Part 8

Alamat ng Orani

Nalathala sa iisang aklat ang anim na bersyon, na nagpapaliwanag kung bakit tinawag na “Orani” ang Orani. Ayon sa unang bersyon, posible umanong nagmula ang pangalan ng Orani sa salitang “maruani, ”isang sinasabing grupo ng mga unang nanirahan sa bayan ng Samal. Pagkalipas ng ilang panahon ay lumipat ang mga ito sa Orani at doon nagtatag ng isang bagong pamayanan may, 500 taon na ang nakalilipas. Ang problema sa bersyon na ito ay hindi nilinaw ng sumulat kung bakit ‘maruani’ ang tawag sa mga nasabing grupo.

Sa ikalawang bersyon, sinasabing ang salitang “orani” ay isang uri ng malaking punongkahoy na dating nakatirik sa lugar kung saan itinayo ang kasalukuyang simbahan ng Nuestra Señora del Rosario. Ang kuwestiyon lamang sa bersyong ito ay: saan matatagpuan ang punongkahoy na kung tawagin ay “orani”?

Ayon sa ikatlong bersyon, ang ibig sabihin daw ng Orani ay “bilog.” Ang ibig yatang sabihin ng gumawa ng kuwentong ito ay korteng bilog ang bayan ng Orani. Kaya lang, sa mapa ng Bataan, malinaw na ang hugis ng bayan ng Orani ay parihaba. Puwede rin namang ang ibig sabihin ng sumulat ng kuwento ay puro bilugan ang mukha ng mga taga-Orani.

Batay sa pang-apat na bersyon, ang Orani ay isa umanong lumang katawagan sa “mani” (peanuts). Pero sa pagkakaalam ng lahat, iisa lang talaga ang tawag sa mani. Mani din. Iyong mani na kung tawagin ay balatong, iyo’y isa lamang uri ng mani.

Sa ikalimang bersyon, ang Orani daw ay galing sa pangalan ng isang planeta. Sa panahong ito, buo na halos ang listahan ng lahat ng constellation (bituin o grupo ng mga bituin) sa langit. Mayroong tinatawag na spring constellation na makikita sa langit kung buwan ng Marso, Abril at Mayo. Mayroon ding summer, autumn, winter, northern at southern constellation. Alam na rin kung saan-saan sila nakapuwesto at kung anong buwan lang sila lumalabas sa kalawakan. Pero makatitiyak ang lahat na walang planeta sa langit na ang tawag ay “Orani.”

Mas nakabuti pa siguro kung sinabi ng sumulat ng kwentong ito na nanggaling ito sa “Orion (Giant Hunter) constellation” dahil talagang may ganoong constellation. Kaya lamang, ang Orion constellation ay isang South Star. At dito kinuha ang pangalan ng bayan ng Orion na nasa katimugang bahagi ng Orani. Imposible rin na sa “North Star” kinuha ang pangalan ng Orani. Ang North Star kasi ay isang bituin na nasa tuktok ng North Pole at kung tawagin ito ay “Polaris.” Totoo, may tatlong malalaki at malilinaw na bituin na nasa tapat o tuktok ng bayan ng Orani. Pero ang pangalan ng nasabing bituin ay Aldebaran, na kagrupo ng Taurus constellation. Sa kabuuan, walang bituin sa langit na ang pangalan ay Orani.

Sinasabi naman sa panghuling bersyon na ang salitang “Orani” ay hinango umano sa salitang ”Oretani,” na tumutukoy sa isang pangkat ng mga malalaki at malalakas na tao na naninirahan sa katimugang-silangan ng Hispania Terraconensis, na napapalibutan ng Carpetan, Lusutania at Baslitanii. Maitatanong ninyo: saan kayang sulok ng mundo makikita ang mga lugar na ito?

 

Simula ng Orani

Simple lamang ang pinagmulan ng pangalang Orani. Ito ay hinango sa salitang “Orani,” na pangalan ng isang lehitimong bayan sa bansang Italya. Ang Orani ay isang bayan na matatagpuan sa Lalawigan ng Nuoro, sa Isla ng Sardinia, sa bansang Italya. Sa Orani, Italya, nanggaling o nagmula ang paring Dominikano na siyang nagtatag ng unang misyon (kapilya) sa bayan na kilala natin ngayon bilang Orani, Bataan.

Ang pangalan ng pari ay Padre Juan Zubelbu de Orani, isang Italyano. Ang tunay at buo niyang pangalan ay Juan Zubelbu. Nakagawian lang ng mga sinaunang misyonaryo at ng mga tao na laging ikabit sa pangalan ng isang tao ang lugar na kanilang sinilangan.

Gawin nating isa pang halimbawa si Padre Christopher Salvatierra de Salamanca. Ang tunay niyang pangalan ay Christopher Salvatierra. Pero siya ay ipinanganak at lumaki sa Salamanca, isang bayan sa España. Si Padre Salvatierra, sa kaalaman ng mambabasa, ay kabilang sa limang Dominikanong misyonaryo na unang nakarating sa Bataan noong 1587. Sila ang nagtulong-tulong para maitatag ang bayan ng Abukay noong 1588. Sinundan ito ng pagtatatag ng bayan ng Samal noong 1641. Noong una, ang Samal ay isang malayong baryo lamang ng Abukay. Hindi nagtagal, dumami rin ang mga tao sa Orani hanggang sa ito ay maging isang pamayanan paglipas ng panahon. Ang Orani noon ay nagsimula rin bilang isang malayong baryo ng Samal.

 

Hindi lahat ay mga Kastila

Maganda ring linawin na hindi lahat ng mga sinaunang paring Dominikano na nakarating sa Pilipinas, gayundin sa Bataan ay mga Kastila. Galing sila sa iba’t ibang lahi at bansa. Magmula noong 1564, iba’t ibang uri ng misyonaryo ang ipinadala dito sa ating bansa. Merong mga paring Kastila, Portuges, Pranses, Inglis, Aleman at Italyano na sama-samang nagpalaganap ng Kristiyanismo sa ating bansa.

Sina Antonio Pigafetta at ang marinong si Martino de Judicibus ay ilan lamang sa mga Italyano na nakarating sa Pilipinas noong 1521, kasama si Ferdinand Magellan. Napatay si Magellan sa Mactan pero nakabalik nang buhay sa España sina Pigafetta at Judicibus.

 

Paring Italyano

Sa isang pagsusuri sa listahan ng mga unang misyonaryo na nakarating sa Abukay ay kabilang ang pangalan ni Padre Juan Zubelbu de Orani. Siya ay unang natalaga bilang pari ng Abukay mula noong 1627 hanggang 1633. Pagkatapos ay ipinadala siya sa Pangasinan, isang lalawigan na noo’y nasa ilalim din ng pamamahala ng mga Dominikano. Nagbalik siya sa Abukay noong 1645 at pagkatapos ay sandaling natalaga sa Samal noong 1648.

Sa panahong nasa Samal si Padre Zubelbu ay nagkaroon siya ng pagkakataon na palaganapin din ang Kristiyanismo sa Orani na noon ay wala pa ring pangalan bilang isang bayan. Sa Baryo Kabalutan niya itinayo ang unang kapilya sa Orani dahil naroon ang isang pantalan. Gaya ng iba pang misyonaryong natalaga sa Bataan, pinangarap din ni Padre Zubelbu na makapagtatag ng isa pang bayan, katulad ng Abukay at Samal. Pero hindi gaanong nagtagal si Fr. Zubelbu sa Samal; ibinalik siya sa Abukay noong huling bahagi ng 1648 hanggang 1650. Nagbalik si Padre Zubelbu sa Italya noong 1654 at hindi na nakabalik sa Pilipinas.

 

Itinuloy na programa

Itinuloy ng mga sumunod na paring Dominikano na ipinadala sa Samal ang pinasimulang programa ng pagmimisyon ni Padre Juan Zubelbu sa Orani. Salit-salitang pinamahalaan ng mga paring Dominikano, kagaya nina Padre Francisco Ruiz (1700-1702), Padre Francisco Bargas (1702-1706), Padre Miguel Reasuela (1706-1710) at Padre Pedro Vegas (1710-1716) na pare-parehong natalaga sa Samal, ang pagpapalaki at pagpapatatag sa pamayanang itinatag ni Padre Zubelbu na tinawag nilang “Mission del Padre Juan Zubelbu de Orani.”

Ang Orani ay tinanghal bilang isang bagong vicario noong Abril 21, 1714 na sinasabing kasabayan sa pagtatatag ng bayan ng Balanga. Sa simula, ang Orani ay pansamantalang tinawag na “Vicario del Padre Juan Zubelbu de Orani,” bilang pagkilala sa mga nagawa ni Padre Zubelbu. Hindi nagtagal, ito ay pinaikli at humantong sa simpleng “Orani.” Mahirap kasing tandaan ng mga residente ng lugar ang pangalang “Vicario del Juan Zubelbu de Orani.” Tinawag din ang lugar bilang “Vicario del Nuestra del Rosario” matapos na tanghalin bilang patron ng Orani ang “Mahal na Birhen ng Santo Rosario.”

Sa pagkakatatag ng bagong bayan, isang bagong simbahan na mas malaki kaysa sa kapilya sa Kabalutan ang itinayo sa sentro ng Orani. Isang tore na gawa sa kawayan ang idinagdag bilang kampanaryo. Itinampok din sa altar ng bagong simbahan ang isang imahe ng Birhen ng Santo Rosario na pinatutunayang ginawa pa sa Orani, Sardinia. Si Padre Diego Ortiz ang unang naging pari sa Orani simula noong 1714. Dati siyang nakatalaga sa Samal magmula 1675 hanggang 1677, at sa Abukay magmula 1692 hanggang 1696. Noong 1725, ang Simbahan ng Orani ay natalaga bilang panlalawigang himpilan ng Dominican Order sa Bataan.

 

Asukal

Ang salitang “Orani” ay hinango sa salitang Pranses na “orainier,” na ang ibig sabihin ay “asukal.” Ang pangunahing produkto sa bayan ng Orani, Sardinia, ay tubo at asukal. Hanggang sa kasalukuyan, ang nasabing bayan sa Sardinia, Italya, ay isang malawak na taniman ng tubo.

 orani_mayors