naging three-storey medical facility at tinawag na Bataan General Hospital. Nagkaroon din ng Bataan Peoples Center, Bataan Tourism Center, Regional Trial Court, Bataan Museum and Library at isang modernong public market na matatagpuang lahat sa Balanga City.

At kung dati-rati’y ang Doña Francisca Subdivision lamang ang modernong komunidad sa lungsod, ngayo’y nagsulputan pa ang ibang housing facility tulad ng Camella Homes at ibang subdivision sa lungsod.

Mahalagang tandaan na maraming Balanguenyo ang humawak ng tungkulin at naglingkod para sa kagalingan ng Bataan, tulad nina (Kinatawan sa Kongreso) Tomas del Rosario, Pablo Tecson, Manuel Banzon Sr., Teodoro Camacho Sr., Medina Lacson de Leon, Enrique Garcia Jr., at Albert S. Garcia; Gobernador Mariano Rosauro, Jose Manahan, Emilio Ma. Naval, Pedro R. Dizon, Adelmo Camacho, Leonardo B. Roman, Enrique T. Garcia Jr. at Albert A. Garcia.

 

Partido de Batan

Si Padre Christopher Salvatierra, isang paring Dominikano, ang sinasabing unang tumungtong sa Balanga bagama’t ang Abukay ang unang lugar sa Batan na kanyang napuntahan noong 1587. Kinailangan pa niyang itatag muna ang Abucay at Samal bago tuluyang itinatag ng mga kasamahan niyang paring Dominikano ang Balanga bilang pangatlong bayan sa “Partido de Batan.” Noong 1801, ang Pilar, na dating malayong baryo ng Balanga, ay itinatag bilang isang nagsasariling bayan sa tulong ng mga kaparian ng Secular Clergy.

Taong 1898 nang lumaya ang Balanga, gayundin ang ibang bayan sa lalawigan mula sa kamay ng mga dayuhang Kastila. Pinangunahan ni “Heneral” Domingo Alonzo ang pag-aalsa at pagpapatalsik sa mga sundalo at paring Kastila noong 1898. Datapwa’t nakapanghihinayang na hindi napasama ang Bataan sa listahan ng unang walong lalawigan na lumaban sa mga Kastila.

Noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pangdaigdig ay lubhang nasalanta ang Balanga sa tindi ng mga labanang naganap sa kabisera sa pagitan ng mga sundalo ng USAFFE at Japanese Army. Bukod sa munisipyo at kabahayan sa Balanga ay nasunog din at naabo ang unang kapitolyo ng Bataan na dating nakatirik sa gilid ng Simbahan ni San Jose (ngayo’y kinaroroonan ng bagong Victoria Galeria Mall).

Ang pagbabagong-tatag ng Bataan at ng Balanga ay madaling isinagawa pagkatapos ng digmaan. Paunti-unti ay nakabangon ang kabisera. At ngayon ay isa na itong lungsod. Noong 2008, ang Balanga City ay tinanghal bilang “Most Business-Friendly City,” isang taunang programang pangkaunlaran na itinaguyod ng Philippine Chamber of Commerce, Inc.

 

Alamat ng Balanga

Napakarami na ng mga naganap na diskusyon kung ano talaga ang pinagmulan ng pangalan ng City of Balanga, ang kabisera ng Bataan. Marami na ring mga artikulo ang naisulat at nalathala ukol dito. Sa aklat na “Abucay: Rich in History, Rich in Culture,” ang mga awtor na sina Dr. Felicidad C. Sinio at ang namayapang Gumercindo Rubiano, kapwa taga-Mabatang, ay nagsulat sa pahina 8 ng mga sumusunod:

     “….Father Christopher Salvatierra was the very first Spanish Dominican missionary who set foot in Bataan. Although he travelled from Abucay to Mariveles, his presence as a missionary was hardly felt, especially in Abucay. Then came Father Juan Ormaza de Santo Tomas in 1587. With him were Fr. Santa Rita, Father Eduarte and Father Pedro de Balanga. They laid down the groundwork for the establishment of a parish.”

Kung sa ngayon ay pinaniniwalaan ng mga taga-Balanga na ang baryo ng Puerto Rivas ay isinunod sa pangalan ni Padre Benito Rivas na natalaga sa nasabing lugar noong bago magtapos ang rehimen ng mga Kastila sa Pilipinas, madali rin sigurong tanggapin na ang pangalan ng kabisera ng Bataan ay isinunod kay Padre Pedro de Balanga na tinukoy nina Dr. Fely Sinio at Gomer Rubiano sa kanilang nabuong aklat.

Ang problema lang, walang Padre Pedro de Balanga, Padre Rita at Padre Eduardo sa listahang ibinigay ni Fr. Wilfredo C. Paguio na umano’y nakasama ni Padre Juan Ormaza de Santo Tomas sa Bataan noong 1587. Sa aklat ni Fr. Paguio, na “Bataan – Land of Valor, People of Peace,” ang nakasama lang ni Padre Ormaza ay sina: Padre Alonzo Jimenez, Padre Pedro Bolanos, at Rev. Fr. Domingo Nieva.

Ang isa pang kamalasan ay kulang ang talaan na ibinigay ni Fr. Paguio hinggil sa mga paring napunta sa Balanga simula noong 1587 hanggang sa ito ay maging isang regular na bayan noong Abril 21, 1714. Sa listahang iniulat ni Fr. Paguio, isang Padre Agustin Mijares y Esquivel ang nabanggit na unang natalagang pari sa Balanga noong 1713. Sumunod ay si Padre Agustin Velarde noong 1737. Pero sa dinami-dami ng mga paring natalaga sa Balanga, walang binanggit doon si Fr.Paguio na anumang ulat ukol kay Fr. Pedro de Balanga. Kung naroon lang sana sa listahan ni Fr. Paguio si Fr. Pedro de Balanga ay tapos na sana ang lahat ng usapin dito.

Kinumpirma na rin ng Instituto Cervantes (karaniwang tawag sa konsulado ng mga Kastila sa Pilipinas) na walang lugar sa Espanya na ang pangalan ay Balanga. Hindi rin umano apelyidong Español ang Balanga.

Ang inamin lang ng Instituto Cervantes ay may isang lugar sa Espanya na ang pangalan ay Batan (ang bayang pinanggalingan ni Tenyente Juan Esguerra, ang unang encomendero ng Partido de Batan.)

 

 

Ikalawang Kuwento

May dalawa pang aklat na nagsasabi kung saan hinango ang pangalang “Balanga.” Sa unang aklat na ginawa ni Eulogio Balan Rodriguez, ang National Librarian ng Pilipinas noong 1916, ay isinulat niya ang sumusunod:

“…The origin of the word ‘Balanga’ is traced to the Tagalog word ‘balanga,’ a kind of pot made of clay used to cook fish in. The place was named after it in view of the fact that pottery is the best product of the people and it was the best of its kind that could be found.

Si Victor de Leon, dating acting schools superintendent ng Bataan noong 1953, ay sumulat naman sa ikalawang aklat na nagsabing:

“…This town had since been known by the name “Balanga.’ This name was derived from ‘balanga,’ a name given to a locally-made wide-mouthed earthen pot.”

Dalawang magigiting na tao ang nagsabi na ang Balanga ay galing sa salitang “balanga.” Wala silang binanggit na ibang salita, gaya halimbawa ng “banga” o “palayok.” Ang “BANGA,” sa hindi nakaaalam, ay salitang Tagalog  na nanggaling sa Bulakan. Ang “PALAYOK” naman ay salitang Kapampangan. Pero ang mga salitang “balanga,” “palayok” at “banga” ay iisa ang ibig sabihin. Pare-pareho silang clay pot. Sila ang mga lumang kasangkapan na pinaglalagyan ng tubig o pinaglulutuan ng kanin o ulam noong hindi pa uso ang salitang “aserong kaldero” at “automatic rice cooker.”

 

Simula ng Balanga

Ayon sa ilang pantas sa kasaysayan ng Pilipinas, ang banga o balanga ay dinala sa Pilipinas ng mga sinaunang Malayo noong ika-14 na siglo. Magmula sa Mindanao ay nakarating ang mga balanga/banga sa Kamaynilaan at sa ibang panig ng Luzon bago pa lumunsad sa Cebu si Ferdinand Magellan noong 1521.

Ang mga sinaunang Malayo na nakarating sa Bataan ay gumamit umano ng balanga/banga bilang lutuan at sa pag-igib ng tubig. Gumamit din sila noon ng “tapayan” at “palayok” na puwede ring pag-imbakan ng bigas o tubig.

Sa Maynila pinaniniwalaang unang umunlad ang industriya ng paggawa ng balanga/banga. Subalit sinasabi rin na sa Balanga man ay gumagawa rin ng pinakamatibay na balanga/banga noong araw. Mga mangangalakal na Intsik at Hapon ang siya umanong nagturo sa ating mga ninuno ng tamang paraan ng paggawa ng matitibay na balanga/banga.

Ang sinasabing tamang paraan ay ang paglalagay ng dagdag na sangkap gaya ng dinurog o pinulbos na limestone (o lime na pangunahing sangkap sa paggawa ng semento) at iba pang mineral para lalong tumibay ang nabuong balanga/banga.

Ang dati-rating maunlad na gawaan ng balanga sa Tenejero, Balanga, noong araw ay naglaho na pagpasok ng dekada 1960. Pumasok na kasi sa merkado ang mga aserong kaldero, tanso at latang kasangkapan. Ang mga lutuan ng balanga sa baryo, sa tapat ng Tenejero Cemetery,ay ginawa na lamang bilang pugon sa paggawa ng uling. Pati ang pag-uuling  ay nawala rin paglipas pa ng maikling panahon.

 

Mga Pinunong Lokal ng Balanga

(1901-2016)

NOMAYORVICE MAYORYEAR
1Tomas B. Gallardo*1901-1903
Angel Mendoza*1903-1905
2Angel Mendoza1905-1907
3Antonio Tuason Sr.1907-1909
4Amando de Leon1910-1912
5Andres de Leon1912-1916
6Jose P. Banzon1916-1919
7Venancio Banzon1919-1922
Venancio Banzon1922-1925
Venancio Banzon1925-1928
8Antonio Tuason Sr.Jose N. Gonzales1928-1931
9Venancio BanzonJose N. Gonzales1931-1934
10Mariano BatungbacalJose N. Gonzales1934-1937
11Mariano HerreraJose Gonzales1938-1941
Mariano HerreraGeronimo Roman1941-1942
12Mariano Batungbacal*-none-1942-1943
13Numeriano Quindoy*-none-1943-1944
14Carlos Y. Gonzales*+-none-1944-1945
15Mariano Herrera*Jose B. Banzon1945-1946
16Jose N. Gonzales*Jose B. Banzon1946-1947
17Graciano Pastorfide*Jose B. Banzon1947-1947
18Pedro R. DizonSilvino dela Fuente**1948-1951
Crispulo Torrico
19Crispulo Torrico-none-1951-1951
20Faustino VigoJose N. Gonzales1952-1955
21Pedro DizonDomingo Javier1956-1959
22Emilio BernabeMiguel Recano1960-1963
23Vicente MalibiranAngel T. Banzon1964-1967
24Teodoro Camacho III*Victor Y. Baluyot1968-1971
25Celso ValdecanasAlfredo Jaraba1972-1976
Celso Valdecanas***Alfredo Jaraba***1977-1979
26Teodoro R. Alonzo*Herminio Dizon1979-1980
Teodoro R. AlonzoHerminio Dizon1980-1986
27Teodoro Camacho III*Gabriel Nisay Sr.1986-1988
28Melanio Banzon Jr.Domingo Dizon1988-1992
Melanio Banzon Jr.Domingo Dizon1992-1995
Melanio Banzon Jr.Francisco dela Cruz1995-1998
29Albert S. GarciaNoli Venzon1998-2001
Albert S. GarciaNoli Venzon2001-2004
30Melanio S. Banzon Jr.Noli Venzon2004-2007
31Jose Enrique GarciaNoel Valdecanas2007-2010
Jose Enrique GarciaNoel Valdecanas2010-2013
Jose Enrique GarciaNoel Valdecanas2013-2016

Japan-based Buddhist organization plays major role in youth dev, tourism

Previous article

Sec Joel Villanueva lead 1,750 TVET graduates

Next article

You may also like

Comments

Comments are closed.