Pilar
Ang Pilar ay naitatag bilang isang regular na bayan noong Abril 10, 1801. Ito ay naisakatuparan sa tulong ng mga paring Sekular (Secular Clergy) sa panahon na ang mga paring Dominikano, Pransiskano at Rekoletos ay pinaalis sa Bataan at ipinadala sa Kabisayaan sa utos nina Arsobispo Basilio Sancho at Gobernador-Heneral Jose Raon simula noong 1768. Nauna rito, ang Pilar ay isa lamang malayong baryo ng Balanga. Tatlo lang ang kilalang pamayanan dito noong araw: Santa Rosa, Panilao at Balibago.
Secular Clergy
Si Don Damaso Lintag, katulong na paring Sekular sa Simbahan ni San Jose, ang nakaisip na magtatag ng isang bagong bayan na hiwalay sa Balanga para na rin sa karangalan ng kanilang kongregasyon. Magtatapos pa lamang ang taong 1800 ay pinangunahan na niya ang natatanging proyekto na gawing isang malayang bikaryo ang Pilar (na noon ay wala pang pangalan ang kabuuan nito). Si Padre Lintag din ang nagpasimuno na palakihan ang lumang kapilya na itinirik ng mga paring Dominikano sa Baryo Balibago, na matatagpuan sa may gilid ng Ilog Masuwahe. Sa nasabing kapilya ay nakatanghal na sa altar ang imahe ni Nuestra Senora del Pilar, isang imahe na ipinalaganap sa Pilipinas ng mga Dominikano noong mga panahon iyon.
Habang pinagsisikapan na maitatag ang bagong bayan, ang mga naninirahan sa Santa Rosa ay tumutol sa nasabing plano. Dahil may kalayuan ang Balibago sa kanilang lugar, mas gusto pa nilang manatili sa hurisdiksyon ng Balanga na halos ay abot-tanaw lamang nila sa kabila ng Ilog Talisay. Nanakot pa ang mga taga-Santa Rosa na tuluyang hihiwalay sa itatayong bagong bayan kung sakali’t ituloy ng mga paring Sekular ang kanilang balak.
Ngunit higit na nakapangyari ang mga taga-Simbahan. Noong Marso 10, 1801 ay naging isang malayang bikaryo ang Pilar. Sinundan ito ng pagkilala ng Simbahan at pamahalaang Kastila sa bagong regular na bayan ng Pilar noong Abril 10, 1801. Katulad ng inaasahan, si Padre Lintag din ang unang natalagang pari sa bagong-tatag na bayan ng Pilar.
Inangkin
Noong 1830, ang mga Dominikano ay nakabalik din sa Bataan sa pahintulot ng bagong Arsobispo ng Maynila. Paunti-unti ay nagawa nilang mabawi mula sa kamay ng mga Sekular ang mga dati nilang hawak na parokya. Ang Pilar ay tinangka ring angkinin ng mga Dominikano noong 1830 matapos nilang ipagpilitan na ang Pilar ay dating bahagi ng Balanga. Masama man ang loob ay tuluyan nang iniwan ng mga Sekular ang Pilar noong Hunyo 1833.
Si Fr, Juan de Buenaventura ang unang natalagang Dominikano sa Pilar noong Hunyo 1833. Ayon sa librong “Bataan- Land of Valor, People of Peace,“ pahina 162, sinabi ni Rev. Fr. Wilfrdo C. Paguio:
“The Dominican Order accepted the Parish of Pilar after the turnover of the parish to the Religious Order in its Provincial Chapter of 1833.“
Ang ginawang pagsasalin ng mga paring Sekular sa misyon na kanilang itinatag sa Pilar sa hurisdiksyon ng mga Dominikano ay inari nila na isang malaking pagkakamali. Iyon ay itinuring na lamang nilang isang magandang karanasan sapagkat natutunan nila ang dapat nilang gagawin sa susunod na pagkakataon.
Ang Dinalupihan, na itinatag din ng Secular Clergy noong 1865, ay hindi na napasakamay ng mga Dominikano. Katwiran ng mga paring Sekular, pinaghirapan nila nang husto ang pagtatayo sa nasabing bayan kaya walang karapatan ang mga Dominikano na ito’y ariin nang basta-basta lamang.
Simbahan ng Pilar
Ang unang simbahan ng Pilar na itinayo ni Padre Damaso Lintag (1801-1827) ay gawa lamang sa kahoy at pawid na bubong. Ito ay matatagpuan sa gawing kanan ng Bataan National Road kung papuntang Orion. Pagkalipas ng 33 taon, ang simbahan ay pinalitan ng bagong gusali na gawa sa bato, sa panahon ng Dominikanong pari na si Padre Jesualdo Miñano (1833-1834). Si Fr. Jose Diego (1851-1864) ang nagpatuloy sa pagyari ng nasabing simbahan. Siya rin ang nagpagawa ng sementeryo at kapilya sa gawing likuran ng simbahan. Si Padre Miguel Vasquez (1882-1885) naman ang tumapos sa bubong nito na galbanisadong yero.
Ang buong simbahan ng Pilar, kasama na ang kumbento, ay sinunog ng mga lokal na maghihimagsik noong Mayo 1898, sa kainitan ng Philippine-Spanish Revolution. Sa pagtatapos ng labanan, ang Dominikanong si Padre Fermin de San Julian (1885-1931) ay pinayagang makabalik sa Pilar bilang kura paroko. Siya ang nagpatayo ng bago ngunit maliit na simbahan sa bagong puwesto, sa katapat na lote ng nasunog na simbahan. Kaypala’y binawi at ipinagbili na ng may-ari ang lote na unang pinagtayuan ng simbahan.
Noong 1931, pagkatapos magretiro ni Padre Fermin, ay nagkaisa ang mga mamamayan na magpatayo ng isang mas malaking simbahan sa kasalukuyang puwesto nito. Ang nasabing simbahan ay kabilang sa iba pang gusali na nanatiling nakatayo, bagama’t bahagyang napinsala, sa panahon ng nagdaang giyera.
Ilang ulit nang binago at kinumpuni ang nasabing simbahan. Ang huling pagbabago dito ay isinagawa at natapos para sa pagdiriwang ng ika-200 taong pagdiriwang ng pagkakatatag ng Pilar. Ito ay binasbasan nina Ricardo Cardinal Vidal at Obispo Honesto Ongtioco ng Balanga Diocese noong Marso 4, 2001.
Pilar Ngayon
Ang Pilar sa kasalukuyan ay isang tersera-klaseng bayan. May kabuuan itong sukat na 3,760 ekatrya at populasyon na 39,787 noong Agosto 2010. Natala noong 1848 na ang populasyon ng Pilar ay 3,134 lamang. Noong 1896, ito ay umabot sa 4,050. Bago nagtapos ang dekada 90, may 517 na ang bilang ng kabahayan sa buong Pilar. Mula sa orihinal na tatlong baryo, ang Pilar ay binubuo ngayon (2010) ng 19 na barangay: Alauli, Bagumbayan, Balut I, Balut II, Bantan Munti, Burgos, Del Rosario, Diwa, Landing, Liyang, Nagwaling, Panilao, Pantingan, Poblacion, Rizal, Sta. Rosa, Wakas North, Wakas South at Wawa.
Sa Barangay Diwa matatagpuan ang Bundok Samat, ang pinakamakasaysayang bundok sa buong Pilipinas. Dito nabuwis ang maraming buhay ng mga sundalong Pilipino at Amerikano na lumaban sa hukbong Hapones noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig (1941-1945). Sa kalawakan ng Pilar, gayundin sa bayan ng Bagac, naganap ang pinakamadudugong labanan noong giyera, partikular na sa kahabaan ng Pilar-Bagac Defense Line.
Upang dakilain ang ginawang pagsasakripisyo ng mga bayaning ito taun-taong isinasagawa ang selebrasyon ng “Araw ng Kagitingan, ” na dating kilala bilang “Fall of Bataan,” sa tuktok ng Bundok Samat kung saan itinayo ang “Dambana ng Kagitingan” (Shrine of Valor).
Sa kasalukuyan, ang Pilar ay mayroong mga anak na nabigyan ng pagkakataong makapaglingkod sa Bataan bilang kinatawan sa Kongreso at gobernador, tulad nina Gobernador Manuel Aguinaldo (1922-1925), Sabino de Leon (1931-1934), Leonardo Roman (1988-1992, 1994-2004); Congressman Jose Ma. Lerma (1907-1909) at Pablo Roman (1966-1972).
Alamat ng Pilar
Hinango ang pangalan ng Pilar sa katawagan ng Inang Birheng Maria na “Our Lady of the Pillar” o “Nuestra Señora del Pilar”. Ito ang malinaw na katotohanan. Lamang, nagmistulang isang Alamat o “kuwentong bayan” ang pinagmulan ng pangalan ng Pilar matapos na ito ay tangkaing gawing mas makulay at mas ma…alamat. Ayon sa isang nalathalang kuwento:
“…Noong nagdaang panahon, ang Pilar ay isang malayong baryo ng Balanga. Kakaunti pa lamang ang naninirahan sa lugar na ito. “Isang araw, isang galeyon ng mga Kastila ang tinangay ng malakas na alon patungong Pilar mula sa Maynila. Patungo noon sa isang di-natukoy na lugar ang galeyon para ihatid sana ang isang imahe ng Nuestra Señora del Pilar. Sa kamalasan, isang malakas na unos ang nasalubong ng galeyon sa gitna ng Manila Bay. “Sa pampang pa lamang ng ‘Pilar’ ay sinalubong na ng mga tao ang mga Kastilang sakay ng galeyon para tulungang makaiwas ang mga ito sa malakas na bagyo at alon.
“Agad na tinanong ng mga Kastila kung anong lugar ang kanilang kinapadparan. Ang sagot ng mga tao ay wala pang pangalan ang nasabing lugar. “Sinabi ng mga Kastila na dapat ay isunod sa pangalan ng imaheng patrona ang nasabing lugar. “Natuwa ang mga tao at tinanggap ang pangalan ‘Señora del Pilar’. Magbuhat noon ay Pilar na ang itinawag sa nasabing bayan.”
Simula ng Pilar
Ayon sa unang iniakda ng yumaong Rev. Fr. Willy C. Paguio sa kanyang aklat na “Bataan – Land of Valor, People of Peace” ang pinagkunan ng pangalan ng Pilar ay ang santo sa bayan, ang Nuestra Señora del Pilar. Ito rin ang patrona na idinambana sa altar ng kapilyang itinayo ng mga misyonaryong Dominikano sa nayon ng “Balibago”. Ang nasabing imahen ng Birheng Maria ay hindi na pinalitan ng mga paring Secular Clergy nang itatag nila ang Pilar noong 1801. Ito rin ang pangalan na ipinalit sa dating pangalan ng nayon ng “Balibago”. Iwinangis lang ng mga mamamayan ang nangyari sa Baryo ng Santa Rosa na isinunod din ang pangalan ng lugar sa kanilang patron, si Santa Rosa de Lima.
Maraming imahe ng Birhen
Ang Nuestra Señora del Pilar ay isa lamang sa mga banal na imahe ng Birheng Maria. Ayon kay Apostol Santiago, kasalukuyan siyang nagpapalaganap ng Kristiyanismo sa Zaragosa, Espanya nang magpakita sa kanya ang Mahal na Ina. Ang Birhenng Maria na kanya umanong nakita ay hawak din ang kanyang Banal na Anak habang nakatungtong sa ibabaw ng isang haliging marmol na napapalibutan ng mga ulap at kerubin. Itinagubilin umano ng Mahal na Birhen sa kanya na magpatayo ng isang simbahan sa Zaragosa kung saan itatampok ang kanyang imahe. Ang nasabing simbahan ay nagawa at tinawag na “Virgen del Pilar de Zaragosa.”
Mapagbigay
Sinasabi ng mga taga-Pilar, na tunay na magpahimala at mapagbigay sa kahilingan ng mga tao ang Nuestra Señora del Pilar noon at hanggang sa kasalukuyan. Kaya naman nasisiyahan sila na naisunod sa pangalan ng Mahal na Birhen ang kanilang bayan.
Mga Pinunong Naglingkod sa Pilar
(1901-2007)
Blg. Alkalde Bise-Aklade Taon
1 Urbano Reyes Eusebio Paguio 1901-1903
2 Eusebio Paguio Agustin Paguio 1903-1905
3 Pedro Paguio Desiderio Reyes 1905-1907
4 Julian Calimbas Ulbino Reyes 1907-1909
5 Teodoro Paguio Francisco Paguio 1909-1912
6 Eusebio Paguio Lucio Paguio 1912-1915
7 Leandro“ Aguinaldo Luciano Pulumbarit 1915-1918
8 Simeon Rodriguez Florentino Ramos 1918-1921
9 Jose Herrera Valeriano Fernado 1921-1923
10 Felipe A. Calimbas Marcelo Valderama 1923-1925
Felipe A. Calimbas Marcelo Valderama 1926-1929
11 Marcelo A. Quiroz Antonio Jacobe 1929-1932
12 Sotero Roman Pedrito Sanchez 1932-1935
13 Jose Paguio Emilio de Leon 1935-1938
14 Fermin R. Banzon Alejandrino Aguinaldo 1938-1941
Fermin Banzon Arcadio Herrera 1941-1942
15 Joaquin Banzon No vice mayor 1942-1944
16 Gerardo Tiangco No vice mayor 1944-1945
17 Arcadio Herrera Alfonso Banzon 1945-1946
18 Joaquin R. Banzon Irineo Pizarro 1946-1947
Joaquin R. Banzon Irineo Pizarro 1948-1951
Joaquin R. Banzon Mariano de Jesus 1952-1955
Joaquin R. Banzon Irineo Pizarro 1956-1959
19 Alfonso Paguio Leonardo Alfuente 1960-1963
Alfonso Paguio Antonio Solomon 1964-1967
20 Rodolfo de Leon Dominador Pizarro 1968-1971
Rodolfo de Leon Isabelo Samson 1972-1976
Rodolfo de Leon No vice mayor 1976-1979
21 Honesto de Leon No vice mayor 1979-1980
22 Carlos Pizarro Sr. Asuncion M. Samson 1980-1986
Carlos Pizarro Sr. Asuncion M. Samson 1986-1988
23 Estrella L. Santos Anatalio Paguio 1988-1992
24 Teodoro Pizarro Elmer Limcumpao 1992-1995
25 Estrella L. Santos Elmer Limcumpao 1995-1998
Estrella L. Santos Elmer Limcumpao 1998-2001
Estrella L. Santos Bienvenido Paguio 2001-2004
26 Carlos Pizarro Jr. Pablo E. Nohay 2004-2007
Carlos Pizarro Jr. Pablo E. Nohay 2007-2010
Carlos Pizarro Jr. Eduardo Santos Jr. 2010-2013
27 Alice O. Pizarro Marino Caguimbal 2013-2016